Mariing kinukundena ng Kabataang Makabayan-Balangay Kris Montañez ang nangyaring masaker sa Toboso, Negros Occidental at ang desperadong tangka ng estado na gamitin ito upang takutin ang mga kabataang lumalahok sa militanteng pakikibaka.

Hindi maikakaila na sibilyan ang ilan sa mga pinaslang. Mga organisador, mananaliksik, at kabataang nakikisalamuha sa hanay ng batayang masa. Subalit sa gitna ng malalim na krisis panlipunan at tumitinding pasismo ng estado, hindi rin makakaila ang katotohanang may mga kabataang kusang lumalahok sa pinakamataas na porma ng pakikibaka upang lumaban kasama ng masang api.

Taliwas ang sinasabi ng AFP na ito ay bunga ng panlilinlang–ito ay bunga ng kongkretong kalagayan ng lipunang Pilipino sa malawak na kahirapan, kawalan ng lupa, kawalan ng hustisya, at marahas na pagsupil sa lahat ng demokratikong pagkilos ng mamamayan.

Habang lalong inilulubog ng estado ang sarili nito sa pasismo at militarisasyon, lalo nitong itinutulak ang kabataan tungo sa rebolusyonaryong landas. Hindi mapipigilan ng bala, red-tagging, terorismo ng estado, at kahit ng kamatayan pa ang pagdami ng mga kabataang handang ialay ang taalino, lakas at buhay para sa masang anakpawis.

Ipinalalabas man ng estado na nasayang lamang ang buhay ng mga kabataang pinapaslang nila, hindi kailanman masasayang ang buhay na inialay sa sambayanan. Ang dugo ng mga martir ay nagdidilig sa mga binhing patuloy na uusbong sa mga puso ng kabataang namumulat sa tunay na kalagayan ng lipunan. Habang pilit silang binubura ng estado–sa pamamagitan ng dahas at pananakot, lalo lamang nilang pinatutunayan na may mga kabataang handang ialay ang sariling buhay para sa laban na wakasan ang pagsasamantala at para itayo ang isang lipunan na walang pagsasamantala.

Ang alaala ng mga rebolusyonaryong martir ay hindi nagwawakas sa kanilang kamatayan, nagpapatuloy ito sa bawat bagong kabataang magpapasyang mangahas na tahakin ang landas ng armadong pakikibaka upang ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan tungo sa isang sosyalistang lipunan.

Hustisya para sa Toboso 19!
Ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

The post Mula sa Buhay na Inialay ng Negros 19, Sisibol ang Panibagong Henerasyon ng mga Rebolusyonaryong Kabataan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.