Ilang oras na ipinailalim sa detensyon ng 47th IB ang isang sibilyang residente ng Barangay Masaling, Cauayan, Negros Occidental simula noong Mayo 4 ng umaga. Idinetine ang sibilyang si Jose Escamilla para ipailalim sa interogasyon kasunod ng labanan ng yunit nito at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) sa Sityo Matab-ang noong alas-5 ng araw na iyon.

Sa takot para sa kaligtasan ni Escamilla sa kamay ng 47th IB, kaagad na inireklamo ng kanyang asawang si Manilyn ang pagkuha sa kanya ng mga sundalo. Inihayag niya sa mga istasyon ng radyo at lokal na midya na hindi man lamang ipinabatid ng 47th IB kung bakit kinuha ang kanyang asawa at kung saan siya dinala.

Ayon pa kay Manilyn, pagkatapos ng labanan ng 47th IB at BHB ay ininterbyu sila ng mga ito dahil malapit sa kanilang lugar ang insidente. Kinuhanan rin sila ng litrato at inilista nag kanilang mga pangalan at personal na mga impormasyon. “Pagkatapos, kinausap nila ang asawa ko at may tumawag sa kanilang radyo na nagsabing dalhin ang asawa ko,” salaysay niya sa lokal na midya. Dahil sa pagkakalantad sa detensyon, natulak ang 47th IB na palayain siya ilang oras makalipas.

Ipinagtanggol ng kumander ng 47th IB na si Lt. Col. Dennis Martinez ang ginawa ng kanyang batalyon. Aniya, ang hakbang ng mga sundalo ay “isang normal na proseso” kung mayroong engkwentro sa kanilang komunidad. Giit ni Lt. Col. Martinez, wala silang nilabag na mga batas at karapatang-tao sa ginawa laluna at kusang-loob umanong sumama si Escamilla.

Taliwas ang pahayag ni Lt. Col. Martinez sa nakasaad sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Panel sa Negosasyon Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines noong Marso 16, 1998 sa The Hague, The Netherlands.

Nakasaad sa Ikatlong Bahagi o Paggalang sa mga Karapatang Pantao, Artikulo 2, Bilang 7 ng CARHRIHL: “Ang karapatang hindi mapasailalim sa pisikal at mental na tortyur, solitaryong detensyon, panggagahasa at abusong sekswal, at iba pang hindi makatao, malupit at nakaaabang pagtrato, detensyon at pagpaparusa.”

Kinundena ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang ginawa ng militar at idiniin na dapat igalang ang karapatang-tao ng mamamayan. “Ang pag-aresto sa isang magsasaka at pagsasailalim sa kanya sa isang interogasyon nang walang presensya ng abogado ay paglabag sa kanyang mga karapatang pinuprotektahan ng Konstitusyong 1987,” ayon sa grupo.

Kinundena rin ni Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwest Negros, ang hakbang na ginawa ng militar laban sa sibilyang si Escamilla. Ayon kay Guerrero, madalas itong ginagawa ng mga sundalo para mayroon silang mapagbintangan at mapagbuntunan ng kanilang galit o bilang paghihiganti.

Sa nakaraan, ayon pa kay Guerrero, karaniwang modus ito ng militar dahil sa pagkabigo ng kanilang operasyon laban sa BHB. “Kadalasan ay nagiging biktima pa mamamayan ng pananakot, sapilitang pagpapasuko, o pagtatanim ng pekeng ebidensya,” aniya.

The post Sibilyan sa Negros Occidental, idinetine ng 47th IB kasunod ng engkwentro sa BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.