Dalawang aset-paniktik ng mga yunit ng Philippine Army sa Northern Samar ang napatay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Samar (Rodante Urtal Command) sa mga armadong aksyon nito. Sa ulat ng Larab, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Eastern Visayas, ipinatupad ng BHB ang desisyon ng hukumang bayan na patawan ng parusang kamatayan ang naturang mga aset noong Enero.

Ayon sa ulat, ipinataw ng hukbong bayan ang parusang kamatayan kay Janrey “Dodok” Capate Montibon noong Enero 30 sa Barangay Osmeña sa bayan ng Palapag. Itinalaga siyang aset ng 74th IB at patuloy na pinakilos ng 78th IB nang madeploy sa lugar.

Sa mga nalikom na datos ng BHB-Northern Samar, responsable si Montibon sa regular na paniniktik sa mga kampo ng BHB, na ipinapalusot niya bilang pangangaso sa gubat o pagkokopras. Gamit niya ang isang smartphone na inisyu sa kanya ng militar para sa kanyang gawaing paniktik. Sangkot rin siya sa panghaharas at walang batayang pagpaparatang sa mga magsasakang naghahanap-buhay na may kaugnayan sa hukbong bayan.

Sa bayan ng Las Navas, ipinatupad ng BHB-Northern Samar ang parusang kamatayan laban kay Nonoy “Blue” Norcio noong Enero 3 sa Barangay Imelda. Ayon sa kumand ng prubinsya, sagad-sagaring aset ng kaaway si Norcio na nagsimula sa masama niyang gawain nang marekrut sa pagsisimula ng operasyonng Retooled Community Support Program ng 20th IB sa baryo noong 2021.

Nagsilbi rin siyang pangunahing katuwang ng berdugong batalyon sa panhaharas sa mga sibilyang magsasaka at paggalugad sa mga kabundukan sa himpilan ng BHB. Sinasahuran din siya ng militar.

Bago ipatupad ang mga parusa, masinsin at maingat ang proseso ng imbestigasyon ng kinauukulang mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo, sangay ng Partido o yunit ng BHB na nakatalaga sa eryang pinangyarihan ng krimen ng mga akusado.

Kasunod na binubuo ang hukumang bayan at isinasakatuparan ang kinakailangang mga rebolusyonaryong prosesong hudisyal. Kabilang dito ang paghaharap ng sakdal sa akusado at pagbibigay ng pagkakataon sa kanila na magpaliwanag at ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Mahigpit din itong tumatalima sa mga alituntunin ng internasyunal na makataong batas.

—may mga ulat mula sa Larab, rebolusyonaryong pahayagang masa ng Eastern Visayas

The post 2 aset-paniktik ng AFP sa Northern Samar, pinarusahan ng BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.