Mariing kinukundena ng Melito Glor Command-NPA ST ang test fire ng US military ng Tomahawk missile gamit ang Typhon launcher sa bansa kahapon ng pasado alas-12 ng madaling araw, Mayo 5, gamit ang civilian area.
Unang beses na pinaputok ang Tomahawk missile sa bansa na lumipad ng 630 kilometro mula sa Tacloban City Airport, Leyte na bumagtas sa silangang bahagi ng Pilipinas bago tumama sa Laur, Nueva Ecija. Kasinghaba ng distansya nito ang Batanes hanggang sa pinakamalapit na linya ng baybay-dagat sa Fujian. Sa Batanes inaasam ng US na ideploy ang isang missile systems nito sa balangkas ng pagpapaigting ng gera laban sa China. Ang Typhon missile system, isang modernong launcher na kayang magpakawala ng Tomahawk at SM-6 missiles na ginagamit naman laban sa mga barko/eroplano ay pinaglalawayan ng AFP na maidagdag sa arsenal nito.
Malawak ang range ng Tomahawk missile na kayang tumama sa target na hanggang 1,600 kilometro. Ibig sabihin, mula sa Pilipinas, kaya nitong maabot ang South China Sea, Taiwan Strait at ilang bahagi ng mainland China. Inilalagay nito ang bansa sa gitna ng tensyon ng mga imperyalistang superpower na US at China.
Mabilis na kumikiling sa kagustuhan ng US ang reaksyon ng China na nakakanti ng kasalukuyang Balikatan exercises sa Pilipinas at nagpahayag ng matinding pagkundena sa naturang test fire. Ayon sa China, nagdadala ito ng heyopulitikal na kumprontasyon at arms race sa rehiyon dahil sa tindi ng range ng missile. Bunsod nito, nagpadala na ang China ng kanilang mga barkong pandigma kabilang ang aircraft carrier sa South China Sea at Luzon Strait.
Nais inormalisa ng rehimeng US-Marcos II ang mga katulad na missile test at nagsagawa pa diumano ng “information drives” sa mga residente malapit sa airport. Ngunit batid ng mamamayan na ang bawat bombang pinasasabog sa kumpas ng US military at AFP ay marahas na atake sa buhay at kabuhayan ng mga inosenteng sibilyan, hindi para sa “depensa” kundi para mang-upat ng gyera sa Indo-Pacific at gamitin sa panunupil sa rebolusyonaryong mamamayang nais wakasan ang agawan ng yaman at teritoryo ng mga naghaharing imperyalistang kapangyarihan. Inaabot na ng mga next generation missiles tulad ng Tomahawk ang perpeksyon ng “precision strikes” sa mga target upang presisong durugin ang target nito — hindi lamang ang mismong mga personaheng target na nasa hit-list ng US kundi nadadamay ang mga sibilyang mga pasilidad tulad ng paaralan, komunidad, simbahan at ospital.
Sa daan taong paghahari ng US sa mundo, milyun-milyon na ang kinitil nitong buhay. Ngayo’y pinabibilis at higit na pinalalala ang mga atake nito ng mga makabagong teknolohiyang ginagamit sa gerang agresyon nito sa daigdig sa ngalan ng pananatili sa tuktok ng kapangyarihan ngayong hinahamon ang kanyang trono ng China at Russia. Ilan lamang sa kahindik-hindik na resulta ng air strikes ng US ang ibinungang kaswalti sa eskwelahan ng Minab, Iran na pumaslang sa 175 batang estudyante sa isang atake pa lamang. Hindi na mabilang ang krimen ng US sa Middle East mula sa pakanang mga panggegera o pagdadala ng proxy wars nito sa Syria, Palestine, Iraq, Lebanon, Yemen at iba pa kung saan ilang henerasyon na ang lumaki sa amoy ng pulbura, nagkalat na dugo at bangkay, kagutuman, pangamba at di makataong estilo ng pamumuhay dahil sa gera.
Hindi maaaring sabihing aksidente ang pagkadamay sa mga sibilyan dahil kalkulado mula pa lamang sa pagdidisenyo at pagpopondo ng bilyun-bilyong dolyar sa paglikha ng mga armas anihilasyon ng US kaya’t malinaw ang kung sino ang dapat singilin na mastermind sa mga kaso ng pambobomba at atake sa mga mamamayan — walang iba kundi ang imperyalismong US na kinakatawan ngayon ni Donald Trump.
Katunayan, kahapon lamang din nagpakawala ang US Navy ng Tomahawk missiles para sirain ang mga radar site, missile launcher at storage facility ng mga Houthi sa Yemen. Dahil dito, maraming residente sa Sana’a at iba pang lungsod ang napilitang lumikas. Naitala ang higit 19.5 milyong tao na nangangailangan ng tulong sa Yemen ngunit hindi makapasok ang mga ayudang pagkain at gamot mula sa ibang bansa dahil sa mga airstrikes at blokeyo ng US. Dahil din sa banta ng Tomahawk, nananatiling mataas ang shipping rates ng mga barkong dumadaan sa Red Sea kabilang ang mga cargo ships na may lulang langis. Magbubunsod na naman ito ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na mayroong direktang epekto sa ekonomya ng daigdig at maging sa Pilipinas.
Dapat tutulan ang walang rendang paglikha ng imperyalismong US ng mga armas pandigma at paggamit sa abanteng teknolohiya kagaya ng artificial intelligence bilang mapamuksang sandatang kumikitil sa daan-daang libong inosenteng buhay. Ang walang hanggang pagkagahaman nito ang nasa likod ng paghahasik ng gera sa daigdig, kabilang ang Pilipinas kung saan nagpapatuloy ngayon ang Balikatan exercises.
Singilin at panagutin ang rehimeng US-Marcos II sa pangangayupapa sa among imperyalismong US at pagpapakaladkad sa mga imbing pakana ng US sa Asia Pacific. Ang paglipad ng Tomahawk sa himpapawid ng Pilipinas ay seryosong usaping kailangang ilantad at tutulan ng sambayanang Pilipino. Asahang simula pa lamang ito ng mas matitindi pang mga pagsabog sa teritoryo ng Pilipinas dahil sa kagustuhan ng US na dalhin ang gera sa ibang bakurang inangkin at dinodomina nito habang iniiwas ang sariling bansa. Dapat maghanda ang rebolusyonaryong mamamayang Pilipino sa papalawak at papalalim na pag-oorganisa upang magsilbi sa armadong pakikibaka upang protektahan ang mamamayan laban sa gera ng mga imperyalistang superpower at ipagtagumpay ang makatarungang digmang bayan.
Panawagan ng MGC na lumahok sa NPA ang lahat ng mabubuting anak ng bayan upang tunay na maglingkod at protektahan ang bayan. Bukas ang mga sonang gerilya ng rehiyon para sa lahat ng nais humawak ng armas hindi para itutok sa mamamayan kundi sa pagdurog sa AFP-PNP na tau-tauhan ng imperyalismong US para panatilihin ang kanyang kapangyarihan at ang malakolonyal ay malapyudal na sistema sa bansa. Dapat lumawak at dumami ang hanay ng Pulang mandirigma at masapul ng mamamayang Pilipino ang natatanging papel nito sa pagwawakas ng lahat ng di makatarungang gerang bitbit ng imperyalismo.
The post Tomahawk missile test fire, pagpapaigting ng gerang agresyon ng US sa Asia Pacific appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

