Marubdob naming kinukundena ang marahas na pagtortyur at sadyang pagpaslang ng mga pasistang tropa ng 8th Infantry Division sa tatlong hors de combat na Pulang mandirigma ng Arnulfo Ortiz Command (BHB-Western Samar) sa dalawang magkahiwalay na insidente nitong Abril. Ang mga ito ay lantarang paglabag sa internasyunal na makataong batas at patunay ng sukdulang kaitiman ng budhi ng pasistang 8th ID.
Hindi armado si Ka John Paul, 20 anyos, nang mabaril sa hita ng mga pasistang tropa habang nagluluto sa labas ng isang kubo sa Barangay Salvacion, Jiabong noong Abril 17. Bahagi siya ng yunit ng BHB na tumutulong sa masa na sinasalanta ng militarisasyon. Buhay pa siya nang dakpin ng kaaway at imposibleng makapanlaban. Imbis na gamutin ang sugat, tinortyur siya upang pigaan ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga kasama. Dahil walang makuha sa kanya, sadya siyang binaril sa dibdib na kanyang ikinamatay. Tinaniman siya ng ripleng M4 para palabasing armado nang paslangin.
Hindi rin armado sina Ka Mike at Ka Oking nang dakpin ng mga pasistang tropa noong Abril 23 sa bayan ng Motiong. Naglalakad lamang sila noon sa isang malawak na parang na pakainan ng kalabaw, at tulad ni Ka John Paul ay naggagawaing masa. Gayumpaman, nang madakip ay magdamag silang pinahirapan ng mga pasista, at nang walang maibigay na impormasyon ay sadya silang pinaslang. Nilamog ang mukha ng dalawa sa bugbog at tinadtad ng mga bala ang katawan. Kinabukasan, Abril 24, isinagawa ang dramang labanan, alas-9 ng umaga, sa Barangay Caulayanan, kung saan tinaniman sila ng ripleng M14 na sa litrato ay kapansin-pansing walang nakakabit na gunsling.
Sinasaluduhan namin at mataas kaming nagbibigay-pugay kami kina Ka John Paul (tubong Matuguinao), Ka Mike (tubong Barangay Bay-ang, San Jorge), at Ka Oking (tubong Camarines Norte, Bikol). Matapang nilang hinarap ang kamatayan, hindi ipinagkanulo ang masa at mga kasama, at sa halip ay buong-giting na hinarap ang pahirap at kalupitan ng mga pasistang buhong. Marangal ang kanilang kamatayan na inialay para sa kaligtasan ng mga kasama, alang-alang sa kapakanan ng masa at rebolusyon. Sila’ y mga dakilang bayani ng bayan!
Itinatakwil at kinukundena namin ang patakarang ito ng pasistang 8th ID laban sa mga hors de combat. Pinapatay nila ang mga kasamang hindi nagtatraydor at yaong mga walang dalang baril. Ito rin ang ginawa nila noong nakaraang taon sa mga Pulang mandirigma sa Leyte na sina Fidel Lagado (Ka Rod), Maricel Anora (Ka Yen), Rogelio Berino (Ka Sonny), Juanito Selleza Jr (Ka Tibor), Sadam Paclita (Ka Sadam), at Lino Delante (Ka Dodong), at sa Pulang mandirigma sa Northern Samar na si Edwin Ventura (Ka Alas).
Mula 2025 hindi bababa sa 10 hors de combat (bukod pa sa mga sibilyang magsasaka) ang sadyang pinatay at tinaniman ng baril ng 8th ID upang bigyang-tuwid ang kanilang krimen. Malinaw na huwad at pakitang-tao lamang ang mga buladas nila na “iba na ang militar ngayon”—ang totoo, wala silang kinikilalang batas sa digmaan, moralidad, o batayang dignidad ng tao, upang makamit ang imbing layunin na supilin ang rebolusyonaryong paglaban ng bayan.
Hindi nagpapalinlang dito ang BHB at ang malawak na masa ng Eastern Visayas. Lalo lang nitong pinatutunayan ang kabulukan ng pasistang militar at ang kawastuhan ng armadong pakikibaka laban sa reaksyunaryong sistema. Lalo lamang nitong pinag-aalab ang kagustuhan ng mamamayana kamtin ang hustisya laban sa mga buhong pasista na nang-aapi at nagsasamantala sa kanila. Ipinapangako ng BHB sa rehiyon na ubos-kaya itong magpapalakas at bibiguin ang kontra-rebolusyonaryong gyera ng 8th ID at ng rehimeng Marcos, at isusulong ang digmang bayan hanggang makamit ang tagumpay para sa mamamayang Pilipino.
Hustisya para kina Ka John Paul, Ka Mike at Ka Oking! Hustisya para sa lahat ng biktima ng pasistang rehimeng US-Marcos!
Buong-tapang na isulong ang digmang bayan laban sa pasismo ng estado!
The post Kundenahin ang pagtortyur at sadyang pagpaslang ng 8th ID sa 3 hors de combat sa Samar appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

