Mahigit 1,600 katao ang nagsama-sama sa iba’t ibang prubinsya at syudad sa Cordillera, gayundin sa labas ng rehiyon para ipagdiwang ang ika-42 People’s Cordillera Day. Isinagawa ang mga aktibidad at pagtitipon ng Cordillera People’s Alliance (CPA), mga alyadong grupo nito, mga tagasuporta at grupong nagtatanggol sa karapatan ng mga katutubo noong Abril 22-25.
Naiulat ang mga aktibidad sa Mountain Province, Benguet, Baguio City, Kalinga, Abra, at Apayao. Mayroon ding mga selebrasyon at pakikiisa sa Metro Manila, Canada, Hong Kong, at sa US. Ang mga aktibidad ay mayroong kanya-kanyang katangian at isyung itinampok ngunit nagkaisa sa sentral na temang: Ipaglaban ang Ating Karapatan sa Lupa, Buhay at Kabuhayan.
“Sa ating paggunita sa ika-42 na People’s Cordillera Day sa pamamagitan ng mga desentralisadong aktibidad, nararapat lamang na ilantad at bigyang diin ang mga epekto at implikasyon ng pandaigdigang krisis sa ating mga komunidad, sa ating mga tahanan, at hanggang sa ating mismong sikmura,” pahayag ng CPA.
Tinalakay sa mga pagtitipon ang mga usapin sa mataas na presyo ng langis at krisis sa ekonomya, mapangwasak na renewable energy, operasyong mina at dam at ang kaakibat nitong pangangamkam sa lupang ninuno, at mga paglabag sa karapatang-tao at militarisasyon sa mga nagtatanggol na komunidad. Binigyang parangal rin sa mga ito ang mga martir at bayani ng rehiyon.
Sa kasagasagan ng mga aktibidad, walang tigil ang pananakot, panliligalig at intimidasyon ng armadong pwersa ng rehimeng Marcos. Ayon sa ulat ng CPA, naitala ang mga kasong ito sa Benguet, Mountain Province at Apayao. Ikinalat rin umano sa iba pang bayan ang mga tarpolin na naninira sa People’s Cordillera Day. “Gayunman, ang mga pagtatangkang ito ay bigong pigilan ang mga nag-organisa at dumalo na ipagpatuloy ang mga aktibidad,” pahayag ng CPA.
Sa pagtatapos ng mga pagdiriwang, napagtibay ang pagkakaisa, pakikiisa at pagpupunyagi sa pakikibaka ng mamamayan ng Cordillera. “Kailangan natin ng lakas, tapang, at pagtitiyaga habang naninindigan tayo laban sa malalaking negosyo, mga dayuhang korporasyon, at maging sa administrasyong Marcos Jr,” ayon sa CPA.
Nanawagan ito sa mga myembro, balangay at alyadong organisasyon na organisahin ang sarili, paigtingin ang mga protesta, at bumuo ng mas matatag na pakikipagkaisa sa mga kapwa inaapi at pinagsasamantalahan na mamamayang Pilipino. Ayon pa sa CPA, malaki pa ang mga tungkuling dapat gampanan nito sa hinaharap ngunit handa itong balikatin at ipagtagumpay.
Positibo ang naging tugon sa mga hamong ito ng kabataan ng Cordillera. “Tayo ang tagapagmana ng laban at tagapagpatuloy ng diwa ng pagkakaisa at paglaban,” pahayag ng Anakbayan-Cordillera. Dagadg ng grupo, sa pakikilahok ng kabataan sa People’s Cordillera Day ay ipinakikitang hindi lamang ito alaala ng nakaraan, kundi buhay na pakikibaka sa kasalukuyan.
The post Ika-42 People’s Cordillera Day, militanteng ipinagdiwang appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

