Libu-libong magsasaka ang apektado dulot ng sunud-sunod na pagbuga ng abo o pyroclastic density material ng Bulkang Mayon mula Mayo 2.
Mahigit 91,000 katao ang apektado ng ashfall, kabilang ang mga pamilyang umaasa sa agrikultura. Hindi bababa sa 52 barangay ang direktang napinsala ng sakuna, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na iniinda ng mga residente ang makapal na abo na pinalala ng mainit na panahon at malakas na hangin. Maraming residente ang nakararanas ng pananakit ng lalamunan, hirap sa paghinga at panghihina ng katawan.

Umabot sa 2-3 pulgadang kapal ng abo ang bumalot sa mga kalsada at sakahan. Nalubog dito ang libu-libong ektaryang taniman ng palay, mais, gulay at iba pang pananim na may mataas na halaga habang nangamatay ang mga alagang hayop sa Guinobatan, Camalig, Ligao at mga karatig-bayan sa Albay.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), tiyak na babagsak ang produksyon ng agrikultura sa mga napinsalang lugar dahil sa pagkasira ng pananim at kontaminasyon ng lupa.

“Buhay at kabuhayan ng mga magsasaka ang nalubog sa abo. Sa isang iglap, nawala ang ilang buwang pinaghirapan,” paliwanag ni Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng KMP.

Bukod sa pinsala, kinakaharap ng mga magsasaka ang mabigat na gastos sa rehabilitasyon, paglilinis ng abo, muling pagtatanim, at pagbili ng binhi at pataba. Pinalalala ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at abono, na nagpapataas sa gastos sa produksyon, irigasyon, at transportasyon.

Giit ng KMP, nananatiling nakadiin sa panandaliang relief ang tugon ng gubyerno, gaya ng pagbibigay ng pagkain, mask, at limitadong ayuda. Anito, ang sunud-sunod na sakuna mula kalamidad hanggang krisis sa langis ay lalong naglalantad sa malalim na krisis sa agrikultura at kabuhayan sa kanayunan.

“Kailangan ang relief pero kailangan din ang rehabilitasyon. Kailangan ng kompensasyon sa nasirang pananim, subsidyo sa produksyon, at agarang tulong para makabalik sa pagsasaka. Kung wala nito, tuluy-tuloy na babagsak ang lokal na produksyon ng pagkain,” diin ni Manalo.

The post Libu-libong magsasaka, apektado ng ashfall ng Bulkang Mayon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.