Mariing kinundena ng grupong Katribu ang desisyon ng Abra de Ilog Municipal Trial Court noong Abril 8 sa paghatol nito ng “other forms of tresspass” (panloloob) laban sa siyam na katutubong Mangyan-iraya ng mga residente ng Sityo Malatabako, Barangay San Vicente, Abra de Ilog.

Noong Oktubre 2025, sinampahan ng gawa-gawang kaso na malicious mischief, trespassing, usurpation/occupation of real rights and properties ang 32 katutubo ng kumpanyang Pieceland Corporation upang sila ay gipitin at palayasin sa kanilang lupang ninuno. Una nang ibinasura ng korte ang mga kasong “occupation of real property” at “malicious mischief” laban sa mga biktima.

Ayon sa grupo, hindi dapat kinasuhan ang mga katutubo dahil lamang sa kanilang pagtatanggol sa kanilang lupaing ninuno mula sa pandarambong. Ang hatol ng hukuman laban sa mga katutubo ay nagpapakita ng patuloy na kriminalisasyon sa mga nagtatanggol at naggigiit ng kanilang karapatan sa kanilang lupang ninuno laban sa mga mandarambong at pagpasok ng mga korporasyon.

Dahil sa hatol, napilitan ang ilang myembro ng komunidad na magpiyansa kahit hikahos na sa buhay. May ilang pamilya ang napilitang ibenta ang kanilang alagang hayop at iba pang pinagkukunan ng hanapbuhay upang makasunod lamang sa mga hinihingi ng hukuman.

Sa loob ng maraming taon, ang mga Mangyan-Iraya ay nakararanas ng panggigipit, pagpapalayas, iligal na pag-aresto, at pagsira ng kanilang kabuhayan sa kamay ng estado at ng Pieceland Corporation. Mas umigting ito noong Enero 1, nang isang aerial bombing ng 203rd Infantry Brigade sa Abra de Ilog ang pumatay sa tatlong batang Katutubo at isang student researcher. Mas lumala ang mga pag-atakeng ito sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., na ginagamit ang mga patakaran sa kontra-insurhensiya at “kaunlaran” upang itulak ang panghihimasok ng mga korporasyon sa mga lupang ninuno.

“May direktang papel ang Pieceland Corporation sa panggigipit at pagpapalayas sa komunidad sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga walang batayang kaso at paghihigpit sa pag-akses ng Mangyan-Iraya sa sarili nilang lupain. Ipinapakita ng mga kasong ito ang lalong tumitinding kampanya ng estado sa pagpapaalis sa mga Katutubo mula sa kanilang lupang ninuno pabor sa mga interes ng mga korporasyon, gaya ng nakikita natin ngayon sa agresibong pagsusulong ni Marcos Jr. ng mga proyekto sa renewable energy at pagmimina,” paliwanag ni Funa-ay Claver, pangkalahatang kalihim ng Katribu.

Nananawagan ang Katribu para sa agarang pagbabasura sa mga gawa-gawang kaso laban sa mga katutubo at pagtigil sa militarisasyon at panggigipot sa mga komunidad ng mga mangyan. Dapat ding managot ang Pieceland Corporation at sa puwersa ng estado sa paglabag nitp sa karapatan ng mga katutubo at sa kanilang karapatan sa kanilang lupaing ninuno.

The post Hatol na “trespassing” laban sa mga katutubo sa Mindoro, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.