Malawakang kinundena ng iba’t ibang organisasyon ang pagkunsinti at pagtatanggol ng Senado kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, matapos ang tangkang paghahain sa kanya ng mandamyento de aresto na isinapubliko ng International Criminal Court (ICC) bandang hapon noong Mayo 11.
Kinumprima ang mandamyento para sa papel ni dela Rosa sa “gera kontra droga” ng rehimeng Duterte. Ayon sa tagapagsalita ng ICC na si Oriane Maillet, noon pang Nobyembre 6, 2025 inilabas ang mandamyento. Nito lamang Mayo ginawang “pampubliko” ang dating “sikreto” na dokumento.
Sa mandamyento, pinaratangan si dela Rosa na may kriminal na pananagutan bilang indirect co-perpetrator sa mga reklamong krimen laban sa sangkatauhan ng pagpatay. Saklaw nito ang mga insidente ng pagpatay sa pagitan ng Hulyo 3, 2016 hanggang Abril 2018, noong siya ang hepe ng Philippine National Police. Sa dokumento, partikular siyang iniuugnay sa pagpatay sa hindi bababa sa 32 katao kaugnay ng “war on drugs.”
Sa halip na isuko si “Bato” sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na ipinadala para arestuhin siya, binigyan siya ng “protective costudy” ng kanyang mga kapwa senador. Ito ay matapos magkaroon ng habulan sa loob ng gusali nang biglang lumitaw si Bato para lumahok sa pagpalit ng pamunuan ng Senado. Dahil sa kanyang boto, napatalsik bilang presidente nito si Sen. Tito Sotto na nangakong agad na simulan ang paglilitis sa impeachment ni Sara Duterte. Ipinalit sa kanya si Alan Peter Cayetano, kilalang tagasunod ng pamilyang Duterte.
“Mariing nananawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Senado ng Pilipinas na agad isuko si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa mga kinauukulan upang maiharap siya sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague at malitis para sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan.
Anito, hindi ordinaryong kasong kriminal ang inihaharap kay Bato na maaari lamang isaisantabi sa tabing ng mga “institutional courtesies,” mga banta ng contempt, at pag-imbento ng mga huwad na basehan para sa “protective custody.”
“Walang pampublikong tanggapan ang dapat magsilbing kalasag ng sinuman mula sa pananagutan, lalo na ang isang indibidwal na ang madugong kampanyang nagpanggap bilang pagpapatupad ng batas at bumiktima sa libu-libong mahihirap na Pilipino,” ayon sa Bayan. Tinawag nitong “obstruction of justice” ang ginawa ng Senado.
Ayon sa Rise Up for Life and for Rights, grupo ng mga kaanak ng mga biktima ng gera sa droga, hindi nararapat ang proteksyong ibinibigay ng Senado kay Bato lalo na’t napakabigat ng mga krimeng ibinibintang sa kanya. Dagdag ng grupo, hinihingi ng tunay na hustisya na madala si dela Rosa sa ICC sa lalong madaling panahon upang harapin ang kaniyang paglilitis.
“Ang pagdakip sa kanya ay magiging isang masakit at madamdaming sandali para sa mga biktima na ang mga kamag-anak ay napatay sa mga operasyon ng pulis dahil sa alegasyong ‘nanlaban,'” ayon sa grupo.
The post Arestuhin si “Bato,” malawakang panawagan ng mamamayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

