“Training pa lang daw pero full battle action naman,” ito ang batikos ng mamamayan sa isinagawang Balikatan exercises sa mga baybaying komunidad sa mga bayan ng Abulug, Ballesteros at Aparri sa prubinsya ng Cagayan at sa bayan ng Basco sa prubinsya ng Batanes. Batid nilang hindi ito simpleng pagsasanay kundi paghahanda sa isusunod na gera ng US, sa mismong bakuran nila.

Mula Abril 20 hanggang Mayo 8, isinasagawa sa Pilipinas ang pinakamalaking Balikatan Exercises na nilalahukan ng 17,000 tropa ng US, Pilipinas, Japan, Canada, Australia, France at New Zealand. Dito ay ginagawa ang pag-eensanyo ng digmaan sa karagatan, gamit ang mga missile at drone. Bago nito, isinasagawa na ang Salaknib exercises sa bahaging Central Luzon.

Sa Barangay Bagu sa Abulug, nagsagawa ang mga tropang Pilipino, Japanese at Amerikano ng Amphibious Operation Exercises o pagsasanay sa militar na operasyon at gerang pandagat, kasabay ng mga ehersisyo sa maniobrang panghimpapawid at panglupa. Ganito rin ang ginawa sa mga baybayin ng bayan ng Ballesteros at sa Barangay Dodan, Aparri at Itbayat, Batanes. Katulad sa nakaraan, nakaliligalig nang matindi ang mga live fire exercises at mga maniobrang panggera sa mga komunidad. Napeperwisyo rin ang kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa pagbabawal sa pagpapalaot habang isinasagawa ang mga ehersisyong panggera.

Ang mga lokal na gubyerno at iba pang sibilyang ahensya sa mga bayan na ito ay namomobilisa din bilang grupong taguyod at sistemang suporta sa isinasagawang war games.

Missile arc

Sa isinasagawang Balikatan ngayon, mas matindi pang pangamba sa mamamayan ng Cagayan Valley ang idinudulot ng pagpoposisyon ng tropang US ng kanilang mga missile system sa Itbayat, Batanes. Ipinwesto dito ang NMESIS anti-ship missile system bilang bahagi ng forward-positioning ng mga armas pandigm. Nakaharap ito sa Taiwan na may 142 kilometro lamang ang layo. Ang NMESIS, na una nang ipinuwesto sa isang EDCA site sa Cagayan North International Airport, ay kayang tumama sa mga target nang hanggang 185 kilometro. Ang isa pang missile system, ang High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) na may kapasidad na tumama nang hanggang 499 kilometro, ay idineploy din sa isla ng Itbayat. Ang HIMARS ay hindi lamang may kakayahang magwasak ng barko, kundi pati ng iba pang target mula sa lupa at himpapawid

Sinasabi ng US Marines na ang pagposisyon ng NMESIS at HIMARS sa Batanes ay estratehiko sa pagpapalakas ng kakayanan nitong magdepensa dahil maikakalat nito ang lakas pamutok sa mga isla dito.

Ang Typhon missile system na unang idineploy sa Ilocos Norte ay nananatili pa sa bahaging Northern Luzon at hindi pa isinisiwalat kung saan partikular dito.

Itinapat sa mga missile system na ito ang advance surveillance sensor na inihulog ng UH-60 Black Hawk helicopter sa bahaging Bashi Channel. Ito ay isa sa mga patunay na hindi simpleng ehersisyo lamang ang Balikatan, kundi bahagi ng pinaigting na paghahanda sa digmaan na papalapit sa aktwal na pagpapalitan ng mga misayl. Naka-activate ang live sensor na ito, na anumang oras na may ma-detect na anumang galaw o paglapit ng mga tropa, barko at armas mula sa China ay nakahanda itong paputukin.

Maliban sa NMESIS at HIMARS sa bahaging Luzon Strait, pinaputok din ng Japan ang kaniyang Type 88 surface-to-ship missiles sa kasalukuyang Balikatan sa baybaying bahagi ng Paoay, Ilocos Norte na nakaharap din sa Taiwan. Ang Brahmos Missile naman mula sa India na ipinagmamayabang ng AFP na pinakamalakas na sandatang nasa arsenal nito ay ipinusisyon din sa baybayin ng Zambales malapit sa pinagtatalunang Scarborough Shoal at nakatakdang gamitin sa simulation firing sa joint maritime strike drills.

Ang pagpuwesto ng mga missile system na ito sa mga estratehikong lokasyon ay bahagi ng pagbubuo ng US, Japan at mga kaalyado nila ng isang “missile arc,” kung saan ipinuposisyon ang kadena ng mga misayl sa itinakda nitong first island chain.

Paglalaro sa apoy

Ang missile arc na ito na nakaumang sa China ay mga mitsa sa pagliyab ng gera sa Indo-Pacific. Inilatag ito sa First Island Chain, o mga mayor na arkipelago sa West Pacific Ocean na nakapalibot sa China. Kinabibilangan ito ng Kuril Islands sa bahaging Japan, Ryukyu Islands sa Taiwan, ang hilagang Pilipinas at ang Borneo. Layon ng First Island Chain na palibutan at gapiin ang China upang patatagin ang kapangyarihan ng US sa Asia at kamkamin ang mga likas na rekurso at pagharian ang kalakalan dito.

