Sa isang pahayag, binigyang parangal at pagpupugay ng National Democratic Front (NDF)-Central Visayas ang mga martir at bayani ng Toboso 19 na minasaker ng 79th IB sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Abril 19. Ang Toboso 19 ay binubuo ng 10 Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command), kabilang ang tubong-Cebu na si Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat), at siyam na hindi armadong indibidwal.
“Ibinibigay namin ang aming taas kamaong parangal sa mga biktima ng masaker sa Toboso, lalo na ang mga Pulang mandirigma at sa kanilang lahat na walang pag-aatubiling nag-alay ng kanilang lakas, kaalaman, at abilidad upang paglingkuran ang interes ng mga masang inaapi at pinagsasamantalahan,” pahayag ni Felipe Manggubat, tagapagsalita ng NDF-Central Visayas.
Ayon kay Manggubat, ang mga martir ng Toboso ay walang pagdadalawang-isip na naglingkod sa mamamayang Pilipino, lalung-lalo sa mga inaapi at pinagsasamantalahang mga magsasaka at manggagawang-bukid ng Negros. “Nararapat na ating bagtasin ang landas na kanilang tinahak para sa pagpapalaya ng ating bayan,” aniya.
Ka Sanim: Martir ng Central Visayas
Si Blanco (Ka Sanim), isa sa Toboso 19, ay nagmula sa Tabogon, Cebu. Nagsisilbi siyang instruktor sa pulitika ng BHB-Northern Negros, katimbang ng kumander na si Roger Fabillar (Ka Tapang), nang namartir. Nagmula siya sa uring petiburges ngunit ang mga magulang ay mga pesante. Mangingisda rin ang kanyang ama.
Malalim ang naging batayan ng pagkamulat ni Blanco sa pang-aapi at pagsasamantala ng lipunan. Nagsimula ito nang nakibaka ang kanyang pamilya laban sa pangangamkam ng lupa ng mga Lhuillier para ipagtanggol ang kanilang buhay at kabuhayan. Higit siyang namulat sa unibersidad sa usapin ng pagtataas ng singil sa matrikula at ibang bayarin. Nakapagtapos siya ng kursong edukasyon at nakakuha ng lisensya sa pagtuturo.
Maliban rito, napalalim pa niya ang pag-unawa sa mga problema ng lipunan sa pakikipagsalamuha mismo sa iba’t-ibang sektor ng lipunan. Nakiisa siya sa laban ng mga maralitang-lunsod kontra demolisyon at mga komunidad sa kanayunan laban sa militarisasyon. Noong 2008, naging aktibo siyang myembro ng grupo ng tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Central Visayas. Naging bahagi rin siya ng isang institusyong pangmagsasaka sa rehiyon noong 2011.
Dahil aktwal na dinanas at nasaksihan ang karahasan ng estado at pangangamkam sa lupa ng mga magsasaka, nagpasya si Blanco na sumapi sa BHB. Sa pagpasok sa hukbo, pinangibabawan niya ang mga personal na usapin sa pamilya at maging ang pisikal na limitasyon dulot ng problema sa mata.
Noong 2019, dinukot si Blanco ng mga pwersa ng estado at pinilit na magsilbing aset ng militar habang nasa loob ng kilusan. Inalok siya ng pera bilang kabayaran at pinagbantaan ang kaligtasan ng kanyang anak kung hindi susunod. Magpagpasya niyang inilahad sa mga kasama ang katotohanan kaugnay ng atas ng militar nang makabalik sa yunit. Sa tulong ng kolektibo, tiniyak ang kaligtasan ng kanyang anak habang patuloy na naglingkod sa bayan si Blanco.
Sa loob ng hukbo, malaki ang naging tulong ni Blanco sa pagsusulong ng mga anti-pyudal na pakikibaka sa kanayunan, gawain sa edukasyon at propaganda. Bilang instuktor sa pulitika at isang mahusay ng Pulang mandirigma, minahal at kinilala siya ng mga kasama at masa sa pagiging bukas na tumulong at magpatulong, strikta pero naaayon, matiyaga sa pakikinig sa mga problema ng masa, matiyaga sa pagbibigay ng mga pag-aaral, at hindi umaatras sa responsibilidad.
Si Blanco ay ipinagmamalaki ng masang Negrosanon bilang kanilang Pulang mandirigma, ng Central Visayas bilang anak ng Cebu, at ng sambayanang Pilipino sa kanyang kabayanihan. “Ang matibay na paninindigan at kabayanihan ng mga Pulang mandirigma ang nagiging inspirasyon para sa masang inaapi na magbangon at lumaban sa pamamagitan ng armadong rebolusyon,” ayon kay Manggubat.
Ayon pa kay Manggubat, tiyak na mabibigo ang mga atake ng rehimeng Marcos na pigilan ang mamamayan sa paglaban. “Sa katunayan, ang pasistang kalupitan nito ang nagpapatalas sa determinasyon ng mamamayan kung kaya’t hindi na maitatanggi ang pagiging makatwiran at pangangailangan na maglunsad ng armadong rebolusyon,” pahayag niya.
The post NDF-Central Visayas, binigyang parangal si Ka Sanim at ang Toboso 19 appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

