Nagmartsa patungo sa Senado sa Pasay City ang mga progresibong grupo noong Mayo 18 kasabay ng pagbubuo ng mga senador bilang impeachment court na lilitis kay Bise Presidente Sara Duterte. Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nanawagan silang agarang litisin at panagutin si Duterte sa kanyang mga krimen at korapsyon.
Pinangunahan ng bagong halal na Senate President na si Alan Peter Cayetano ang pagtitipon sa impeachment court. Nanumpa siya at 22 iba pang senador para magsilbing senador-hukom nito. Samantala, wala sa senado ang pugante ng International Criminal Court na si Sen. Bato dela Rosa.
Isa sa mga adyenda ng korte ang pormal na pagpapatawag kay Duterte sa hindi pa tinukoy na petsa. Inatasan rin ang na-impeach na bise presidente na maghain ng kanyang sagot sa Articles of Impeachment sa loob ng 10 araw sa panahong matanggap ang pabatid. Binigyan naman ng korte ang panel ng prosekusyon ng House of Representatives ng limang araw para tumugon sa panahon magpadala na ng sagot ang kampo ni Duterte sa pabatid ng mga senador-hukom.
Pormal na ring inirehistro sa impeachment court ang pangalan ng 11-kataong prosekusyon ng House of Representatives. Pinangalanan bilang nangungunang prosekyutor si Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.
Samantala, nagtalaga ang tim ng prosekusyon ng mga tagapagsalita nila kung saan kabilang si Kabataan Rep. Atty. Renee Co. “Aasahan natin na dadalhin po natin ‘yung boses ng kabataan na nananawagan sa hustisya,” pahayag ni Co.
Pananagutan ang sigaw ng bayan
“Pagpapanagot kay Sara Duterte ang tanging resultang inaasahan ng taumbayan sa kanyang walang kahihiyang pagwaldas at pandarambong ng pondo ng bayan,” pahayag ng Bayan. Anito, mahigpit na babantayan ng sambayanan ang anumang tangkang pagpigil, pag-antala o pagsabotahe ng paglilitis.
Dagdag ng Bayan, “dapat manaig ang katotohanan at hustisya at hindi ang makasariling pampulitikang interes ng mga maka-Duterteng senador.” Si Cayetano at ang kanyang pangkat ng 12 senador sa mayorya ay kilalang mga maka-Duterte. Nagkudeta ang kampo ni Cayetano laban sa dating pangulo ng senado na si Tito Sotto noong Mayo 11 para maluklok sa poder.
Maliban sa pananagutan kay Duterte, sinabi ng Bayan na dapat ring patuloy na ilantad at singilin si Pang. Ferdinand Marcos Jr sa pagsabotahe at pagkaantala sa impeachment ni Duterte. “Sa mula’t sapul, si Marcos Jr ang pumayag na bigyan ng 150 milyong confidential ang kanyang dating ka-Uniteam nang walang ligal na batayan. Ito ang pondong nilustay at ninakaw ni Sara sa loob lamang ng isang araw,” ayon sa grupo.
Nanawagan ang Bayan sa sambayanang Pilipino na tuluy-tuloy na kumilos at magprotesta para itulak ang mabilis at walang pag-antalang paglilitis kay Duterte ng Senado. “Nananawagan kami sa publiko na manatiling mapagbantay, magtatag o sumali sa mga aktibidad ng ‘Impeachment Watch’ sa mga paaralan, komunidad, at mga lugar ng paggawa,” ayon sa Bayan.
Nararapat lamang umanong paramihin ang mga protesta laban sa kawalang pananagutan. “Ipagpatuloy natin ang laban para sa katotohanan, pananagutan, at hustisya,” pahayag ng grupo.
The post Pagbubuo ng mga senador bilang impeachment court, sinalubong ng protesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

