Mariing kinukundena ng Kabataang Makabayan ang Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang 79th Infantry Brigade, sa pamamaslang sa 19 na inidibidwal sa Toboso, Negros Occidental.
Nahihibang ang AFP na isiping madaling maniniwala ang taumbayan na terorista ang kabataang-organisador, researchers, sibilyan at mga Pulang hukbo. Pinakamamahal at hinahagkan sila ng Kabataang Makabayan at mga Negrosanon na kanilang nilaanan ng huling sandali ng kanilang makabuluhang buhay sa pagsanib sa pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa at pakikibaka laban sa militarisasyon sa kanayunan.
Makikita sa kasaysayan ng AFP ang kanilang mersenaryong rekord at pagtaguyod sa interes ng naghaharing uri mula noon hanggang ngayon. Taong 1985 ay 20 na pesante at aktibista ang pinaslang sa Escalante, 2018 naman naganap ang Sagay massacre kung saan 9 na pesante ang pinaslang. Noong Hunyo 2023, AFP din ang may sala sa masaker sa pamilyang Fausto, pamilya ng mga pesante, kung saan dalawang batang magkapatid kasama ng kanilang mga magulang ang walang habas na pinaulanan ng bala.
Malinaw sa talaan ng pinsala at paglabag sa karapatang pantao ng militar na ang kanilang primaryang tungkulin ay protektahan ang interes ng mga despotikong panginoong maylupa at paslangin ang mga magsasaka at Pulang hukbo na magkatalikod-balikat na itinataguyod ang armadong pakikibaka at agraryong rebolusyon.
Kabilang sa mga kabataang pinaslang ng militar sina RJ Ledesma, Alyssa Alano, Maureen Santuyo at Errol Wendel na mga kilalang lider-kabataan at estudyante na inilaan ang huling bahagi ng kanilang mga buhay sa pakikipamuhay sa mga magsasaka ng Negros Occidental.
Si RJ ay isang community journalist at manggagawang pangkultura. Tumayo siyang editor-in-chief ng isang progresibong publikasyon noong kolehiyo at nagpatuloy sa pagiging mabuting alagad ng midya matapos ang kanyang pag-aaral. Pinili niyang ilaan ang kanyang mga kakayahan sa matapang na pagsisiwalat ng mga napapanahong isyu gaya ng pagpapalayas sa mga komunidad bunsod ng mga reclamation project at iba pang tusong pamamaraan ng mga malalaking kumpanya sa pangangamkam ng lupa. Hanggang sa huli, ubos-kaya siyang nagpursigi upang patampukin ang danas ng mga manggagawang bukid sa Negros. Si RJ ay hindi kailanman malilimutan lalong lalo na ng masang hindi niya kailanman iniwan sa kanilang mga pakikibaka.
Si Alyssa ay isang kabataang-estudyanteng namulat at naorganisa sa panahon ng matinding krisis na binunsod ng inutil na tugon ng estado sa pandemya. Mula noon, tuloy-tuloy na ang pakikisangkot at pamumuno ni Alyssa sa mga pangmasang organisasyon at mga kampanyang sinusulong ng mga ito. Sa kasagsagan ng isyu ng korapsyon noong nakaraang taon, naging malaki ang kanyang papel sa pagpapakilos ng 8,000 na estudyante sa isang walkout. Bilang isang kabataang lumaki sa marangyang pamumuhay, hinarap din niya ang hamon ng pagpapanibagong hubog. Aktibo siyang lumahok sa mga basic masses integration gaya ng pakikipamuhay sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita at pag-oorganisa sa mga tsuper at maralitang lungsod sa mga karatig na komunidad ng kanyang pamantasan. At maging sa huling pagkakaton, ipinakita niyang muli ang kahandaan sa pagbalikat sa lumalaking tungkulin ng kabataang Pilipino na ialay ang kanilang kakayahan upang isulong ang interes ng masang api. Ang kanyang pangalan ay bahagi na ngayon ng napakahabang nang listahan ng mga kabataang martir na nag-alay ng buhay para sa dalisay na hangaring palayain ang sambayanan.
Si Maureen Santuyo ay isang ehemplo sa mga kabataan ng mahigpit na pagtangan sa oryentasyon nitong sumanib sa pakikibaka ng batayang masa. Masigasig niyang ipinapaunawa sa mga kabataang-estudyante ang kahalagahan ng integrasyon sa batayang masa. Inilaan niya ang kaniyang panahon sa pakikipamuhay sa agraryong komunidad at dito niya tuwirang nasaksihan ang matinding panggigipit sa mga magsasaka. Lalo pa siyang nagpursige nang tumungo siya sa Negros na sadlak sa matinding kahirapan at pinagkakaitan ng karapatan sa lupa. Tulad ng kaniyang ikinintal na pagtalima sa oryentasyon ng mga kabataan, palagiang inspirasyon sa mga kabataan ang kaniyang pakikipamuhay sa mga magsasaka at mainit na tinatanggap ng mga magsasaka ang mga katulad niyang kabataan na mahigpit na katuwang sa pagsusulong ng karapatan sa lupa.
Si Errol ay isang organisador ng uring magbubukid na tumungo sa Negros upang siyasatin ang kalagayan ng mga sugarcane workers. Nagsimula ang kaniyang pagiging aktibista sa gitna ng matinding pasismo ni Rodrigo Duterte lalo na ang kampanyang war on drugs. Siya rin ay naging cultural artist at may angking husay sa pagkuha ng mga larawan. Ginamit niya ang kaniyang talento para sa malawakang pakikibaka ng uring magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Naranasan niya ang karahasan ng mga pasistang estado matapos mapabilang sa mahigit isandaang inaresto habang nakikipamuhay sa mga masasaka ng Tinang, Tarlac. Lalong lumalim ang kaniyang ugnayan sa mga magsasaka at pakikiisa sa kanilang pakikibaka. Hindi malilimutan ng mga magsasaka ang kaniyang kasigasigan sa pag-aaral ng kalagayan ng mga magsasaka at pakikiisa sa kanilang pakikibaka.
