“Training pa lang daw pero full battle action naman,” ito ang batikos ng mamamayan sa isinasagawang Balikatan exercises sa mga baybaying komunidad sa mga bayan ng Abulug, Ballesteros at Aparri sa prubinsya ng Cagayan at sa bayan ng Basco sa prubinsya ng Batanes. Dahil sa nasasaksihan nilang maigting at mataas na antas na moda ng pagsasanay at paggamit ng abante at malalakas na armas, naniniwala sila na hindi simpleng pagsasanay ito kundi paghahanda sa isusunod na gera ng US dito sa bansa—sa mismong bakuran nila.

Mula Abril 20 hanggang Mayo 8, nagaganap sa Pilipinas ang pinakamalaking Balikatan Exercises 2026, kung saan nagsasagawa ng joint military exercises ang 17,000 tropa ng US, Pilipinas, Japan, Canada, Australia at New Zealand. Dito ay ginagawa ang rehearsal ng digmaan sa karagatan, gamit ang mga missile at drone. Bago pa nito ay isinasagawa na ang Salaknib exercises sa bahaging Central Luzon.

Mula Abril 27-28, sa mga baybayin ng Barangay Bagu, sa Abulug at Ballesteros, nagsagawa ang mga tropang Pilipino, Japanese at US ng Amphibious Operation Exercises o pagsasanay sa militar na operasyon at gerang pandagat, kasabay ng mga ehersisyo sa maniobrang panghimpapawid at panglupa. Ginawa din ito sa Barangay Dodan, Aparri at sa Itbayat, Batanes, na dati nang pinaglunsaran ng Balikatan. Katulad sa nakaraan, nakaliligalig ng matindi ang mga live fire exercises at mga maniobrang panggera sa mga komunidad at nababalam ang kanilang kabuhayan sa pagbabawal sa pagpapalaot ng mangingisda habang isinasagawa ang mga ehersisyong panggera.

Missile arc

Sa isinasagawang Balikatan ngayon, mas matindi pang pangamba sa mamamayan ng Cagayan Valley ang idinudulot ng pagpoposisyon ng tropang US ng kanilang mga missile system sa kanilang teritoryo sa isla ng Itbayat, Batanes. Ang pampasabog sa barkong NMESIS anti-ship missile system ay ipinuwesto sa itinakda nilang forward-position sa nasabing isla, na nakaharap sa Taiwan sa distansyang 142 kilometro lamang. Ang NMESIS na una nang ipinuwesto sa isang EDCA site sa Cagayan North International Airport, ay kayang tumama sa mga target nang hanggang 185 kilometro. Ang isa pang missile system, ang High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) na may kapasidad na tumama nang hanggang 499 kilometro ay idineploy din sa isla ng Itbayat. Ang HIMARS ay hindi lang pangwasak sa barko, kundi sa iba pang target mula sa lupa at himpapawid.

Sinasabi ng US Marines na ang pagposisyon ng NMESIS at HIMARS sa Batanes ay istratehiko sa pagpapalakas ng kakayanan nilang magdepensa dahil madidispers nila ang kanilang firepower o lakas pamutok sa mga isla dito.

Itinapat sa mga missile system na ito ang advance surveillance sensor na inihulog ng UH-60 Black Hawk helicopter sa bahaging Bashi Channel. Ito ay isa sa mga patunay na hindi simpleng ehersisyo lang ang Balikatan, kundi bahagi ng pinaigting na paghahanda sa digmaan na papalapit sa aktwal na pagpapalitan ng mga misayl. Naka-activate ang live sensor na ito, na anumang oras na may ma-detect na anumang galaw o paglapit ng mga tropa, barko at armas mula sa China ay nakahanda ang mga itong paputukin.

Maliban sa NMESIS at HIMARS sa bahaging Luzon Strait, pinaputok din ng Japan ang kaniyang Type 88 surface-to-ship missiles sa kasalukuyang Balikatan sa baybaying bahagi ng Paoay, Ilocos Norte. Mula sa sibilyang eropwerto ng Tacloban, ipinutok ng Typhon Mid-Range Capability launcher ang Tomahawk missile na ipinatama sa Laur, Nueva Ecija kung saan nahagip ang isang sakahan. Ang Brahmos Missile naman mula sa India na ipinagmamayabang ng AFP na pinakamalakas na sandatang nasa arsenal nito ay ipinusisyon din sa baybayin ng Zambales malapit sa pinagtatalunang Scarborough Shoal.

Ang pagpuwesto ng mga missile system na ito sa mga estratehikong lokasyon ito ay bahagi ng pagbubuo ng US, Japan at mga kaalyado nila ng missile arc, kung saan ipinuposisyon ang kadena ng mga missile sa itinakda nitong First Island Chain.

Paglalaro sa apoy

Ang missile arc na ito na nakaumang sa China ay mga mitsa sa pagliyab ng gera sa Indo-Pacific. Inilalatag ito sa First Island Chain, o mga mayor na arkipelago sa West Pacific Ocean na nakapalibot sa China, ang Kuril Islands sa bahaging Japan, Ryukyu Islands sa Taiwan, ang hilagang Pilipinas at ang Borneo. Layon ng First Island Chain na kulungin at gapiin ang China upang patatagin ang kapangyarihan ng US sa Asya at kamkamin ang mga natural na rekurso at dominahan ang kalakalan dito. Ang missile arc na nakalatag dito ay bahagi ng pagpapalakas sa kakayanang umatake at magdepensa ng First Island Chain para sa pinaghahandaang gerang agresyon ng US dito.

