Sa botong 255-26, inaprubahan ng mga kongresista ang reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte nitong Mayo 11. Na-impeach si Duterte sa pangalawang pagkakataon sa mga kasong betrayal of public trust, korapsyon, panunuhol at malalang pambabanta.
Pumasa ang impeachment sa kabila ng pambabanta ng pangkating Duterte, sa pamamagitan ng partidong PDP Laban, laban sa mga mambabatas na susuporta dito.
Inaasahang agad na ipapadala ang mga artikulo ng impeachment sa Senado para masimulan ang paglilitis ng mga kaso. Kakailanganin ang boto ng 16 na senador para tuluyang mapatalsik sa pwesto si Duterte at mapatawan ng habambuhay na diskwalipikasyon sa anumang tungkulin sa gubyerno.
Kasabay ng botohan, nagprotesta sa labas ng Kongreso ang mga progresibong grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Panawagan nila ang pagpapanagot kay Duterte sa paglulustay niya sa kaban ng bayan.
“Ang araw na ito ay…tagumpay ng mamamayang matagal nang ninanakawan ng pondo para sa edukasyon at kalusugan na napunta lamang sa mga kwestyonableng confidential funds,” pahayag ni Raymond Palatino, pangkalahatang kalihim ng Bayan. “Hindi sapat na ma-impeach lang siya. Ang kailangan natin ay hustisya. Dapat siyang humarap sa korte para sa bilyun-bilyong pondo na hindi maipaliwanag at sa banta niya sa seguridad ng bansa.”
Ayon sa mga nagprotesta, mataman nilang babantayan ang paglilitis sa Senado at nagbabala sa anumang maaaring “aregluhan.”
Kudeta sa Senado
Sa gitna ng botohan sa Kongreso, pinatalsik ng mga maka-Duterte na senador bilang presidente ng Senado si Sen. Tito Sotto at ipinalit sa kanya sa Sen. Peter Cayetano. Sa botong 13-10, inupo ng mga senador si Cayetano, dating upisyal ni Duterte at isa sa masugid na tagasunod ng pamilyang Duterte.
uaging mahalagang boto sa pagpapalit ng liderato ang sorpresang pagdalo ni Sen. Bato de la Rosa sa sesyon ng Senado. Halos anim na buwan siyang nagtago at hindi dumalo sa mga sesyon sa takot na ipaaresto siya at dalhin siya sa The Netherlands para iharap sa International Criminal Court. Habang papasok siya sa Senado, hinabol siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation para hainan ng subpoena.
Ang presensya ni Dela Rosa ang nagsilbing “deciding vote” para mabuo ang mayorya na kailangan para sa kudeta. Agad siyang inilagay ng Senado sa ilalim ng protective custody upang masiguro ang hindi siya maaresto habang nagpapatuloy ang mga ligal na isyu laban sa kanya.
The post Malaking mayorya ng Kongreso, bumoto para sa muling pag-impeach kay Sara Duterte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

