Sa darating na Mayo 28, gugunitain ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar ang ikatlong anibersaryo ng pagkamatay ni Joshua Sagdullas, isa sa apat na Pulang mandirigma na marahas na pinaslang ng pasistang rehimeng US-Marcos at 43rd Infantry Battalion noong taong 2023 sa Barangay Mabini, Catarman. Bagaman huli, nais ipaabot ng aming buong kasapian ang pinakamataas na parangal sa kanyang tapat na serbisyo at sakripisyo para sa pagpapalaya ng masang magsasaka at malawak na mamamayan.

Higit pa, labis ang aming galit sa sirkumstansya ng kanyang pagkamatay. Ang totoo, buhay pa siya nang madakip ng pasistang kaaway at tinortyur bago paslangin. Tinalian ang kanyang leeg ng lubid at kinaladlad hanggang makarating sa baryo, na sobrang ikinalungkot ng masang nakakilala sa kanya. Sa kabila ng pagpapahirap na ito, wala siyang ipinagkanulo na mga kasama at masa kahit na pinipilit siya ng kaaway na magtapat. Lubhang nahuli ang pagpapaabot ng report na ito dahil sa matinding pananakot ng militar sa masa para magsabi ng nangyari, kasabay ng grabeng militarisasyon sa erya. Dahil dito labis kaming humihingi ng tawad sa pamilya ni Joshua at sa kanyang mga mahal sa buhay.

Si Joshua nakilala ng masa at mga kasama sa Northern Samar bilang si Ka Miyong. Mula sa uring mataas na petiburgesya sa lungsod, namulat siya habang nag-aaral sa University of the Philippines-Tacloban College. Matapos makapagtapos ng may karangalan na magna cum laude, nagdesisyon siyang maging pultaym na aktibista sa syudad. Dahil sa ilang taong pagbabanta ng pasistang kaaway sa kanyang buhay at sariling paniniwala na armadong rebolusyon lamang ang magpapalaya sa sambayanang Pilipino, nagpultaym siya sa BHB noong 2020 sa gitna ng pandemya.

Bilang Pulang mandirigma, kumilos siya sa Northern Samar, partikular sa unang distrito. Nagsilbi siyang instruktor sa pulitika at isang susing upisyal na umambag sa komprehensibong pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya. Tumulong siya sa pagtatayo ng baseng masa, paglunsad ng mga antipyudal at antipasistang pakikibaka, at pagsusulong ng mga armadong opensiba.

Walang masa sa kanyang mga kinilusang baryo na hindi malapit sa kanya dahil matiyaga siya sa pagmumulat sa kanila. Masipag si Ka Miyong na maunawaan ang problema ng masa at agad niya itong binibigyang solusyon. Dahil dito kilalang-kilala siya ng masa laluna sa unang distrito.

Liban dito, minamahal siya ng masang magsasaka dahil mabilis siyang makaangkop sa kanila. Lagi siyang lumulubog sa kanilang pagsaka, pagkokopras, pag-aabaka, pag-uuling, pangingisda, at iba pang hanapbuhay. Kung ano ang mga nakasanayan nilang trabaho ay nais din niyang matutunan. Kung mayroon siyang kaharap na masa lagi niya itong kinakantahan ng mga kinokomposo niyang kanta. Isa rito ay:

“Ako’y umaasang lagi kayong makasama
Ngunit malawak ang saklaw ng rebolusyon
Ako’y bibiyahe sa malayong baryo
Para makakilala ng mga tulad ninyo”

Isang beses, nagkaroon ang yunit ni Ka Miyong ng pankulturang aktibidad at may bisitang masa. Tumula siya at may sinindihang gasolina sa kanyang harapan. Inapakan niya ang gitna ng nagliliyab na apoy at nagsalita, “Ganito rin ang pagdadaanan ko sa aking buhay, pero susuungin ko ito kahit na mainit. Dahil alam kong para ito sa pagpapalaya ng malawak na mamamayan na matagal nang nakaludlod sa labis na kahirapan.”

Marami sa masa ang umiyak sa kanyang ginawa. Kaya lamang ay napaso ang paa niya, pero tumatawa lamang siya kahit na nasasaktan.

Mabilis din siyang nasanay sa gawaing militar. Sa tatlong taon niyang paging Pulang mandirigma ay ganap siyang nakaangkop sa pisikal na aspeto ng pagiging bahagi ng hukbong bayan. Marami ang naging karanasan sa pagsali sa mga taktikal na opensiba. Hindi siya malungkuting kasama; kahit sa gitna ng malaking operasyon ng kaaway, pinararamdam niya sa mga kapwa mandirigma na matapang siyang haharap sa mga pasista. Sa malalayong lakad hindi siya makikitang umaangal, sa halip ay lagi lang masayahin kahit na nadadapa. Magbibiro pa siya, “aaksyon” na aagap ng armas, at magsasabing “Asan na ang kaaway, papatayin ko!” Nakakapataas ito ng moral ng mga kasama.

Isinabuhay niya ang prinsipyo ng simpleng pamumuhay at matiyagang pakikibaka. Walang pagkain sa gubat na hindi niya tinikman, at hindi siya nagsasabing “Ayoko niyan,” sa halip ay ipinapakita niya sa mga kasama na kayang mabuhay ng hukbo kahit sa mga simpleng pagkain lang. Kung may punit na ang damit niya agad niya itong tatakpan, dahil bigay ito ng masang naghihirap kaya wala siyang aakasayahing damit. Gayon na lamang ang determinasyon niyang isulong ang rebolusyonaryong kawsa ng masang anakpawis.

Naaalala namin si Ka Miyong bilang napakahusay na kasama. Kung may pinagdadaanan siyang mga personal na problema hindi niya ito isinisikreto sa kanyang kolektibo. Walang pagod siyang nagsakripisyo para sa masa at mga kasama, at higit sa lahat walang sawang nagpapaliwanag at nagpapataas ng kanilang kamulatan.

Sa maiksing panahon na nagkasama kami nasaksihan namin ang mabilis niyang pagpapanibagong-hubog, mahusay na pakikiisa sa kapwa kasama, at mabilis na pagiging malapit sa masa. Inialay niya ang kanyang buhay sa rebolusyon at walang pagdadalawang-isip na mag-ambag sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Nagsisilbi siyang inspirasyon sa iba pang kabataan na namumulat sa pangangailangan ng rebolusyon sa harap ng tumitinding krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal.

Kailanman hindi siya malilimutan ng mga kasama na kanyang nakasama at ng masa na kanyang pinagsilbihan hanggang sa mabuwal ang kanyang buhay. Sa anibersaryo ng pagkamartir ni Ka Miyong, saluduhan natin siya at ang lahat ng martir ng rebolusyon Pilipino. Ang ating pangungulila sa kanila ay ating itransporma sa nag-aalab na determinasyong ipagpatuloy ang kanilang pakikibaka, lubos at buong magsilbi sa mamamayan, at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa mapalaya ang mamamayang api.

Mabuhay si Joshua “Ka Miyong” Sagdullas! Mabuhay ang lahat ng martir ng rebolusyon!
Kabataan, tumungo sa kanayunan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

The post Mataas na Pulang saludo kay Joshua “Ka Miyong” Sagdullas, minamahal na mandirigma ng BHB-Northern Samar, modelo ng kabataan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.