Noong Mayo 2, 2025, ipinatupad ng rehimeng US-Marcos II ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD), isang disenyo ng gerang panunupil ng pasistang estado. Pinagmumukha nito na programang pangkapayapaan ang pasismo at terorismo na kung ilang dekada at rehimen na ang desperadong nagpatupad para durugin ang rebolusyonaryong kilusan at supilin ang paglaban ng mamamayang Pilipino.

Alinsunod sa dikta ng imperyalismong US, mayroong strategic deadline ang Armed Forces of the Philipines (AFP) at NTF-Elcac sa ilalim ng NAP-UPD na wakasan na ang CPP-NPA pagsapit ng 2028. Subalit makalipas ang isang taon, nabigo na naman ang gubyerno ni Marcos Jr na paluhurin ang CPP-NPA, sa halip ay nagawa nitong magpunyagi at sumulong sa gitna ng pukpukang labanan sa rehimen at mersenaryong AFP. Napawalang-saysay ang plano nitong patahimikin ang paglaban ng mamamayan dahil araw-araw ay lalong namumuhi ang mga Pilipino sa labis na kainutilan at pangangayupapa sa imperyalistang amo na nagpapasidhi sa krisis pampulitika at pang-ekonomya sa bansa.

Ang kaguluhan ng mga naghaharing uri na pangita sa bangayan ng pangkating Marcos at Duterte ay naglantad lalo sa katangiang ganid at anti-mamamayan ng reaksyunaryong gubyerno. Ang kapabayaan ng kasalukuyahg rehimen na ampatin ang krisis pang-ekonomya na pinalala ng imperyalistang gera ng US ay lalong nagpakulo sa galit ng sambayanang kumakalam ang tiyan sa kahirapan habang bundat ang mayayamang nagsamantala sa oil price shock.

Mas malala, nagdulot lamang ng kabi-kabilang paglabag sa karapatang tao ang mga krisis na ito, dahil tinapatan ng napakabangis na pasismo ang pakikibaka ng mamamayan para sa pagpapanagot sa mga sangkot sa korapsyon ng pondo ng bayan at paggigiit sa panawagang lupa, sahod, trabaho, edukasyon, karapatan at serbisyong panlipunan.

Taliwas sa ipinagmamalaki ng rehimeng Marcos na nagtagumpay na ang AFP at NTF-Elcac sa “pagdurog” sa mga larangang gerilya ng NPA, at na nakatuon na ang AFP sa “depensang panlabas,” walang naramdamang paglubay sa focused and sustained military operations sa Timog Katagalugan. Katunayan, mahigit sa 30 batalyon na ng pinagsanib na AFP, PNP at paramilitar ang nasa rehiyon. Hatid nito ang walang-patlang na paninibasib at panliligalig ng mga pasistang yunit na ito sa kanayunan ng rehiyon.

Nagdulot ng matinding paglabag sa karapatang tao ang ginawang pambobomba noong Agosto 2025 sa Quezon at Enero sa isla ng Mindoro. Tampok sa kaswalti ng pambobomba noong Enero sa Mindoro ang napatay na tatlong batang Mangyan at nasugatang ina ng mga ito. Libong mamamayan ang napilitang lumikas at naapektuhan ang kabuhayan.

Sa isang taon na pagpapatupad ng NAP-UPD, pinalala rin nito ang kampanyang disimpormasyon, psywar at red-tagging. Naglako ito ng kapayapaan sa ilalim ng local peace engagements na sa totoo ay panggigipit, paninindak at paniniktik sa masa na inaakusahang sumusuporta sa NPA o may kaanak na NPA kasabay ng sapilitang pagpapasuko. Sa dami at laki ng bilang ng ipiniprisentang suko ng mga yunit ng AFP sa rehiyon at buong bansa, nalampasan na nito ang bilang ng sinasabi nilang natitirang elemento/pwersa ng NPA. Ang ipinagmamalaki nitong puu-puong libong “sumukong” NPA at tagasuporta ay pawang mga niresiklo o sapilitang pinasuko para lamang pagkakitaan ng matataas na opisyal ng AFP-PNP. Nariyang nagpresinta ang AFP ng isang sundalo bilang diumano’y NPA na “sumuko” na kumalat pa nga ang litrato sa social media.

Kasabay nito, lalong pinatitindi ang ligal na panunupil gamit ang Anti-Terrorism Law at Anti-Financing Terrorism Law. Isinusulong rin ang Anti-“Terror Grooming” Bill bilang dagdag na arsenal ng AFP at estado para supilin ang makatwirang pakikibaka ng mga kabataan at sugpuin ang kritikal at indipendyenteng pag-iisip ng bagong henerasyon.

Maging ang mga Pilipino sa ibayong dagat ay hindi pinaligtas sa pag-aakusang ang mga makabayan at progresibong organisasyon ng migrante at sumusuportang samahan ay mga nagpopondo sa terorismo sa Pilipinas. Sa desperasyong ito ng gubyerno ni Marcos Jr, malaking kwestyon ang iniiwan nito sa publiko: Bakit nananatili ang paparaming bilang ng sumusuporta at nagsusulong ng makatarungang paglaban? At bakit kailangang magpatupad ng samutsaring imbing batas para lagutin ang mga suportang tinatamasa ng nag-aalsang mamamayan?

Dapat labanan ng mamamayan ang NAP-UPD sa pagpapalakas ng anti-pasistang pakikibaka na mayroong malawak na nagkakaisang prente. Lalo ngayong kailangang mag-armas ng sambayanan. Lalong kailangan ang Hukbong Bayan para magtanggol sa mamamayan. Tinatawagan namin ang lahat ng biktima ng panunupil at karahasan ng estado at AFP na sumampa sa NPA para kamtin ang rebolusyonaryong hustisya sa lahat ng dinanas nila.

The post Isang taon ng NAP-UPD: Panunupil at kawalang kapayapaan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.