Pinabulaanan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Cagayan Valley (Fortunato Camus Command) ang mga ulat ng pagkakadakip at pagsurender sa Philippine Army at Philippine National Police (PNP) ng sinasabing mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB sa rehiyon noong unang linggo ng Mayo. Ayon kay Ka Elias Almazan, upisyal pampulitika ng panrehiyong yunit, peke ang ipinakikilala nilang mga personahe at ginagamit lamang ang pagpapasurender para kumubra ng pabuya at pondo para sa kurakot.

Sa Quirino, kabilang sa sinasabing sumuko noong Mayo 5 sa PNP 2nd Quirino Provincial Mobile Force Company ang tinaguriang numero unong “most wanted” sa buong rehiyon na isang “Ka Benson,” 42 gulang na residente ng bayan ng Maddela. Ayon sa mga pulis, mayroong nakabinbin na mga mandamyento de aresto kaban sa kanya sa mga kasong pagpatay, tangkang pagpatay, tangkang pag-homicide, at direct assault.

Pinararatangan si “Ka Benson” bilang platun lider at upisyal sa paniktik ng hukbong bayan sa Isabela. Pinalalabas rin na isinuko niya ang isang US M1 Cal .30 Carbine na riple, dalawang M-76 rifle grenade, isang magasin na may 25 bala at isang bandolyer.

Ayon kay Almazan, hindi man lamang inilapit sa itsura ng tunay na Benson ang nasa larawan na “nagsurender” ng armas. Dagdag niya, “walang tunay na pangalan, mali-mali pa ang datos para maglubid ng kasinungalingan na mataas na upisyal ng NPA si Benson para mapataas ang reward.”

Samantala noong Mayo 6, nadakip ang isa pang pinararatangang “most wanted” na mandirigma ng BHB sa Barangay Sangbay, Nagtipunan. Sa kwento ng mga pulis, nakipagputukan ang hindi pinangalanang indibidwal laban sa kanila hanggang sa umatras sa naturang barangay at nahuli. Wala rin itong katotohanan ayon sa BHB-Cagayan Valley.

Sa Nueva Vizcaya, iniulat ng mga pulis na naaresto ang isang “Ka Ambo,” 44 taong gulang, na sinasabing nagtago sa loob ng 26 na taon. Idinadawit siya sa isinagawang ambus ng BHB noong 2000 sa Jones, Isabela na ikinamatay ng kumander ng 502Bde na si Col. Josefino Manayao.

Paglilinaw ni Almazan, totoong ambus ng hukbong bayan ang nagresulta sa pagkamatay ni Col. Manayao at ng 13 na iba pa ngunit hindi totoo ang kwento ng pagkakadakip kay “Ka Ambo.” Dagdag niya, “Ang tiyak na totoo, kukunin ng PNP ang reward sa pagkakadakip kay Ka Ambo.”

Patutsada ni BHB-Cagayan Valley sa militar at pulis, tila nauubusan na ng masisimot na mapagkukwartahan ang mga pwersa ng estado sa Cagayan Valley mula sa matatagal nang mga nagpahinga at dati nang nadakip at nakulong sa mga parehong kaso kaya mga gawa-gawang tao na ang sumusurender. “Madaling dumampot ng mga pangalan para tuluy-tuloy lang ang kita ng PNP sa nag-surender, nadakip at nagsalong ng armas,” ayon pa kay Almazan.

Ang mga palabas na pagpapasurender ay ilang linggo matapos ideklara ng Philippine Army at ng National Intelligence Coordinating Agency noong Marso na isang armadong grupo na lamang ang nalalabi sa rehiyon. Binubuo na lamang umano ito ng “walong myembrong gerilya” sa ilalim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Cagayan Valley na kumikilos sa Sierra Madre Mountain sa baybaying mga komunidad ng Isabela. Noong nakaraang mga taon pa idineklarang “insurgency-free” ng rehimeng Marcos ang Quirino, Nueva Vizcaya, at Cagayan.

The post Sunud-sunod na ulat ng pagkadakip at pagsurender ng mga Pulang mandirigma sa Cagayan Valley, walang katotohanan—BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.