Huwag tularan ang maraming senador na nagpapakita ng galit o luha bunga ng sama ang loob. Ganyan talaga umarte ang mga bistado.
![]()
Masama ang loob ng isang senador. Takot na takot kasi siya noong gabi ng Mayo 13. Sa isang talumpati sa plenaryo kamakailan, inakala raw niya’y katapusan na niya.
Sa gitna ng palitan ng putok sa loob ng gusali ng Senado, hindi man lang daw siya kinumusta ng mga kapwa niya senador na nakauwi na, lalo na ang mga nasa minorya. Napaiyak siya sa paglalahad ng kanyang saloobin.
Oo, may iba pang napaluha (kasama ang ibang senador) pero may iba ring gumamit ng terminong “crocodile tears” para ilarawan ang pagiging maarte. Para sa kanila, kapansin-pansin ang pekeng luha ng ilang senador habang itinatago ang mga pansariling interes.
Ang naka-iskedyul na caucus ng mga senador na nasa mayorya (na kinabibilangan ng umiyak na senador na nagtalumpati), hindi natuloy dahil sa kaguluhan. Kailangan pa naman nilang magpulong sa dalawang importanteng isyu—ang warrant of arrest na isinapubliko na ng International Criminal Court (ICC) kay Sen. Bato dela Rosa at ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Nakapagtataka lang na, sa mga sumunod na araw, lumalabas na hindi naman pala “under attack” ang Senado dahil ang maraming narinig na putok ay “warning shots” mula sa mismong gusali. Iniimbestigahan na nga kung bakit kinailangan ng “warning shots.” Sa katunayan, pinag-aaralan na rin ng mga awtoridad kung “staged” nga ba ang nangyaring kaguluhan.
At dahil may pampublikong pagdududa sa nangyari noong gabi ng Mayo 13, hindi nakagugulat na may isa pang senador na galit na galit na dinepensahang “under attack” daw talaga ang gusali ng Senado. Sa isang media briefing, nahampas pa niya ang podium sa sobrang galit niya. Tinaasan pa niya ng boses ang isang peryodista (kahit na kinikilala naman daw niyang karapatan ng peryodistang magtanong).
Kung may dapat kumustahin, ito ay ang mga biktima ng karahasan ng estado noon at ngayon. Huwag magpadala sa pekeng luha o mapanlinlang na retorika. Patuloy na labanan ang kasinungalingan habang itinataguyod ang katotohanan.
Sa ganitong konteksto, hindi masisisi ang publiko kung iisiping ang aktitud ng ilang senador na nasa mayorya ay para lang pagtakpan ang katotohanan. Baka naman kasi nagiging sensitibo ang ilang senador dahil nabibisto na ang kanilang adyendang patakasin si dela Rosa para ituloy ang kanyang pagtatago mula sa ICC.
Matapos ang anim na buwang pagliban, matatandaang bumalik siya sa Senado noong Mayo 11 para mapanghawakan ng bagong mayorya ang Senado. Malinaw ang pagkanlong sa kanya dahil sa halip na payuhang sumuko, prinotektahan pa siya para hindi maaresto. Hindi ba’t nakalabas pa si dela Rosa sa gusali ng Senado sa tulong ng isang senador?
Siyempre pa, bistadong-bistado na rin ang dahilan ng pagpapalit ng liderato dahil may kaugnayan ito sa impeachment trial ni Duterte. Dahil kaalyado, nais nilang mapawalang-sala siya. Wala na silang pakialam sa magiging reaksiyon ng publiko dahil handa nilang isugal ang kanilang reputasyon para lang sa kanya. Umaasa kasi silang mananalo si Duterte sa inaasahang pagtakbo bilang pangulo sa 2028.
At dahil dalawang taon na lang ang hihintayin bago matapos ang termino ng kasalukuyang pangulo, mas iniisip ng bagong mayorya sa Senado ang mga ganansiya ng pagsuporta sa inaasahan nilang magpoprotekta sa kanila. Tandaang sangkot sa iba’t ibang anomalya’t kontrobersiya ang marami sa mga kasalukuyang sumusuporta kay Duterte.
Seryosong akusasyon ang “crimes against humanity,” bukod pa sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kung magiging pangulo si Duterte, ligtas na sila’t malamang na mapawalang-sala sa mga kasong isinampa sa Pilipinas. At para naman sa mga dapat na managot sa ICC, siyempre’y hindi kikilalanin ang mga arrest warrant at makasisiguro silang protektado ng batas na mismong kanilang nilabag.
Kumusta na? Huwag tularan ang maraming senador na nagpapakita ng galit o luha bunga ng sama ang loob. Ganyan talaga umarte ang mga bistado.
Kung may dapat kumustahin, ito ay ang mga biktima ng karahasan ng estado noon at ngayon. Huwag magpadala sa pekeng luha o mapanlinlang na retorika. Patuloy na labanan ang kasinungalingan habang itinataguyod ang katotohanan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com/
The post Kumusta? appeared first on Bulatlat.
From Bulatlat via This RSS Feed.


