Ginunita ng Kabataang Makabayan (KM)-Batangas ang ika-53 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong Abril 24 sa pagpapaskil ng mga istiker na may rebolusyonaryong panawagan. Isinagawa nila ito noong gabi ng Abril 24 sa ilang piling bayan at syudad sa Batangas.
Ang mga istiker ay naglalaman ng mga dibuhong likha ng mga rebolusyonaryong kabataan mula sa Southern Tagalog. Isinasalarawan ng mga ito ang mamamayang nagnanais ng rebolusyonaryong pagbabago. Tampok sa mga dibuho ang mga rebolusyonaryong kabataan-estudyante na tumatangan ng armas para ipagtanggol ang sambayanan laban sa rehimeng US-Marcos.
“Tayong mga kabataang nagmula sa uring manggagawa, magsasaka at petiburgesya ay kinakailangang lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa makapagbuo ng isang tunay na demokratikong gubyernong bayan na lulutas sa mga batayang suliranin sa ating lipunan,” pahayag ng KM-Batangas.
Anang grupo, para makamit ang isang malaya at maaliwalas na Pilipinas, susi ang pagpapalakas sa Bagong Hukbong Bayan, ang “armadong pangmasang organisasyon na lulumpo sa mga reaksyunaryong hukbo na Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police,” anito.
Sa Batangas, kumikilos ang pamprubinsyang yunit ng BHB na Eduardo Dagli Command. Noong Disyembre 2025 lamang, nakapag-organisa at pinangasiwaan ng hukbong bayan sa prubinsya ang isang pagdiriwang para sa anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Magkakasama sa aktibidad ang mga kadre ng Partido, ang yunit ng BHB at mga bisita mula sa iba’t ibang sektor mula sa kanayunan at kalunsuran. Matagumpay itong naidaos sa gitna ng focused and sustained military operations (FSMO) ng berdugong militar.
Para palakasin pa ang hukbong bayan sa prubinsya, nanawagan ang KM-Batangas sa mga kabataang Batangueño: “Kinakailangan ang ating lakas at talino kaya sumapi sa Eduardo Dagli Command NPA-Batangas!”
The post KM-Batangas, nagpaskil ng mga istiker para sa ika-53 anibersaryo ng NDFP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

