Nagtipon ang mga militanteng grupo sa Welcome Rotunda sa Quezon City noong Biyernes, Mayo 15, upang gunitain ang ika-78 anibersaryo ng Al Nakba at ipanawagan ang pagpapalaya sa Palestine mula sa marahas na okupasyon ng Zionistang Israel. Naganap ang Al Nakba (Ang Sakuna) noong Mayo 15, 1948, kung saan marahas na pinalayas ang mahigit 750,000 Palestino mula sa kanilang lupa upang bigyang-daan ang pagtatatag ng estado ng “Israel.”

Pinangunahan ang pagkilos ng Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA). Bitbit ng mga nagprotesta ang mga bandila ng Palestine at mga plakard na may sulat na “Salam Palestine Solidarity from the Philippines.” Tampok din sa protesta ang pagpapakita ng iba’t ibang anyo ng paglaban, kabilang ang isang aso na pinasuot ng karatulang “Resistance Until Return” at ang pagsipa at pagsunog sa effigy ng ulo ni Benjamin Netanyahu, ang pinuno ng Zionistang estado. Sa pahayag ng PPFA, layunin ng pagkilos na iparating na hindi kailanman mapapatid ang pakikiisa ng mamamayang Pilipino sa laban ng mga Palestino.

“Ang Nakba ay hindi lamang kasaysayan ng pagpapalayas noong 1948; ito ay isang nagpapatuloy na karahasan at henosidyo na nararanasan ng mga Palestino hanggang sa kasalukuyan sa kamay ng rehimeng Zionista,” ayon sa kinatawan ng PPFA. “Kaisa kami sa kanilang panawagan para sa karapatang bumalik sa kanilang sariling lupain.”

Nakiisa rin ang International League of Peoples’ Struggle (ILPS) sa aktibidad. Sa inilabas na upisyal na pahayag nito, binigyang-diin ng alyansa ang matinding krisis sa Gaza at West Bank, partikular ang pagdami ng mga bilanggong pulitikal at ang paggamit ng “yellow line”—isang instrumentong militar ng mga Zionista na umaagaw sa halos 60% ng lupang agrikultural sa Gaza upang lalo pang gutumin at gipitin ang mga mamamayan nito.

“Nakikiisa ang Liga sa buo at walang pasubaling pakikipagkapwa sa mamamayang Palestino sa paggunita ng henosidyong pamana ng Nakba,” pahayag ng ILPS. “Ang paglawak ng pandaigdigang kilusang ito ay patunay ng hindi mababasag na determinasyon ng mga Palestino laban sa pasistang rehimeng kolonyal ng US-Zionista.”

Nagtapos ang programa sa panawagan ng mga progresibong sektor sa Pilipinas na wakasan ang imperyalismong Amerikano, na pangunahing nagpopondo at nagpapadala ng mga armas sa likod ng henosidyo sa Palestine at pangkalahatang karahasan sa Middle East.

The post 78 taon ng Nakba, ginunita ng mga Pilipinong taga-suporta ng Palestine appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.