Nakapagtapos ng pampulitikang pag-aaral ang mahigit 20 myembro ng Partido Komunista ng Pilipinas at mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isang larangang gerilya sa Far South Mindanao Region (FSMR) noong Abril. Naisagawa ito sa gitna ng walang-tigil na focused military operation ng pasistang 37th IB at 57th IB sa erya.
Ibinalangkas ng komite ng Partido ang mga pag-aaral sa pangangailangan ng yunit at alinsunod sa kurikulum ng Pambansang Demokratikong Paaralan (PADEPA). Hinati ang mga estudyante sa dalawang grupo para umangkop sa kalagayan at kakayahan ng yunit.
Ayon sa komite, ang pagpapataas ng antas sa ideolohiya at pulitika ng mga Partidista at mandirigma ay pagtalima rin sa kilusang pagwawasto. Inilunsad ng Komite Sentral ng Partido ang kilusang pagwawasto noong Disyembre 2023 na sa pangunahin ay isang kilusang pag-aaral.
Sa naging takbo ng mga pag-aaral, bukas na nagbahagi ng sariling mga karanasan, pagkukulang, at kahinaan sa pagkilos ang mga estudyante. Tinalakay at hinimay nila ito para maging batayan ng mga kailangang iwasto para makasulong sa mga gawain.
Ayon sa komite, naging kapansin-pansin ang pagpapakita ng determinasyon ng lahat ng mga kasama na mag-ambag sa kilusang pagwawasto matapos ang pag-aaral. Naging handa ang yunit na humakbang sa mas mataas na antas ng pakikibaka upang makasabay sa pambansang pagsulong.
Pinasalamatan ng komite ng Partido at yunit ng BHB ang mga masang magsasaka sa naging papel nila para itaguyod ang aktibidad.
The post Pampulitikang pag-aaral, nailunsad sa FSMR sa gitna ng operasyong militar appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

