Mariing itinatakwil ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mt. Amandewin Command ang magkakasunod na deklarasyong “state of internal peace and security condition” (SIPSC) na pinangunahan ng militar katulungan ang lokal na gubyerno sa mga bayan ng Tabango at San Isidro, Leyte, at sa prubinsya ng Southern Leyte. Ang mamamayan mismo, laluna ang malawak na masang magsasaka, ang magpapatunay na walang kapayapaan o seguridad sa gitna ng militarisasyon, bagkus lalo pa silang nasasadlak sa kahirapan.
Sa mga lugar na ito, patuloy na namamayani ang iilang panginoong maylupa (PML)-negosyante na siya ring may hawak ng pusisyon sa reaksyunaryong gubyerno. Katuwang nila ang militar sa pagpapatayo ng mga huwad na “samahang magsasaka” na nagiging daluyan ng korapsyon sa ayudang ipinapangako ng munisipal, panlalawigan at pambansang pamahalaan. Ipinalalabas na nakatatanggap ang mga myembro nito ng iilang biik at kaunting binhi ng gulayin, ngunit ang totoo, iilan lamang ang nakatatamasa ng sensilyong ayuda.
At kahit na lahat pa sila ay makakuha ng ayuda, hindi pa rin matitiyak ng mga samahang ito ang kanilang kabuhayan dahil patuloy pa rin silang inaagawan ng lupa ng mga PML-negosyante. Kung walang sariling lupa, hindi sila makakapagtanim ng palay, mais, saging, duma (root crops) at gulay na siyang pangunahin nilang pinagkakakitaan.
Dahil sa pinaigting na militarisasyon at pasistang terorismo ng estado, namemeligrong mawala ang mga tagumpay na nakamit ng masa sa paglulunsad ng kilusang antipyudal. Kabilang dito ang mahigit 2,000 ektaryang lupang tinangkang agawin ni Iñaki Ablen Larrazabal, dating meyor ng Ormoc City at kroni ni Marcos Sr, sa hangganan ng San Isidro at Calubian. Napagtagumpayan ito ng masa sa pamamagitan ng pagpupusisyon (bungkalan). Noong 2001, mahigit 500 pamilya ang napamahagian ng tig-isa’t kalahating ektarya. Hanggang ngayon ay iginigiit nila ang karapatan dito sa harap ng walang humpay na pagtangka ng gubyerno at militar na wasakin ang kanilang pagkakaisa at muli silang mapalayas. Pinaplano sa nasabing lugar ang proyektong turismo at military reservation area ng estado.
Namemeligro ring muling maagaw ang mahigit 3,000 ektaryang niyugan, palayan at bakahan sa hangganan ng San Isidro at Tabango na dati nang naigiit ng mga magsasaka mula sa Aznar Enterprises noong panahon ng rehimeng Marcos Sr. Tinangka silang palayasin sa pamamagitan ng mga goons, desisyon ng korte na nagpawalang bisa sa kanilang CLOA, at paninira sa kanilang pananim gamit ang baka at baril. Ngunit patuloy na lumaban ang mga magsasaka para depensahan ang kanilang hanapbuhay at lupa.
Noong 2005, sinalakay ng BHB ang upisina ng kumpanya at sinabihan ang katiwala nito na si Jorge Aznar na itigil ang planong pagpapalayas sa mga magsasaka. Pinabuwag din ng BHB ang mga goons at kinumpiska ang 10 armas ng PML. Matapos nito, agad na nakipag-usap si Aznar sa mga magsasaka para sabihing malaya na silang magsaka sa kanilang lupa. Ipinawalang-bisa rin nito ang mga gawa-gawang kasong isinampa laban sa masa.
Ilan lamang ito sa napakaraming kongkretong pagpapaunlad sa kabuhayan ng masang magsasaka na kanilang natamasa sa pamamagitan ng sama-samang paglaban sa gabay ng rebolusyonaryong kilusan. Pangmatagalan at makabuluhan ito kung ikukumpara sa panakip-butas na mga solusyon ng reaksyunaryong estado na itinataguyod ng militar para sa huli, muling maikonsentra ang lupa sa mga PML-negosyante. Ang ganitong klaseng “kaunlaran” ay tinatabingan naman ng mapanlinlang na deklarasyong SIPSC. Layon ng SIPSC na palabasing “mapayapa” o “may seguridad” kung namamayani ang panginoong maylupa, lokal at dayuhang negosyante, at mga burukrata kapitalista.
Ang pahirap na militarisasyon at terorismo ng estado ay lalong nagpapatunay na wasto, makatarungan, at nasa interes ng mga magsasaka ang demokratikong rebolusyong bayan na isinusulong ng Partido, BHB, at NDFP. Walang duda na buong-puso nila itong yayakin at isusulong sa pamamagitan ng pagsuporta sa digmang bayan at pag-aambag ng mga Pulang mandirigma sa hukbong bayan.
The post Militar sa Leyte, hadlang sa tunay na kaunlaran, pahirap sa masang magsasaka appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

