Mariing tinutulan ng Diyosesis ng Iligan ng Simbahang Katolika ang mga planong isapribado ang Agus-Pulangi Hydroelectric Complex (APHC). Ayon sa simbahan, ang pagbebenta rito sa mga pribadong korporasyon ay magreresulta sa pagtaas ng presyo ng kuryente na lalong magpapahirap sa mamamayan ng Mindanao.

Sa isang pastoral letter na inilabas noong Mayo 10, binigyang diin ni Bishop Jose Rapadas III na bagamat suportado ng diyosesis ang rehabilitasyon at modernisasyon ng pasilidad, dapat itong manatili sa ilalim ng pagmamay-ari at pamamahala ng publiko.

“Mariin naming tinututulan ang anumang hakbang tungo sa pribatisasyon—direkta man o hindi—ng Agus-Pulangi,” pahayag ni Rapadas.

Tinanggihan din ng obispo ang mga mungkahi para sa public-private partnership (PPP) o katulad na kasunduan na maaaring magbigay ng kontrol nito sa mga dambuhalang kumpanya, na tubo lamang ang prayoridad. Inilarawan niya ang hydroelectric complex bilang isang mahalagang yaman ng bayan na itinayo mula sa buwis at sakripisyo ng mga Pilipino.

Iginiit ni Rapadas na ang kasalukuyang problema sa operasyon ng Agus-Pulangi ay bunga ng mga pagkukulang sa patakaran at pamumuhunan, at hindi dahil sa kawalan ng kakayahan ng gubyerno na pamahalaan ito.

“Ang mga pangunahing serbisyo tulad ng kuryente… ay dapat pangasiwaan sa paraang maglilingkod sa kabutihan ng lahat, hindi para sa pribadong pakinabang,” aniya.

Nagbabala rin siya na kapag ang kuryente ay itinuring na isang kalakal sa halip na serbisyo, ang mahihirap ang unang tatamaan. “Kapag ang batayang pangangailangan ay itinuring na komoditi, ang mahihirap ang una at higit na nagdurusa,” aniya.

Liban dito, maraming bahagi ng kompleks ang nasa loob ng mga lupang ninuno ng mga Lumad na siyang tunay na nagmamay-ari ng rekurso.

Isa ang APHC sa pinakamalaking hydropower system sa Pilipinas. Binubuo ito ng pitong plantang run-of-river hydroelectric plants—anim sa Agus River mula sa Lake Lanao at isa sa Pulangi River sa Bukidnon. May kapasidad itong lumikha ng humigit-kumulang 1,000 megawatts (MW), at maaaring magsuplay ng kuryente sa 3.3 milyong kabahayan sa Mindanao. Pero dahil sa pagpapabaya ng estado, nasa 600–700 MW lamang ang nalilikha nito.

Isinasapribado ng rehimeng Marcos ang kompleks sa tulak ng World Bank. Sa kasalukuyan, mayroon nang nirerepasong mga panukala para rito sa balangkas ng PPP.

The post Pribatisasyon ng Agus-Pulangi Hydroelectric Complex, tinutulan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.