Nagprotesta ang mga myembro ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinasn (Pamalakaya)-Bacoor and mga residente ng Barangay Talaba II noong Mayo 4 upang kundenahin ang planong demolisyon ng lokal na gubyerno ng Cavite sa mahigit 100 kabahayan sa naturang barangay.
Ayon sa mga residente, nakatanggap sila noong Abril 30 ng berbal na abiso idedemolis ang kanilang lugar at mayroon lamang silang dalawang araw para lisanin ito. Walang ipinakitang dokumento ang mga tauhan ng lokal na gubyerno.
Ang komunidad ay bahagi ng 420 ektaryang proyektong reklamasyon na iniuugnay sa Frabelle Fishing Corporation, kumpanyang pagmamay-ari ng kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture na si Francis Tiu-Laurel Jr.
“Hindi makatwirang alisin ang mga mangingisda sa baybayin at ilipat sa lugar na malayo sa dagat at walang kabuhayan. Nakakalungkot na sa gitna pa talaga ng krisis itataon ang pagpapaalis sa amin sa komunidad,” pahayag ni Arni Villalon, myembro ng PAMALAKAYA-Bacoor.
Giit ng grupo na hindi dapat ituloy ang demolisyon dahil may umiiral na suspensyon sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay mula pa noong 2023. Dagdag dito, sa kabila ng relocation site sa Naic, Cavite na ibinigay ng lokal na gubyerno, marami pa ring mangingisda ang napipilitang bumalik sa Bacoor dahil sa kawalan ng hanapbuhay.
Nananawagan ang PAMALAKAYA sa lokal na gubyerno ng Cavite na igalang ang karapatan ng mga mangingisda at itigil ang demolisyon hangga’t hindi natutugunan ang kanilang mga hinaing.
The post Planong demolisyon sa Bacoor, Cavite, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