Pinagpupugayan ng Kabataang Makabayan ang desisyon nina RJ, Alyssa, Maureen at Errol na tumungo sa kanayunan upang tugunan ang panawagang makipamuhay at mag-organisa sa hanay ng mga magsasaka. Sa pamamagitan ng kanilang masugid na pag-aaral sa kongkretong kalagayan ng lipunan Pilipino, lumalim ang kanilang pag-unawa sa mga pundamental na usapin sa ating bansa. Nabatid nilang tunay na sa pakikibaka para sa demokratikong interes ng mga magsasaka sa lupa lamang makakamit ang tunay na panlipunang pagbabago. Kinakatawan ng mga magsasaka ang mayorya ng ating populasyon at sila rin ang dumaranas ng pinaka matinding hirap sa ilalim ng isang mala-kolonyal at malapyudal na kaayusan.
Sa kurso ng kanilang pag-oorganisa sa kanayunan, natuklasan nila ang tunay na reyalidad ng pakikibaka ng mga magsasaka. Malayo ito sa delusyon ng estado na tagumpay ang mga hungkag na programa nila gaya ng Comprehensive Agrarian Reform Law at Support to Parcelization of Lands for Individual Titling sa pagkilala sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa. Ang totoo, ang kada rehimeng nagdaan ay walang sawa sa pagbuo at pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa paglipol sa kilusang magsasaka sa kanayunan. Sa kasulukuyang panahon, tanda ang tumitinding militarisasyon sa Negros ng desperasyon ng estadong pigilan ang paglakas ng kilusang magsasaka at bawiin ang mga naani nang tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo sa isla.
Higit rin nilang naunawaan ang katotohanang sa harap ng terorismo ng estado, na primaryang binabandila ng AFP, tanging sa pagsalig sa armadong pakikibaka sa balangkas ng demokratikong rebolusyong bayan makakapagpunyagi ang kilusang magsasaka. Ang mga nakamit nang tagumpay sa kanayunan ay bunga ng pagbubuo ng pampulitikang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at pagpapalawak ng baseng masa para tugunan ang mga demokratikong kahingian ng magsasaka.
Ang Bagong Hukbong Bayan ay mahigpit na katuwang ng mga magsasaka sa paglaban sa kanilang mga karapatan at pagtatanggol ng sarili laban sa atake ng estado. Sa kasulukuyan, mga maralitang magsasaka pa rin ang bumubuo sa pinaka malaking bahagi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Patunay ito sa malalim na tiwala ng maralitang magsasaka sa kawastuhan at mismong tagumpay ng digmang sinusulong ng BHB.
Ang BHB, isang hukbong magsasaka, ay walang ibang lugar kung hindi sa mga sakahan at kabundukan kapiling ng masang kanilang pinaglilingkuran at inoorganisa. Ang paglilingkod sa maralitang api sa kanayunan ay pagkilala rin sa hukbong pinakamamahal nila. Pilit mang takutin ng AFP ang mga kabataan tungkol sa BHB, gagap ng mga kabataang matapat na nag-aaral ng lipunang Pilipino ang mahalagang papel ng BHB sa pakikibaka ng mamamayan. Ang galit at suklam ng kabataang Pilipino ay nakalaan sa mga berdugo at bayarang militar na pinipilit ang naratibong mangmang ang kabataan.
Sina RJ, Alyssa, Maureen, Errol at iba pang mga kabataang martir ng Toboso ay huwaran bilang mga pinakamabubuting anak ng bayan. Ipinagmamalaki sila ng kanilang mga mahal na magulang, mga kapatid at iba pang mahal sa buhay. Sila ay minamahal ng mga kasama at kaibigang kanilang nakasama at higit sa lahat ng masang aping buong puso nilang pinaglingkuran.
Iniinda man natin ngayon ang masalimuot na bahagi ng ating pakikibaka, tiyak nating ang karanasang ito ay lalo lamang magpapaypay sa naglalagablab na rebolusyonaryong diwa ng kabataan. Ang pagpupugay at pag-alala sa mga mahal nating kabataang martir ay kalakip ng pangakong mahigpit nating tatanganan ang ating tungkuling ibayong magpalakas upang durugin ang kaaway.
Dapat todong batikusin ang malaking pinasala na iniwan nang walang awat na militarisasyon at patung-patong na kaso ng palabag sa karapatang pantao ng mga Negrosanon. Dapat panagutin ang mamamatay-taong AFP na gustong takasan ang kanilang krimen sa digmaan matapos ang masaker sa Toboso 19. Walang humpay lamang silang nagpapaputok nang walang pagtupad sa batas digma kung saan kinikilala ang mga hors de combant, non-combatant, pinsala sa kabuhayan, kapaligiran, at buhay ng mga sibilyan, at mg organisador at researchers.
Hamon sa lahat ng kabataan na ipagpatuloy ang militansya at pakikibaka ng mga kabataang sumanib sa pakikibaka ng batayang masa. Lalong hinihingi ng krisis na kinakaharap ng bansa ang kawastuhan ng pagtungo ng kabataan at pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Hustisya para sa Toboso 19!
Rebolusyonaryo, hindi terrorista!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
The post Ipagpatuloy ang militanteng buhay ni RJ Ledesma, Alyssa Alano, Maureen Santuyo, at Errol Wendel! Kabataan, isaboy ang mga anak ng bayan patungong kanayunan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

