Mataas na pagpupugay at pulang saludo ang iginagawad ng Roselyn Jean Pelle Command – NPA at ng malawak na masang Pilipino sa mga pulang kumander at mandirigma na namartir nitong ika-19 ng Abril sa Brgy. Salamanca, Toboso, Negros Occidental. Lubos kaming nagdadalamhati nagagalit sa pagmasaker ng mga utak-pulburang 79th Infantry Battalion (IB) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga tunay na hukbong nagtatanggol sa mamamayan hanggang sa kanilang huling hininga. Amin ding pinagpupugayan ang mga aktibistang namartir na puspusang nakipamuhay at inalam ang kalagayan ng batayang uri upang isulong ang kanilang karapatan at kagalingan.
Kami rin ay nakikiramay sa bawat pamilya ng mga namartir. Hindi madali ang mawalay sa ating mga mahal sa buhay, kaya isa itong malaking sakripisyo na ginawa ng ating mga dakilang kasama upang tanganan ang armas at palayain ang sambayanan mula sa dayuhang pananamantala. Kasama ninyo kami sa pagkakamit ng katarungan para sa mga namartir ninyong kamag-anak, at hindi tayo titigil hangga’t hindi natin ito nakakamtan.
Bilang kumander ng mga pulang mandirigma, malaki ang papel ni Roger “Ka Tapang” Fabillar sa pagpapasulong ng armadong pakikibaka sa hilagang bahagi ng Negros. Katimbang niya sina Rene “Ka During” Villarin Sr., Maria Clarita “Ka Sanim/Pat” Branzuel Blanco, Genevieve “Ka Raia” Balora, Arnel “Ka JR”Javoc, Pedro “Ka Regen” Bonghanoy, Joros “Ka Bunso” Caramihan, Sonny Boy “Ka Nikki” Caramihan, Labskie “Ka Judy” Purisima Enustacion, at Jocel “Ka John Paul” Gimang. Bilang mga Pulang mandirigma ng hukbong bayan, direkta silang lumalahok sa produksyon ng mga magsasaka, nagsasagawa ng mga talakayan tungkol sa karapatan ng mga pinagsasamantalahan, at nagbibigay ng mga serbisyong sosyal sa mamamayang Negrosanon. Kabi-kabila ang nailunsad na mga taktikal na opensiba ng larangan na nagkumpiska ng iba’t-ibang kagamitang militar at naglagas sa pwersa ng mga pasistang AFP at PNP. Sa kanilang tulong ay nakapagpalawak din ng erya ang yunit at nakapagrekober ng mga eryang matagal nang nabakante.
Kabilang sa 19 na buhay na nawala, ang 9 na di armado na sina: RJ Ledesma, Alyssa Alano, Errol Wendel, Maureen Keil Santuyo, Kai Sorem, at Lyle Prijores, na pawang mga aktibistang nagtatanggol sa karapatan ng mga magsasaka. Kabilang din sina Roel Sabillo at ang dalawang menor-de-edad na nasawi na mga lokal na residente ng Toboso at Calatrava na pinatay ng AFP, at ngayo’y pinararatangang mga “child warriors” upang pagtakpan ang karumaldumal nilang pasistang krimen.
Abot-langit ang mga kasinungalingang pinapakalat ng AFP, partikular na ng 79th IB. Sa mahabang kasaysayan ng AFP hinggil sa paglabag sa karapatang pantao at International Humanitarian Law (IHL), hindi nila pinag-iiba ang armado, hors de combat, at mga sibilyan. Para sa kanila, ang sinumang lumalaban para sa kanilang karapatan ay wala nang pinagkaiba sa pagiging NPA. Patunay rito ang pagmasaker nila sa binansagang Sagay 9 na mga magsasakang nagbubungkalan at ibinalandra nila bilang mga NPA.
Amin ding inililinaw na ang NPA ay mahigpit na sumusunod sa Batas ng Digma at hindi nagrerekrut ng mga edad 17 pababa. Mahigpit din na iginagalang ng NPA ang karapatan ng mga Prisoners of War (POW) at non-combatanat, taliwas sa kasuka-sukang praktika ng AFP na tahasang nilalabag ito. Naglipana sa social media ang video ni Ka Tapang na kuha mula sa drone footage na nasa palaisdaan na at walang armas na dala. Imbes na dakpin alinsunod sa International Humanitarian Law (IHL), pinatay ng 79th IB ang pulang mandirigma nang walang kalaban-laban.
57 na taon nang tinatangka ng mga reaksyonaryong pwersa na puksain ang armadong paglaban ngunit hindi magawang ugatin ito. Habang lumalala ang pandaigdigang krisis, mas lalong naitututak ang sambayanan sa isang kondisyon kung saan ang tanging pagpipilian na lamang nila ay ang pagtangan sa rebolusyonaryong dahas upang ipagtanggol ang sarili at kapwa. Hindi kailanman magagap ng mga pasistang sundalo at kanilang mga amo na hangga’t mayroon pang masa na nasasadlak sa kahirapan ay tiyak na susulong ang digmang bayan.
Saludo kami sa mga bawat isang Pulang mandirigma na buong giting na isinapraktika ang makauri at hindi magagaping diwa ng Bagong Hukbong Bayan! Nananawagan at patuloy kaming kikilos at magpapalakas upang makamtan ang hustisya para sa lahat ng biktimang pinaslang ng reaksyonaryong estadong US-Marcos Jr., ng berdugong 79th Infantry Battalion at buong Armed Forces of the Philippines!
Namatay man ang pisikal nilang katauhan ngunit ang kanilang legasiya ay patuloy na nabubuhay sa bawat luha, pawis, at dugong dumadaloy sa masa. Sila ang mga binhi, tubig, at sinag ng araw na higit lalong nagpayabong sa mga inaaning tagumpay ng rebolusyon sa isla ng Negros at buong bansa. Ang mga pala na kanilang binitawan ay tatanganan nating mga naiwan upang ituloy ang pagpapatag sa tatlong pahirap na bundok ng imperyalismo, burukrata kapitalismo, at pyudalismo na ngayo’y hindi na matatayog.
Ang kanilang kamatayan ay kasimbigat ng bundok Kanlaon. Silang mga nag-alay ng buhay para sa kalayaan ng masang anakpawis ay habambuhay nating pagpupugayan at itatanghal bilang mga bayani at martir ng sambayanan!
The post Pulang Saludo sa Toboso 19! Mga Martir ng Sambayanan, ang kamatayan niyo’y simbigat ng Kanlaon! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

