Pangita ang pagiging uhaw-sa-dugo ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro sa mga kontra-kapayapaang pahayag at tahasang paghadlang sa panawagan ng mamamayan na muling ituloy ang peace talks. Ang tahasang pagtanggi sa panawagan para sa peace talks ay malinaw na tindig ng rehimeng US-Marcos.
Muling lumalakas ang panawagan para sa peace talks kasabay ng paggigiit ng katarungan at pananagutan sa mga paglabag sa karapatang tao lalo yaong mga sibilyang idinadamay ng reaksyunaryong gubyerno sa malupit na kontra-rebolusyonaryong gera. Ang naturang panawagan ay isinulong ng mga dating negosyador ng Gubyerno ng Republika (GRP) matapos ang malagim na masaker sa Toboso 19.
Nagpupugay ang NDFP-ST sa mamamayang Pilipino na walang tigil na nananawagan para sa peace talks. Isinasagawa nila ang iba’t ibang mga aktibidad kagaya ng mga forum at talakayan upang ipaliwanag ang kahalagahan ng pagsusulong ng mga negosasyon. Nakikiisa kami sa malaon nang kahilingan ng malawak na mamamayang Pilipino para sa pagsusulong ng makatarungang kapayapaan. Laging bukas ang NDFP sa peace talks dahil nagbibigay-daan ito sa pagtalakay sa mga ugat ng armadong tunggalian sa layuning magbalangkas ng mga kongkretong hakbang tungo sa paglutas ng pundamental na suliranin ng bayan.
Hindi na kataka-taka ang garapalang pagtanggi ni Teodoro sa peace talks. Ang kanyang arogansya ay nagmumula sa artipisyal na dami at lakas ng AFP-PNP at mga modernong sandata nitong iginawad ng imperyalismong US sa mga tuta nito sa Pilipinas. Labis na sumasandig sa lakas-militar ang rehimeng US-Marcos II upang makapanatili sa kapangyarihan. Katunayan, nag-uumapaw ang kanilang kumpyansang malilipol ang rebolusyonaryong kilusan sa bawat binabalangkas na anti-“insurhensyang” kampanya, ngunit taun-taon din silang binibigo ng mamamayan at buong rebolusyonaryong kilusan.
Sadyang hindi malulutas ang armadong tunggalian sa bansa hangga’t hindi nalulutas ang ugat nito—ang kahirapan na dulot ng pundamental na problema ng lipunang Pilipino na nagreresulta sa malawakang pangangamkam ng lupa at kawalan ng tunay na reporma sa lupa; barat na sahod ng mga manggagawa; kawalan ng seguridad sa trabaho ng mga Pilipino; napakataas na singil sa buwis; palpak na serbisyong panlipunan at marami pang iba. Hibang na pinaniniwalaan lang ni Teodoro at ng mga kasapakat niya sa gubyernong Marcos II na may “kapayapaan” habang malala ang kahirapan at inhustisya at kabi-kabila ang pagpoprotesta at paglaban ng bayan. Ang kahulugan nila ng “kapayapaan” ay ang pananatiling kimi ng mga Pilipino sa pagwasiwas ng kamay-na-bakal ng estado at sikilin ang paglaban ng bayan.
Naninindigan ang NDFP-ST na ang tunay na kapayapaan ay makakamit lamang kaakibat ng hustisyang panlipunan—ang pagwasak sa sistemang nagtataguyod sa kawalang pagkakapantay-pantay at may kiling sa iilang naghaharing uri at imperyalismong US na pahirap sa malawak na mamamayan.
Sa Timog Katagalugan, 835 panginoong maylupa at malalaking burgesya komprador ang may kontrol sa 70% ng lupaing agrikultural. Kumikita nang malaki ang mga kapitalista ngunit ang arawang sahod ng manggagawa ay nasa pagitan lamang ng ₱455-600. Laganap din ang kawalan at kakapusan ng trabaho kung saan 7.5 milyon ang mga mala-proletaryado. Ilan lang ang mga ito sa mukha ng paghihikahos ng mga Pilipino sa buong bansa sa ilalim ng malakonyal at malapyudal na lipunan.
Ang NDFP ay palagiang bukas sa peace talks. Patunay nito ang ilang beses na paglapit at pakikipag-usap sa GRP, pormal man o back-channel upang umabante ang negosasyon. Katunayan, ang Joint Statement sa pagitan ng NDFP at GRP noong Nobyembre 2023 ay isang hakbang tungo sa panunumbalik ng peace talks. Sa kabila nito, isang hamon sa mga negosyador na igiit sa GRP na sundin ang pagkakasunud-sunod ng balangkas ng negosasyon sang-ayon sa binuong mga kasunduan at pagkakaisa sa nakalipas na halos tatlong dekada.
Nagkamit na ng mga tagumpay ang mamamayan sa peace talks, sa kabila ng mga urong-sulong ng negosasyon. Tampok dito ang pagkakapatibay ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law upang tiyaking iginagalang ang karapatang tao ng mamamayan at ng magkabilang panig habang may nagaganap na digmang sibil. Noong 2016, napagkasunduan naman ang prinsipyo ng libreng pamamahagi ng lupa na salalayan ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms sa interes ng mayoryang inaapi at pinagsasamantalahang Pilipino. Ang mga ito ang tinatanggihang kilalanin ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II matapos ibasura ng nagdaang tiranikong rehimeng US-Duterte.
Pinakamalaking balakid sa pag-usad ng peace talks at pagtutuloy ng mga naunang tagumpay nito ang mga peace saboteurs. Sa halip na tumuntong sa kumon na pagkakaisa para lutasin ang problema ng sambayanan, higit na isinusulong ng mga peace saboteurs sa peace talks ang pag-disarma at pagsuko ng NPA nang di nalulutas ang dahilan bakit sila nag-armas at lumaban. Ang pag-aalis sa kapasidad ng NPA na lumaban ay lalong mag-aalis ng garantiya sa mamamayang Pilipino para sa kanilang pambansa-demokratikong kahilingan. Kapag naganap ito, tiyak na napakadali na lamang sa reaksyunaryong gubyernong talikdan ang kaisahan lalo’t sila ang nasa tuktok ng kapangyarihan at matatanggal na ang kanilang balakid sa pandarambong at pambubusabos. Patunay lamang nitong walang kaseryosohan ang estado na igawad sa mamamayan ang kanilang batayang karapatan, at sa halip, ay hinahangad na panatilihin ang bulok na kaayusan ng estadong kinukubabawan ng imperyalismong US.
Habang nalalantad ang tunay na mukha ng estado na pagiging hayok nito sa gera, nakahanda ang rebolusyonaryong mamamayan na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan upang itaguyod ang mga kagalingan at magdepensa sa mga nakamit na tagumpay. May peace talks man o wala, ang rebolusyonaryong kilusan ay pamalagiang nasa panig ng mamamayan. Hindi kailanman mapipigilan ng rehimeng US-Marcos II ang mamamayang Pilipino sa paghahangad ng tunay na kapayapaan at kamtin ito sa pamamagitan ng paghawak ng sandata, pagsusulong ng matagalang digmang bayan hanggang madala ito sa ganap na tagumpay.
The post Rehimeng US-Marcos II, kontra-kapayapaan, bingi sa hinaing ng mamamayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

