Sa nagdaang mga linggo, nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad ang mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) bilang paggunita sa ika-53 anibersaryo nito. Ang NDFP ay itinatag noong Abril 24, 1973 bilang rebolusyonaryong nagkakaisang prente ng mamamayang Pilipino para sa armadong pakikibaka.
Naglunsad ang Kabataang Makabayan (KM) ng isang raling iglap noong Abril 28 sa Maynila para ipabatid sa mas maraming kabataan at mamamayan ang anibersaryo ng NDFP at katumpakan ng digmang bayan. Noong Mayo 3, nagpaskil ng pahayag at naglunsad ng operasyon pinta-operasyon dikit (OP-OD) ang KM-Kira Mindoro sa bahagi ng Sta. Mesa noong Mayo 3.
Sa Batangas, nagdikit at nagpakalat ng mga istiker ang KM-Batangas noong Abril 24 ng gabi. Tampok sa mga ito ang ang mga dibuhong nagsasalarawan ng mga mamamayang nagnanais ng rebolusyonaryong pagbabago.
Naglunsad rin ng OP-OD ang mga balangay ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila. Sa ulat ng grupo, naisagawa ng mga balangay nito ang aktibidad sa Taft Avenue at España Avenue sa Maynila at sa Katipunan Avenue at University of the Philippines (UP)-Diliman sa Quezon City.
Magkakahiwalay na rali ang inilunsad ng mga balangay ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) para ipagdiwang ang anibersaryo. Dalawa sa mga pagkilos ay isinagawa sa mga bangketa at mataong lugar, habang ang isa ay sa loob ng kampus ng UP Diliman.
Namahagi ng mga polyeto ang Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP) sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila bilang pakikiisa sa pagdiriwang. Nagsagawa rin ng operasyong dikit ang grupo sa ilang lugar.
Serye ng OP-OD rin ang inilunsad ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas) sa pangunguna ng mga balangay ng Mithi Paglaya, Kerima Tariman at Ronnel Rhay Phoben Madrigal. Isinagawa rin nila ito sa Metro Manila.
Sa Australia, inilunsad ng balangay ng Compatriots ang isang pagtitipon para gunitain ang anibersaryo ng NDFP. Binasa sa pagtitipon ang mga pahayag ng pakikiisa ng mga alyadong organisasyon ng NDFP at mga pahayag ng suporta ng Communist Party of Australia–Marxist-Leninist at Marxist Workers Party.
Sa loob ng mga larangang gerilya, ginunita rin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) kasama ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid ang anibersaryo ng NDFP. Sa Southern Tagalog, pinangunahan ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Southern Tagalog (Melito Glor Command), ang pagbati sa NDFP at pagtutulak ng pagpapalakas ng kilusang masa laban sa imperyalismong US. Nagsunog sila ng maliit na bandila ng US bilang pagkundena sa gerang agresyon ng US sa Iran at pag-atake nito sa marami pang mga soberanong bayan.
Maliban sa mga pisikal na aktibidad, maraming iba pang alyadong organisasyon ng NDFP at mga balanagay nito sa rehiyon at prubinsya ang bumati sa anibersaryo. Nagpaabot rin ng pagbati sa NDFP ang mga internasyunal na partido at organisasyon kabilang ang Anti-Imperialist Action Ireland, Communist (Maoist) Party of Afghanistan at Friends of the Filipino People in Struggle/Friends of the National Democratic Front (FFPS/FNDF).
Sa lahat ng mga pagtitipon at pahayag, binigyang parangal ang mga martir at bayani ng sambayanang Pilipino kabilang na ang Toboso 19, ang mga Pulang mandirigma at sibilyang organisador at mamamahayag na minasaker sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental. Nakiisa sila sa lumalawak na panawagan para sa hustisya sa Toboso 19.
The post Ika-53 anibersaryo ng NDFP, ipinagdiwang ng mga alyadong organisasyon nito appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

