Matinding galit ang naramdaman ng mga pamilya ng mga biktima ng huwad na gera kontra-droga ng rehimeng Duterte sa napabalitang pagtakas ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa mula sa gusali ng Senado. Ito ay sa gitna ng mga tangka na arestuhin siya sa bisa ng mandyamento na inilabas ng International Criminal Court (ICC) para sa kanyang papel sa naturang “gera.”

“Nakakagalit ang kainutilan at kapalpakan ng administrasyon ni Marcos. Hindi kapata-patawad na nakatakas si Bato dela Rosa mula sa Senado,” pahayag ni Llore Pasco, ina ng mga pinatay sa gera sa droga na sina Crisanto at Juan Carlos Lozano.

Ayon naman kay Dahlia Cuartero, ina ng biktimang si Jesus Cuartero III, dapat ding papanagutin ang lahat ng kasabwat ni Dela Rosa at ng pamilya Duterte sa loob ng Senado. Giit niya, lalong nailantad na hindi para sa mamamayan ang mga Senador na ito, kundi para lamang sa kanilang makasariling pampulitikang interes.

Ang pagtakas ni Bato ay rurok sa kaguluhang naganap sa Senado noong Mayo 12 na nagsimula sa anunsyo ng mga gwardya ng Senado na mayroon silang “aarestuhin.” Sinundan ito nng sunud-sunod na putok ng baril sa loob ng gusali na sa kalauna’y sinabing sa pagitan ng security personnnel ng Senado at mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI). Isang araw bago nito, nagkaroon ng habulan sa loob ng Senado nang tangkain ng NBI na ihain ang mandamyento ng ICC kay Bato. Imbes na igalang ang proseso, tumanggi ang mga kaalyadong senador ni Bato na ilipat siya sa kustodiya ng NBI at sa halip ay ipinailalim siya sa “protective custody” ng Senado.

Pinaghihinalaan ng marami, kabilang ang mga taga-midya na nasa loob ng Senado sa panahon na iyon, na isang “staged diversion” o panakip-butas ang pamamaril at kaguluhan para magdulot ng kalituhan at panic. Sinamantala ito ni Bato para makalusot sa noo’y bantay-sarado at napapalibutan ng mga pulis na gusali ng Senado. Kinalaunan, inamin rin ni Senate President Alan Cayetano na “nakaalis” na sa Senado si Bato at muli na naman siyang hindi mahagilap. Sa gayon, bumalik siya sa pagtatago para takasan ang pananagutan sa hustisya.

Mariing kinundena ng Makabayan bloc sa House of Representatives ang pagtakas at may duda rin itong diversion lamang ang putukan. Anito, patunay na umiiral ang kawalan ng pananagutan o impunity sa bansa ang pagpapalusot ng isang indibidwal na nahaharap sa mga kasong krimen laban sa sangkatauhan.

“Hindi lamang ito isang simpleng pagkakamali sa proseso. Ito ay isang pambansang kahihiyan at malinaw na pagpapakita kung paano umiiral ang kawalan ng pananagutan kapag ang akusado ay makapangyarihan at maraming koneksyon,” anang mga mambabatas ng grupo. “Habang nagtatago ang dapat managot, patuloy na iniinnda ng mga pamilya ng biktima ang bigat ng pagpaslang at kawalan ng hustisya.”

Anito, lalong ibinubunyag ng pagtakas ni Bato ang bulok na sistema sa pulitika kung saan namamayani ang pagtatanggol ng mayayaman sa sariling interes, sistemang palakasan, at aregluhan sa pagitan ng mga paksyon ng naghaharing-uri.

Sa hapon ng araw na iyon, nagdaos ng protesta ang mga progresibong grupo sa Welcome Rotunda, Quezon City laban sa pagkanlong sa puganteng si Bato. Kasama sa mga nagprotesta ang mga myembro ng mga progresibong grupong Kilusang Mayo Uno, Bagong Alyansang Makabayan at Kabataan Partylist. Noong Mayo 11, nagtungo rin ang naturang mga grupo sa Senado para igiit ang agarang pag-aresto ay Bato at pagtutuloy sa paglilitis para sa impeachment ni Sara Duterte.

The post Pagtakas ni “Bato” sa Senado, malaking inhustisya sa mga biktima ng drug war appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.