Iniulat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) ang pagdakip, pagtortyur at sadyang papatay ng 62nd IB sa isang mandirigma nito na nagpapagaling sa sakit na pneumonia. Si Dino Pane (Ka Yulo) ay dinakip at pinaslang sa Sityo Nabuluan, Barangay Bucalan, Canlaon City, Negros Oriental noong Abril 23.

Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, si Pane ay umiinda ng sakit na pneumonia na nagdulot ng sobrang taas na lagnat at panghihina. Dinampot ng mga sundalo ang hindi armadong si Pane sa isang kubo kung saan siya nagpapagaling. Kasunod umano nito ang pagtortyur at pagpatay sa kanya.

Sa pahayag ni BGen. Ted Dumosmog, kumander ng 303rd IBde, pinalalabas na nagkaroon ng mga engkwentro sa naturang lugar na nagresulta sa pagkamatay ni Pane. Pinalalabas rin ng 62nd IB na nakuha kay Pane ang isang ripleng M16 at mga bala.

Kinundena ni Regalado ang pagpatay kay Pane na, aniya, ay paglabag sa mga batas ng digma at internasyunal na makataong batas (IHL), gayundin sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Ang kasunduan ay pinirmahan ng mga panel sa negosasyon ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines noong Marso 16, 1998 sa The Hague, The Netherlands.

Alinsunod sa Ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 4, Numero 1 ng CARHRIHL: “Ang mga taong wala sa katayuang lumaban (hors de combat) at yaong hindi tuwirang kalahok sa mga hostilidad ay may karapatan sa paggalang sa kanilang buhay, dignidad, mga karapatang pantao, mga paniniwalang pampulitika, at moral at pisikal na integridad, at pangangalagaan sa lahat ng sirkunstansya at makataong itatrato nang walang pagtatangi batay sa lahi, kulay, paniniwala, kasarian, kapanganakan, katayuang panlipunan o anumang katulad na pamantayan.”

Maliban sa insidente ng pagpatay, dalawang beses na nagpaulan ng mga bala ang mga sundalo ng 62nd IB sa Barangay Binalbagan sa parehong syudad. Ang mga ito ay kapwa pinalalabas na mga engkwentro ng mga sundalo sa yunit ng BHB-Central Negros.

Noong Abril 21, alas-3 ng madaling araw ay pinagbabaril ng mga sundalo ang kubo ng magsasakang si Eddie Marco sa Sityo Palaming. Muli silang namaril sa naturang siyo noong Mayo 10 ng umaga.

Sa ikalawang insidente, nireyd ng mga sundalo ang bahay ni Marco at ipinailalim siya sa interogasyon. Hinanap sa kanya ang mga Pulang mandirigma at ipinatutunton ang lokasyon ng hukbong bayan. Pinagbantaan si Marco ng mga sundalo na sasaktan.

Nilabag nito ang Ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin. Sila ay pangangalagaan laban sa walang habas na pambobomba mula sa himpapawid, istraping, panganganyon, pagmomortar, panununog, pambubuldoser at iba pang katulad na anyo ng pagwasak sa mga buhay at ari-arian, paggamit ng mga pampasabog gayundin ng pag-iipon ng baril, bala, pampasabog atbp. sa malapit sa kanila o sa gitna ng hanay nila, at sa paggamit ng mga sandatang kemikal at bayolohikal.”

Ayon kay Regalado, ang paghahasik ng terorismo ng 62nd IB sa Canlaon City ay gumagambala at pumiperwisyo sa matahimik na pamumuhay ng mga magsasaka sa lugar. Dagdag pa niya, ang mga pekeng engkwentro ay ginagamit ng militar para mapagtakpan ang mga palpak na operasyong militar nito laban sa hukbong bayan.

Nanawagan si Regalado sa mamamayan ng Central Negros na magkaisa at mag-organisa ng kanilang hanay para patatagin ang paninindigang lumaban sa pasismo ng estado.

The post Pulang mandirigma na nagpapagaling sa pneumonia, dinakip at sadyang pinaslang ng 62nd IB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.