Mula Mayo 3 hanggang 5, ilang beses na kinumpronta ng mga myembro ng Migrante USA si Hans Cacdac, kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW), para igiit sa kanya na harapin niya ang mga Pilipino sa US at pakinggan ang kanilang mga hinaing. Nananawagan din ang grupo para sa pananagutan ng ahensya sa kriminal na kapabayaan nito sa mga biktima ng detensyon, biktima ng human trafficking, at sa mga biktima ng pamamaslang ng 79th IB sa Toboso, Negros. Sa bawat kumprontasyon, umiwas at walang maayos na sagot si Cacdac.
Nagsalita si Cacdac bilang kinatawan ng gubyerno ng Pilipinas sa United Nations International Migration Review Forum sa New York noong Mayo 5. Tinatalakay dito ng mga pinuno ng mundo ang isang pandaigdigang kasunduan upang matiyak ang “ligtas, maayos, at regular” na migrasyon. Nais ng rehimeng Marcos na ipagmayabang ni Cacdac ang sistema ng migrasyon ng Pilipinas bilang “gold standard” o mataas na pamantayan.
Ayon sa Migrante USA, ito ay isang malaking kalokohan. Ang modelo ng migrasyon ng Pilipinas ay isa na nagluluwas ng libu-libong Pilipino sa ibang bansa nang halos walang pagpapahalaga o proteksyon para sa kanilang mga karapatan at kapakanan. Kabilang dito ang kawalan ng pagtugon sa mga ugat ng kahirapan sa Pilipinas na siyang nagtutulak sa mga mamamayan na mangibang-bansa.
Ayon sa grupo, malaki ang nakukuhang pera ang mga burukrata-kapitalista at imperyalista mula sa pwersahang migrasyon ng mga manggagawang Pilipino. Nagsisilbi silang palabigasan ng gubyerno ng Pilipinas.
Maliban kay Cacdac, kinumpronta din ng mga myembro si Paolo Mapula, second secretary at disarmament expert sa Philippine Permanent Mission sa United Nations. Siningil nila si Mapula kaugnay sa pagpapasabog ng Tomahawk missile sa Pilipinas at sa pananagutan sa pamamaslang sa dalawang Filipino American na kabilang sa Toboso 19. “Wala akong alam” ang tanging sagot niya.
Nananawagan ang grupo kina Cacdac at Ambassador Jose Romualdez na harapin ang mga migranteng manggagawa at mananagot sa kanilang kriminal na kapabayaan at pakikipagsabwatan sa gubyernong Trump; magbigay ng kagyat na ayuda sa mga nangangailangan; ipasara ang mga Pilipinong employer na nagkasala ng pang-aabuso sa kanilang mga manggagawa; panagutin at agarang tanggalin sa pwesto ang mga upisyal ng Pilipinas na napatunayang nagkasala ng korapsyon; kagyat na tugunan ang krisis sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin sa Pilipinas; gamitin sa pagpapaunlad ng industriya at paglikha ng trabaho ang mayamang lupain at yaman ng bansa; at itigil ang gerang agresyon ng US-Israel sa Iran.
The post Kalihim ng DMW, kinumpronta ng mga Filipino-American sa US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

