Tatlong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) ang dinakip, tinortyur at sadyang pinatay ng 8th ID sa dalawang magkahiwalay na pagkakataon noong Abril sa Samar. Kinundena ng BHB-Eastern Visayas (Efren Martires Command) sa pagpatay nito sa mga hors de combat na BHB, na ay isang krimen sa digma at paglabag sa internasyunal na makataong batas (IHL).

Ang mga patakaran sa paggalang sa karapatan ng mga hors de combat ay nakasaad sa IHL at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Isa itong kasunduang pinirmahan ng mga panel sa negosasyon ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines noong Marso 16, 1998 sa The Hague, The Netherlands na partikular na nakatuon sa mga eryang maryoong armadong sigalot.

Alinsunod sa Ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 4, Numero 1 ng CARHRIHL: “Ang mga taong wala sa katayuang lumaban (hors de combat) at yaong hindi tuwirang kalahok sa mga hostilidad ay may karapatan sa paggalang sa kanilang buhay, dignidad, mga karapatang pantao, mga paniniwalang pampulitika, at moral at pisikal na integridad, at pangangalagaan sa lahat ng sirkunstansya at makataong itatrato nang walang pagtatangi batay sa lahi, kulay, paniniwala, kasarian, kapanganakan, katayuang panlipunan o anumang katulad na pamantayan.”

Sa bayan ng Jiabong, hindi armado ang 20-taong gulang na si Ka John Paul nang barilin ng 47th IB sa hita ng mga pasistang tropa habang nagluluto sa labas ng isang kubo sa Barangay Salvacion noong Abril 17. Ayon kay Ka Karlos Manuel, tagapagsalita ng BHB-Eastern Visayas, bahagi si Ka John Paul ng yunit ng BHB na tumutulong sa masa na sinasalanta ng militarisasyon.

“Buhay pa siya nang dakpin ng kaaway at imposibleng makapanlaban. Imbis na gamutin ang sugat, tinortyur siya upang pigaan ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga kasama,” ayon kay Manuel. Dagdag ng tagapagsalita, nang walang makuhang impormasyon sa Pulang mandirigma ay sadya siyang binaril sa dibdib na kanyang ikinamatay.

Itinabi pa sa bangkay ni Ka John Paul ang isang M4 para palabasing armado at nakipagpalitan ng putok. Nauna ring pinalabas ng 46th IB na isang 17 taong gulang na menor-de-edad si Ka John Paul para paratangan ang hukbong bayan na nagrerekrut ng mga bata.

Mariing itinanggi ng hukbong bayan ang paratang na ito at idiniin na 20 taong gulang na si Ka John Paul. Ayon pa sa National Democratic Front-Eastern Visayas, si Ka John Paul at kanyang pamilya ay mula sa bayan ng Matuguinao na natulak magbakwit sa San Jose de Buan matapos targetin ng karahasang militar ng 8th ID. Para lumaban at biguin ang atake ng militar, sumapi siya sa BHB noong 2023 nang tumuntong sa wastong edad na 18 taong gulang.

Sa bayan naman ng Motiong, hindi rin armado sina Ka Mike at Ka Oking nang dakpin ng mga pasistang tropa noong Abril 23. Ayon sa ulat ng BHB-Eastern Visayas, naglalakad lamang ang dalawa noon sa isang malawak na parang na pakainan ng kalabaw at nagpapatupad ng gawaing masa.

Nang madakip, magdamag silang pinahirapan ng mga pasista, at nang walang maibigay na impormasyon ay sadya silang pinatay ng mga sundalo. Ayon pa kay Manuel, mayroong palatandaan ang mga bangkay ng dalawa na nilamog ang mukha sa bugbog at tinadtad ng mga bala ang katawan.

Para palabasing napatay sa engkwentro ang dalawa, nagpakana ng gawa-gawang labanan ang mga sundalo noong Abril 24 ng umaga sa Barangay Caulayanan. Itinabi sa kanilang mga bangkay ang mga ripleng M14.

Sa matibay nilang paninindigan at paglilingkod sa masang Samarnon at sambayanang Pilipino hanggan sa kanilang huling hininga, pinarangalan ng BHB-Eastern Visayas ang tatlong martir at bayani. “Sinasaluduhan namin sila at mataas kaming nagbibigay-pugay,” ayon kay Manuel.

Dagdag niya, matapang nilang hinarap ang kamatayan, hindi ipinagkanulo ang masa at mga kasama, at sa halip ay buong-giting na hinarap ang pahirap at kalupitan ng mga pasistang buhong. “Marangal ang kanilang kamatayan na inialay para sa kaligtasan ng mga kasama, alang-alang sa kapakanan ng masa at rebolusyon. Sila’ y mga dakilang bayani ng bayan!” deklarasyon niya.

Aniya, magpapatuloy ang mga yunit ng BHB sa Eastern Visayas sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan bilang pagkakamit ng hustisya sa tatlong martir at lahat ng mga biktima ng pasismo ng estado. Dagdag niya, lalo nitong pinatutunayan ang kabulukan ng pasistang militar at ang kawastuhan ng armadong pakikibaka laban sa reaksyunaryong sistema. “Lalo lamang nitong pinag-aalab ang kagustuhan ng mamamayana kamtin ang hustisya laban sa mga buhong pasista na nang-aapi at nagsasamantala sa kanila,” dagdag ni Manuel.

The post 3 hors de combat sa Samar, dinakip, tinortyur at sadyang pinatay ng 8th ID appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.