Naglunsad ng prayer vigil ang mga porter, manininda at residente sa La Trinidad Vegetable Trading Post noong Mayo 13 upang kundenahin ang pag-aangkat ng mga carrot ng Department of Agriculture (DA).

Inianunsyo ng DA ang pag-angkat nito ng 1,000 metrikong tonelada ng carrot nong Abril, kasunod ng tig- 2,500 metrikong tonelada para sa Mayo at Hunyo, upang tugunan diumao ang kakulangan sa suplay at maibaba ang presyo nito sa merkado.

Sa isang panayam kay Betty Listino ng Pansigeden Advocacy Cooperative (PAC) ng alternatibong pahayagan Nordis, sinabi niyang patuloy na nagdurusa ang mga magsasaka dahil sa mababang farmgate price, pinalalala pa ito ng smuggling at walang-kontrol na pag-aangkat. Sa halip na palakasin ang lokal na suplay, patuloy lamang ang DA sa pag-aangkat ng gulay.

Ibinihagi niya ang bentahan ng carrot sa Metro Manila ay nasa P80 hanggang P190 kada kilo habang ang farmgate price nito sa Benguet Agri-Pinoy Trading Center ay nasa P50-P60 kada kilo para malalaki na carrrot at P10-P25 kada kilo para sa “hugis lumpia” na carrot.

Bumaba din ang presyo ng ibang mga gulay mula sa kabundukan ng Benguet. Noong Mayo 10, naitala na nasa P3-P7 kada kilo na lamang ang presyo ng Wonderball at Rareball na repolyo habang ang Chinese cabbage ay nasa P12 -18 kada kilo.

Mahigit 75 taon nang umiiral ang pagtatanim ng gulay sa kabundukan, ngunit wala pa rin itong nakalaang pambansang programa at epektibong mekanismo sa regulasyon. Ang paulit-ulit nang isyu ng sobrang suplay at pagbagsak ng presyo sa bentahan ay sintomas ng mas malalim na krisis sa istruktura na pinalala ng deka-dekadang kapabayaan ng gubyerno, paliwang ni Listino.

“Hindi tulad ng palay at mais, wala pang nakalaang pambansang programa para sa mga gulay sa kabundukan. Dahil dito, kulang ang datos ng gubyerno tungkol sa mga isyung matagal na naming itinatataas at sa gayon ay nabibigo itong magbigay ng angkop na solusyon,” aniya.

Sa lumipas na mga taon, ilang ulit nang inirereklamo ng mga magsasaka, komersyante at lokal na upisyal ang patuloy na pag-aangkat ng estado ng gulay at kainutilan nito sa pagsugpo sa smuggling.

Sa isa ring panayam ng Nordis sa Aliansi Dagiti Pesante iti Kordiliera (Apit Tako), sinabi nitong kulang pa rin ang pagsisikap ng gubyerno sa kabila ng pagbili nito ng 201,990 kilo ng gulay sa pamamagitan ng KADIWA at pakikipag-ugnayan sa mga palengke simula Marso 2. Noong Mayo 9, inihatid ng ahensya sa Cubao ng nasa 35,000 kilo ng gulay mula sa Buguis, Mankayan, Besao at Tinoc.

Noong Abril, dumalaw si Francisco Tiu-Laurel, kalihim ng DA at si Ferdinand Marcos Jr. sa La Trinidad trading post, na tinawag ng mga residente at lokal na upisyal bilang “purong pakitang tao lamang.”

“Imbes na gawan ng paraan upang pababaan ang gastos sa produksyon… delivery at pagbenta nang maayos ang carrot production ng Benguet, ang naging desisyon pa rin nila ay pag-iimport para sa diumano’y ‘calibration’ ng suplay,” pahayag ng Apit Tako.

“Sa esensya, hindi masasagot ng DA at ng Marcos, Jr. administration ang mga problema ng hardinero hangga’t hindi lumilikha ng sistemikong pagbabago sa sektor ng agrikultura,” dagdag ng grupo.

Noong Mayo 12, naglabas ng manifesto ang League of Assocations of the La Trinidad Vegetable Trading Area, Pansigedan Advocacy Cooperative, at mga grupo ng magsasaka at indibidwal kabilang ang mga lokal na upisyal at boluntir mula sa pamantasan, na inihain sa upisina ni Senador Kiko Pangilinan, upang manawagan na kanselahin ang importasyon para sa Abril at Hulyo.

The post Importasyon sa gulay, kinundena ng mga magsasaka ng La Trinidad, Benguet appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.