Nagtipon ang maliliit na mangingisda ng Dagupan City, Pangasinan sa isang konsultasyon noong Mayo 11 para iparating ang kanilang pagtutol sa komersyal na pangingisda sa 15-kilometrong municipal water sa bansa. Pinangasiwaan ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang naturang konsultasyon. Dumalo sa aktibidad si Ronnel Arambulo, ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya.
Sa pagtitipon, ipinahayag ng mga mangingisda na nararapat lamang na labanan ang pagsasamantala ng komersyal na mga sasakyang pangisda sa tradisyunal na mga pangisdaan.
“Pilit pinag-iinteresan ng malalaking negosyo, kasabwat ang mga gumagawa ng batas, ang kakarampot na pangisdaan ng maliliit na mangingisda,” pahayag ni Arambulo. Aniya, lubos na nakababahala ang mga naiulat na lalong pagdami ng malalaking bangkang pangisda sa municipal waters mula nang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito noong 2024.
Inilabas ng korte ang isang desisyon noong Disyembre 2024 na pinahihintulutang makapangisda ang malalaking kumpanya at negosyo sa municipal waters. Dati nang naninindigan ang mga mangingisda kontra dito dahil pipinsalain nito ang kabuhayan ng nasa dalawang milyong mamamalakaya.
Ayon sa Pamalakaya, bago pa man ang desisyon ng korte ay laganap na sa Lingayen Gulf ang komersyal na pangingisda kabilang ang mga sasakyang pandagat na trawler at Danish seine (hulbot-hulbot). Ang gulpo ang pangunahing pangisdaan na nasa saklaw ng Pangasinan at La Union.
“Higit babagsak ang kita ng maliliit na mangingisda sa paglaganap ng commercial fishing sa municipal waters. Ang mga ito rin ang isa sa mga dahilan ng mabilis na pagkasira ng pangisdaan dahil sa kanilang mga walang regulasyong operasyon at karaniwang mapanirang kagamitan,” pahayag ni Arambulo.
Ayon sa grupo, itutulak nito ang isang dayalogo sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 1 para ihapag ang hinaing ng maliliit na mangingisda sa prubinsya. Sa datos ng Dagupan City, mayroong hindi bababa sa 11,000 katao ang nakasalalay sa pangingisda, akwakultura, at produksyon pagkatapos ng pag-aani.
The post Karapatan sa 15-km municipal waters, ipinaglaban ng maliliit na mangingisda ng Dagupan City appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