Ang Palawan, Zambales, Ilocos Norte at Cagayan Valley ang itinakdang mga susing lokasyon sa Pilipinas na ipinaloob sa First Island Chain. Ang Batanes at Ilocos Norte ay nagsisilbing entrada sa hilaga patungong Bashi Channel, ang importanteng lagusan na nagdudugtong sa South China Sea at Western Pacific na ginugwardyahan at nais kontrolin ng US habang ang Palawan at Zambales naman ay nagsisilbing lunsaran sa atake sa bandang kanluran. Kung kaya naman dito ipinupwesto ang mga missile system bilang bahagi ng missile arc ng imperyalistang US at Japan.

Ang ipinangangalandakan ngayong pinakamalaking Balikatan Exercises ay kumakanti sa China upang magbabala sa US at Pilipinas na ito ay “paglalaro sa apoy.” Sinabayan nito ang Balikatan 2026 ng sarili nitong ehersisyong pandigma sa South China Sea, malapit sa hilagang silangan ng Pilipinas. Isinara ang mga byaheng panghimpapawid sa teritoryo nito at nagdeploy din ito ng malalakas na sandata, misayl, barko at eroplanong pandigma kagaya ng carrier strike group Liaoning. Ang mga sandatang ipinantatapat ng China sa Balikatan ay sinasabing kabilang sa pinakamalalakas at pinakasopistikadong sandata at kagamitang pandigma sa buong mundo. Kabilang dito ang isang drone carrier warship, missile launcher at aircraft carrier na 052D Class Destroyer Cangzhou. Nagpakawala mula rito ng isang cruise missile sa naturang ehersisyong pandigma. Pinasinayaan din nito ang isang submarine hypersonic missile. Ipinamalas ng China ang mabilis at tuluy-tuloy na pagpapalakas ng sariling armamento at militar na pwersa.

Ligalig, hindi istabilidad

Malinaw sa mga kaganapang ito na ang gera ng pagitan ng dalawang magkaribal na imperyalistang US at China, sa malao’t madali,ay puputok . Hindi lamang drills o simpleng ehersisyo ang Balikatan, kundi rehearsal o pinal na pag-eensayo sa isang magaganap na gera.

Sadyang napakamapanganib ang paglalatag ng rehimeng US-Marcos sa Cagayan Valley at iba pang susing lokasyon sa Pilipinas bilang bahagi ng First Island Chain at pagdedeploy ng mga misayl at kagamitang pandigma dito. Niloloko ng AFP, ng rehimeng Marcos at ng imperyalistang US ang mamamayang Pilipino sa pangangalandakan na ang Balikatan Exercises ay para sa istabilidad at kapayapaan sa rehiyong Asia Pasipiko. Malinaw na malinaw ang kasinungalingang ito sa nararanasang matinding ligalig at paghihirap ngayon ng mamamayan sa Iran at Middle East, na walang pakundangang inatake ng imperyalistang US upang kamkamin ang kanilang natural na rekurso at langis at pagharian ang rehiyon.

Ang paggamit sa Pilipinas bilang lunsaran ng digma ay sukdulang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa amo nitong imperyalistang US. Ang mga misayl at sandatang pandigma na ito ay malayang ipinupwesto sa bansa dahil sa mga kasunduang militar na pinasok ng rehimeng Marcos sa US.

Digmang bayan laban sa paghahari ng imperyalistang US

Kaugnay nito, nagpahayag ang National Democratic Front of the Philippines – Cagayan Valley (NDF-CV) na ang pagpusisyon ng malalakas na sandata at kagamitang pandigma ng US at Japan sa rehiyon ay bahagi ng pagpapaigting nito ng imperyalistang agresyon at paggigiit ng paghahari nito sa Asya-Pasipiko, tulad ng ginagawa nito sa Middle East. Lansakan itong paglabag sa soberanya ng Pilipinas at naglalagay sa rehiyon ng Cagayan Valley at buong Pilipinas sa direktang panganib mula sa ganting aksyon ng China at iba pang kaaway ng US.

“Anuman ang kahihinatnan ng mamamayan dito sa sandaling pumutok ang inuupat nitong gera sa Asya-Pasipiko ay pananagutan ng AFP at rehimeng US-Marcos at isasakdal sila sa krimen sa gera,” ani Salvador del Pueblo, tagapagsalita ng NDF-CV.

Pagdidiin ng NDF-CV, “Napakahalaga sa ngayon na palakasin ang anti-imperyalistang alyansa ng mamamayan ng Cagayan Valley at makibaka upang itigil ang gerang agresyon ng imperyalistang US at tanggalin ang mga kagamitang pandigma nito sa rehiyon at sa buong bansa. Higit sa lahat, paigtingin ang digmang bayan dahil tanging ito lamang ang makakagapi sa imperyalistang paghahari ng US.”

The post Balikatan 2026, paghahanda sa gera sa Indo-Pacific - NDF-Cagayan Valley appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.