Nananawagan ang mga abugado ng Public Interest Law Center (PILC) para sa muling pagpapagana ng Joint Monitoring Committee (JMC), ang mekanismong itinayo para subaybayan ang implementasyon ng Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Ang CARHRIHL ay kasunduang pinirmahan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Gubyerno ng Republika ng Pilinas (GRP) noong 1998.

Ang JMC ay mekanismo ng CARHRIHL para matiyak na naiimbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa mga karapatang-tao. Ang panawagang paganahin ito ay ginawa sa harap ng pagpatay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa 19 inbididwal sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.

“Ang pagpatay sa di armadong mga sibilyan, pati na rin ng mga kombatant na sugatan, nadakip, sumurender o di kaya’y nasukol at wala nang kakayahang lumaban, ay isang malalang paglabag sa karapatang-tao at international humanitarian law,” ayon sa pahayag ng PILC na inilabas noong Abril 29. “Gayundin, seryosong paglabag din ng mga ligal na proteksyong ang pwersahang pagpapalayas sa mga sibilyang komunnidad.”

Ayon sa mga abugado, ang mga pangyayaring ito ay labag rin sa CARHRIHL. Kabilang sa mga probisyon ng CARHRIHL ang pagbubuo at pagpapagana ng JMC.

Ang nakaririmarim na kalagayan ng kawalang lupa ng mga magsasaka ang gumagatong sa armadong sigalot sa bansa, anito. “Ang mga pagpatay at pwersahang pagpapalayas sa daan-daang mga pamilya sa gitna ng mga operasyong militar sa Negros ang palatandaan sa pagsalig pangunahin sa pamamaraang militar sa pagresolba sa sigalot.”

Sa huli, nanawagan ang PILC sa pagbabalik sa usapang pangkapayapaan para resolbahin ang ugat ng armadong sigalot.

The post Muling pagpapagana sa JMC, ipinanawagan ng mga abugado appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.