Mariing binabatikos ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa Palawan ang katatapos lamang na Balikatan exercises na inilunsad noong Abril 20 hanggang Mayo 8.
Noong Abril 27, ginawa sa barangay Aporawan ng bayan ng Aborlan ang counter-landing drills at live fire exercises, kasama ang mga modernong bomba tulad ng High Mobility Artillery Rocket Systems ng US o HIMARS, Javelin anti-armor missiles, at modernong fighter jets. Sa mga drill na ito pinagsanayan ng higit 500 armadong pwersa ng AFP, US, Australia at New Zealand ang mabilis na pagharap at pagdepensa ng mga tropa na nasa baybayin laban sa mga sumasalakay mula sa dagat upang pigilan itong makadukdok.
Walang ibang inihatid sa mamamayan ng iba’t ibang probinsyang pinaglunsaran nito kundi perwisyo sa kabuhayan ng mga mangingisda, kasabay ng banta, pangamba at ligalig dahil sa presensya ng mga mersenaryong armadong pwersa ng AFP at ng mga imperyalistang bansa at sa kaliwa’t kanang pagpapaputok ng mga sandata nila.
Batid ng mamamayan na ang Balikatan ay bahagi ng paghahanda ng imperyalismong US sa niluluto nitong gera sa rehiyong Indo-Pacific laban sa tinukoy nitong pangunahing karibal na imperyalistang bansang China. Pagkaladkad ito sa Pilipinas sa imperyalistang gerang agresyon ng US.
Matapos ang serye ng mga panggegera ng US at Israel sa mga bayan sa Kanlurang Asya at ng panghihimasok sa mga bansa sa Latin America at Carribean tulad ng Ecuador at Venezuela, napipinto ring pumutok ang gera sa Indo-Pacific. Walang-renda ang panganganti ng US sa China sa pamamagitan ng mga aktibidad militar na nagpapaigting sa ligalig sa rehiyon upang sa dulo ay ibitag ang China sa mas mataas na antas ng agresyon at ganap na gera sa pagitan ng China at US.
Taun-taon inilulunsad sa Palawan ang Balikatan exercises. Malaon nang kinilala ng US ang estratehikong lokasyon ng isla bilang nakaharap sa West Philippine Sea at South China Sea, dahilan upang ituring ng US ang Palawan bilang isa sa mga lunsaran ng mga aktibidad militar, daungan ng mga barko ng US Naval Command at imbakan ng mga armas at kagamitang pandigma, sa layuning palibutan ang China sa pagsasakatuparan ng First Island Chain nito sa Asya-Pasipiko.
Pinakamalaki sa kasaysayan ang katatapos lamang na ika-41 Balikatan. Hinigitan nito sa laki ng pwersang imbwelto mula sa AFP at US Armed Forces na mahigit 17,000 tropa, kumpara sa 16,000 noong 2024 at 15,000 noong 2025. Kalahok din sa katatapos na Balikatan ang mga kinatawan mula sa Australia, Canada, France, Japan, New Zealand at United Kingdom, dagdag pa ang mga kinatawan sa 13 iba pang alyadong bansa bilang tagamasid sa ilalim ng International Observers Program. Patunay ng higit na lumalaking pwersang pinalalahok ang tumitinding paghahandang-militar ng US at pagsasangkot ng mga alyado, kolonya at malakolonyang bansa sa napipintong gera.
Hindi lamang ang bilang ng pwersa ang pinaunlad nila, kundi ginawang palaruan ng US at ng ibang bansa ang Pilipinas para ipamalas ang mga kagamitan at aktibidad militar na gagamitin o gagawin sa pagsasanay. Unang beses na ginamit sa Balikatan ang Type 88 surface-to-ship missile system ng Japan Ground Self-Defense Force at ang pagdeploy ng U.S. Tomahawk Land Attack Missile capability sa panahon ng mga pagsasanay.
Mariing binatikos ng mamamayang Pilipino ang pagpapalipad ng Tomahawk missile sa Pilipinas, na ginamit din ng US sa pambobomba sa Minab, Iran na kumitil sa 175 batang estudyante. Presisong atake at hindi aksidente ang pambobombang ito dahil sa lubhang sopistikadong bomba ang Tomahawk, na gumagamit ng mataas na antas ng teknolohiya upang tiyak na mapatamaan ang target nito.
