Binigo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) ang pag-atake ng 47th IB sa yunit nito sa Sityo Matab-ang, Barangay Masaling, Cauayan, Negros Occidental noong Mayo 4. Hindi bababa sa dalawang pasistang sundalo ng 47th IB ang napatay sa kontra-reyd ng hukbong bayan.
Sa ulat ni Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwest Negros, ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma mula sa lugar ng labanan. Pinasinungalingan niya ang pahayag ng kumander ng 47th IB na si Lt. Col. Dennis Martinez na mayroong nasugatan sa hanay ng Pulang hukbo. Samantala, tahasang pinagtakpan ni Lt. Col. Martinez na mayroong napatay sa mga tropa nito.
Tatlong linggo bago ang kontra-reyd, nakapaglunsad ng operasyong haras ang isang yunit ng BHB-Southwest Negros laban sa tropa ng 15th IB sa Sityo Lomboy, Barangay Caliling sa bayan rin ng Cauayan noong Abril 18. Dalawang sundalo ang nasugatan sa pag-atake.
Ayon kay Guerrero, ang mga armadong aksyon at pagsisikap ng BHB laban sa 47th at 15th IB ay tugon nila sa panawagan ng mamamayan laban sa panunupil at panggigipit ng mga tropa nito sa tuwing naglulunsad ng focused military operations. Isinasagawa ng dalawang batalyon ang mga perwisyong operasyon nito sa mga mabundok na bahagi ng Cauayan, Candoni, Ilog at mga syudad ng Sipalay at Kabankalan.
Nagpasalamat ang BHB-Southwest Negros sa tuluy-tuloy na suporta ng masang Negrosanon sa Pulang hukbo para maisagawa ang mga armadong aksyon at kontra-atake nito laban sa pasistang militar.
Aniya, patuloy na nag-aalab ang rebolusyonaryong diwa ng BHB-Southwest Negros para depensahan ang interes at karapatan ng mamamayan. “Araw-araw ay may rason para lumaban, sumuporta at tumangan ng armas ang masang magsasaka at manggagawa na matagal nang inaapi at pinagsasamantalahan,” pahayag ni Guerrero.
Dagdag niya, ang demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ay patuloy na susulong sa harap ng mga sakripisyo, kahirapan at walang tigil na atake ng Armed Forces of the Philippines laban sa hukbong bayan at mamamayan. Pahayag pa ni Guerrero, patuloy na aabante ang digmang bayan dahil ito ang natatanging solusyon at landas ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan ng bulok na sistema.
The post 2 sundalo ng 47th IB, napatay sa kontra-reyd ng BHB-Southwest Negros appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

