Naniniwala ang Ibon Foundation na humahantong na sa istagplasyon ang ekonomya ng Pilipinas dahil sa mabilis na pagtaas na implasyon, lumalalang kawalan ng trabaho at pagkitid ng lokal na produksyon. Nangangahulugan ito ng higit pang pagdurusa ng milyun-milyong mahirap na Pilipino, at pagbagsak ng kabuhayan ng mga dating nasa bingit na ng kahirapan.

Ayon sa datos ng PSA, bumagal tungong 2.8% ang paglago ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa unang kwarto ng 2026. Humina ang pagkonsumo ng mga pamilya na bumubuo sa 73% ng kabuuang demand sa ekonomya dahil sa mala-aliping sahod at pagsirit ng mga presyo (umabot nang 72% noong Abril). Tuluy-tuloy na humihina ang mga produktibong sektor. Nawalan ng 217,000 trabaho ang pagmamanupaktura loob lamang ng isang buwan. Nawalan naman ng 420,000 trabaho ang sektor ng pangingisda dahil sa taas ng presyo ng diesel.

Kasabay nito, nagtriple ang implasyon sa loob lamang ng dalawang buwan, mula 2.2% noong Pebrero tungo sa 7.2% nitong Abril. Higit na tumaas ang gastos para sa pagkain, transportasyon, kuryente, at iba pang mahahalagang pangangailangan.

Ang kalagayang ito ay sinabayan pa ng pagkawala ng 357,000 trabaho sa pagitan lamang ng Pebrero at Marso 2026. Ayon sa IBON, matagal nang walang kakayahang lumikha ng sapat na disente, matatag, at produktibong trabaho ang ekonomya. Sa nakaraang taon, dumami ang walang trabaho mula 1.9 milyon tungo sa 2.6 milyon.

Makikita ang krisis sa empleyo sa pagdami ng impormal na lakas-paggawa. Bagama’t iniulat ng gubyerno ang pagdagdag ng isang milyong trabaho, halos 74% ng kabuuang manggagawang Pilipino—o mga 36.3 milyong katao—ay nasa impormal na trabaho. Kabilang dito ang pagdami ng mga self-employed at unpaid family workers, na bumubuo sa 41% ng kabuuang empleyo. Ang di regular na kita sa mga trabahong ito ay hindi sapat para makaagapay sa tumataas na gastusin ng mga pamilya.

The post Tripleng dagok sa mga Pilipino: Mabagal na pag-unlad, sobrang tataas na presyo at kawalan ng trabaho appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.