Ang mga modernong armas ay patuloy na pinauunlad ng imperyalismong US sa pagpapanatili ng superyoridad sa larangang militar sa daigdig kahit magdulot ito ng kapinsalaan at paghihirap ng mamamayan ng daigdig. At sa sandaling dinala ang mga ito sa Pilipinas, walang-dudang sa mga susunod na panahon ay ihahatid ng US ang milyun-milyong mamamayang Pilipino sa tiyak na pagdurusa at kamatayan dulot ng bangis ng gerang agresyon ng US sa Indo-Pacific!
Ekspresyon ng masugid na pagpapatuloy ng Balikatan sa Pilipinas ng pagiging malakolonya nito sa US. Ibinabalewala ng US ang istatus ng Pilipinas bilang isang nagsasariling bansa, habang nagpapatuloy ang pagkatali ng huli sa una sa mga tagibang na kasunduang militar na pabor sa US. Sa katunayan, nakataon ang Balikatan 41-26 sa ika-75 anibersaryo ng US-RP Mutual Defense Treaty; at, kasama ang Visiting Forces Agreement, Maritime Logistics and Support Agreement (MLSA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement, ay palatandaan ng tahasang pagyurak sa soberanya ng Pilipinas dahil sa tuwirang armadong panghihimasok ng US sa bansa. Pagpapahigpit ito sa kontrol sa Pilipinas, para sa imperyalistang interes ng US sa lahat ng larangan.
Hindi kailanman lulubayan ng imperyalismong US ang kontrol nito sa Palawan at sa buong Pilipinas. Bukod pa sa adyendang militar ng US laban sa China, dahilan din ng pagpapahigpit ng kontrol ng US sa probinsya ang mayamang rekursong likas sa Palawan na dinadambong at pinakikinabangan ng mga imperyalistang bansa. Tampok dito ang pamamayagpag ng mga kumpanya sa mina sa probinsya tulad ng Ipilan Nickel Corporation, Calmia Nickel Inc., Berong Nickel Corporation, Rio Tuba Nickel Mining Corporation at iba pa na nagpapalayas sa mamamayan sa kanilang panirikan at nagwawasak sa kalikasang pinagmumulan ng kabuhayan ng masang magsasaka at pambansang minorya. Makikinabang nang husto ang US sa yamang mineral ng Pilipinas laluna sa panibagong kasunduang Pax Silica na pinasok ng reaksyunaryong rehimeng Marcos Jr. at ng US nitong taon.
Ibayong kahirapan, pang-aapi at pagsasamantala ang dinaranas ng masang Palaweño sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Napakababa ng sahod ng mga manggagawa at manggagawang-bukid sa harap ng napakataas na presyo ng bilihin. Naitala sa Palawan ang mas mataas na mga presyo ng mga bilihin kumpara sa ibang mga probinsya sa rehiyon. Mahigpit na nga ang sinturon, binabayo pa ang sambayanan ng krisis sa labis na pagsirit paitaas ng presyo ng produktong petrolyo. Ngunit sa gitna ng lahat ng ito, binubuhos pa ng rehimeng US-Marcos II ang pondo ng bayan sa modernisasyon ng mga kagamitang pandigma at pagpopondo sa mga ehersisyong militar sa halip na ilaan sa mamamayang hilahod ang kalagayan dahil sa hambalos ng neoliberalismo sa ekonomya na dulot ng imperyalismo.
Sa harap ng tumitinding gerang agresyon ng US, tumitindi rin ang panawagan ng bayan na labanan ito. Walang ibang makapagwawakas sa imperyalistang gera kundi ang paglulunsad ng mamamayan ng digmang sibil. Nananawagan ang NDFP-Palawan na ilunsad sa probinsya ang demokratikong rebolusyong bayan na magwawakas sa imperyalistang dominasyon ng US sa bansa. Walang ibang solusyon sa kahirapan ng mamamayan kundi ang pagtangan ng armas at pagsusulong ng digmang bayan. Ang lahat ng pasakit na hatid ng imperyalismo sa ekonomya, pulitika, militar, kultura at relasyong panlabas ng Pilipinas ay mapapatid kapag nagtagumpay ang DRB. Sa pamamagitan ng rebolusyon tiyak na magwawakas ang mga di pantay na tratado sa US, mapapalayas ang mga sundalong Amerikano sa bansa, malalansag ang mga base-militar ng US at matitigil ang mga ehersisyong militar ng US kasabwat ang AFP. Kakamtin ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Ang paglayang ito ng sambayanang Pilipino ay magdudulot ng malaking bigwas sa imperyalismo tungong higit na paghina at pagbulusok nito sa buong mundo.
The post Balikatan Exercise 41-26: pagpapaigting ng gerang agresyon ng US, banta at perwisyo sa mamamayan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