Ang Palawan, Zambales, Ilocos Norte at Cagayan Valley ang itinakdang mga susing lokasyon sa Pilipinas na ipinaloob sa First Island Chain. Ang Batanes at Ilocos Norte ay nagsisilbing entrada sa hilaga patungong Bashi Channel, ang importanteng lagusan na nagdudugtong sa South China Sea at Western Pacific na ginugwardyahan at nais kontrolin ng US, habang ang Palawan at Zambales naman ay nagsisilbing lunsaran sa atake sa bandang kanluran. Kung kaya naman dito ipinupwesto ang mga missile system bilang bahagi ng missile arc ng imperyalistang US at Japan.

Ang ipinangangalandakan ngayong pinakamalaking Balikatan Exercises ay nagkanti sa China upang magbabala sa US at Pilipinas na ito ay “paglalaro sa apoy.” Sinabayan nito ang Balikatan Exercises 2026 sa paglulunsad ng sarili nitong ehersisyong pandigma sa South China Sea, malapit sa hilagang silangan ng Pilipinas. Isinara ang mga byaheng panghimpapawid sa teritoryo nito at nagdeploy din ito ng malalakas na sandata, misayl, barko at eroplanong pandigma kagaya ng carrier strike group Liaoning. Ang mga sandatang inilunsad ng China na itinapat sa Balikatan sa Pilipinas ay parehas na pinakamalalakas at pinakasopistikadong sandata at kagamitang pandigma sa buong mundo, at ang iba dito ay mas malalaki, mas malalakas at mas sopistikado pa sa mga kagamitan ng US at Japan. Kabilang dito ang kauna-unahan sa buong mundo na drone carrier warship, ang missile launcher at aircraft carrier na 052D Class Destroyer Cangzhou, na isa sa pinakamalaki sa buong mundo. Pinailanlang sa destroyer na ito ang isang cruise missile sa nasabing ehersisyong pandigma ng China. Pinasinayaan din nito ang isang submarine hypersonic missile. Habang nagyayabang ang US sa kaniyang mga sandata at kapabilidad militar, ang China ay mabilis at tuloy-tuloy ding nagpapalakas ng kaniyang armamento at militar na pwersa. Maraming ulat na nasa China ang pinakamalaking arsenal ng ground-based missiles sa buong mundo.

Ligalig, hindi istabilidad

Malinaw sa mga kaganapang ito, ng paghahanda sa gera ng dalawang magkaribal na imperyalistang US at China, na malao’t madali ay puputok. Kinukumpirma ito mismo ng AFP at US na nagsasabi na ang Balikatan exercises na ito ay hindi lamang drills o simpleng ehersisyo, kundi rehearsal o pinal na pag-eensayo sa isang magaganap na gera. Sinasabi nila ito dahil sila at ng amo nitong imperyalistang US ang nanghahamon ng gera sa China.

Sadyang napakamapanganib ang paglalatag ng rehimeng US-Marcos sa Cagayan Valley at iba pang susing lokasyon sa Pilipinas bilang bahagi ng First Island Chain at pagdedeploy ng mga misayl at kagamitang pandigma dito. Sinasalaula ng AFP, ng rehimeng Marcos at ng imperyalistang US ang mamamayang Pilipino sa pangangalandakan na ang Balikatan Exercises ay para sa istabilidad at kapayapaan sa rehiyong Asia Pasipiko. Malinaw na malinaw ang kasinungalingang ito sa nararanasang matinding ligalig at paghihirap ngayon ng mamamayan sa Iran at Middle East, na walang pakundangang inatake ng imperyalistang US upang kamkamin ang kanilang natural na rekurso at langis at pagharian ang rehiyon, hindi upang isalba ang mamamayan doon at panatilihin ang kapayapaan at seguridad nila.

Sa kabila ng malawakang protesta sa pag-atake ng US-Israel sa Iran at pagpapaigting nito ng pandaigdigang tensyon, lalo pang pinapalawak at pinapaigting ang tensyon na ito sa pang-uupat ng gera sa Asya. Ang paggamit sa Pilipinas bilang lunsaran ng digma ay sukdulang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa amo nitong imperyalistang US sa paggigiit ng paghahari nito sa Asya-Pasipiko, parehas ng ginagawa sa Middle East

Ang mga misayl at sandatang pandigma na ito ay malayang ipinoposisyon sa bansa at pinapaputok dahil sa mga kasunduang militar na pinasok ng rehimeng Marcos sa US. Lansakang paglabag sa soberanya ng Pilipinas ito at inilalagay ang rehiyon ng Cagayan Valley at buong Pilipinas sa direktang panganib mula sa ganting aksyon ng China at iba pang kaaway ng US.

Digmang bayan lamang ang makakagapi sa paghahari ng imperyalistang US

Anuman ang kahihinatnan ng mamamayan sa sandaling pumutok ang inuupat nitong gera sa Asya-Pasipiko ay pananagutan ng AFP at rehimeng US-Marcos at isasakdal sila sa krimen sa gera.

Napakahalaga sa ngayon na palakasin ang anti-imperyalistang alyansa ng mamamayan ng Cagayan Valley at makibaka upang itigil ang gerang agresyon ng imperyalistang US at tanggalin ang mga kagamitang pandigma nito sa rehiyon at sa buong bansa. Higit sa lahat, paigtingin ang digmang bayan dahil tanging ito lamang ang makakagapi sa imperyalistang paghahari ng US.”

The post Balikatan 2026, paghahanda sa gera sa Asia-Pacific appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.