Binatikos ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang isinagawang civilian mission ng Akbayan sa West Philippine Sea (WPS), na tinawag nitong isang “performative mission” (palabas lamang) at hindi kumakatawan sa tunay na tagumpay ng mga mangingisdang Pilipino.
Sa isang pahayag nitong Mayo 6, idiiin ng grupo na ang nasabing misyon ay nakatuon lamang sa pangungutya sa China habang pinalalampas ang presensya ng militar ng US at ang mga kaalyado nito sa teritoryo ng bansa.
“Kung ang anumang misyon ay hindi naglalayong lansagin ang lahat ng dayuhang arsenal militar sa teritoryo ng Pilipinas, ito ay maituturing na pampasikat lamang (performative) na hindi karapat-dapat sa kolektibong paghanga ng mga mangingisdang Pilipino na nasa gitna ng tensyong heyopulitikal,” anang grupo.
Ayon kay Joey Marabe, koordineytor ng Pamalakaya sa Masinloc, Zambales, ang palabas ng Akbayan ay nagsisilbing “diversionary tactic” o panggulo lamang sa mas malaking banta sa bansa—ang Balikatan exercises ng Amerika at ang pagpapaputok ng Tomahawk missile sa sibilyang paliparan sa Tacloban City. Pinalipad ang naturang misayl sa hatinggabi ng Mayo 5 mula Eastern Visayas para tamaan ang isang target sa Laur, Nueva Ecija.
“Habang tuwang-tuwa ang Akbayan sa kanilang jet-ski ride at beach trip sa Palawan, nagpakitang-gilas naman ng kapangyarihang militar ng ang US sa pamamagitan ng mapanganib na pagpapaputok ng weapon of mass destruction sa ating sariling lupa,” ani Marabe.
Dagdag pa ni Marabe, ang misyon ay maaari lamang ituring na tagumpay para sa mga politiko, ngunit hindi nito babaguhin ang katotohanang nananatiling biktima ng panghihimasok ng mga dayuhan ang mga mangingisda.
“Tinanggihan namin ang katawanin ng mga politikong nagsusulong lamang ng ibang heyopulitikal na interes,” giit ni Marabe.
Nanindigan ang grupo sa kanilang panawagan na lansagin ang lahat ng dayuhang arsenal militar, partikular ang sa US, para bigyang-daan ang diplomatiko at mapayapang resolusyon sa tensyon sa mga karagatan ng Pilipinas.
The post Pasikat ng Akbayan sa WPS, binatikos ng mga mangingisda appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

