Nagprotesta ang mga myembro ng Samahan ng mga Vendor sa QC sa tapat ng Quezon City Hall noong Mayo 18 upang kundenahin ang patuloy na panghuhuli, pangungumpiska at pagpapatigil sa kanila sa pagtitinda. Kasama nila sa pagkilos ang Defend Jobs Philippines.

Noong Enero, naglabas ang lokal na gubyerno ng memorandum na “Market Development and Administration Department” (MDAD) na nag-uutos sa mga barangay na huwag bigyan ng clearance o permit ang mga vendor sa iba’t ibang pangunahing lugar sa syudad. Kasabay nito ang banta ng administratibong kaso laban sa mga barangay na hindi susunod.

Ayon sa grupo ng mga manininda, habang tumitindi ang krisis sa presyo ng pagkain, langis, pamasahe at kuryente ay lalo namang pinagkakaitan ng lokal na gubyerno ng Quezon City na maghanapbuhay ang mga maralita. Taliwas ito sa programa mismo ng syudad para sa suporta at pagliligalisa sa maliitang pagtitinda.

“Sa halip na tulungan kaming maliliit na naghahanap-buhay sa panahon ng matinding kahirapan, mas pinili pang higpitan, hulihin at takutin ang mga vendor habang hirap na hirap na kaming maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng aming pamilya,” pahayag ng grupo.

Dagdag pasanin ngayon ng mga vendor ang pagmumulta at pagbabanta na kumpiskahin ang kanilang mga paninda. May mga vendor na napipilitang mangutang para bayaran ang mga multa na umaabot sa libu-libong piso. Ang iba ay hindi na alam kung paano babangon at hirap kumita para sa pagkain ayon sa grupo.

“Ganito ba ang ‘kasama ka sa pag-unlad,’ Mayor Joy Belmonte? Halos ituring kaming kriminal sa sarili naming lunsod. Kung walang trabaho, mababa ang sahod at mahal ang bilihin, saan ninyo gustng pumunta ang mahihirap,” tanong ng grupo.

Nananawagan ang Samahan ng mga Vendor sa QC ng dayalogo sa lokal na gubyerno. Giit nila na gawing ligal at aprubahan ang nakabimbing mga aplikasyon para sa mga vending permits at barangay clearance; itigil ang panghuhuli, panggigipit at pagbabanta sa mga manininda; ipawalambisa o ibalik ang mga hindi makataong ipinataw at nabayarang multa; proteksyon para sa maliliit na vendor at pagkilala sa kanilang karapatan para sa marangal at disenteng hanapbuhay.

The post Patakarang kontra manininda sa Quezon City, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.