Ngayong Mayo 1, nagpupugay ang Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan sa uring manggagawa at iba pang uring anakpawis na nagpupunyagi sa kanilang pakikibaka para sa sahod, trabaho at karapatan. Binabati namin ang matatagumpay na mga pagkilos ng uring manggagawa sa rehiyon at buong bansa kung saan nagkamit sila ng mga ganansyang pang-ekonomya’t pampulitika. Ganundin, binabati namin ang iba pang seksyon ng mga manggagawang habang hindi pa nagtatagumpay sa kanilang pakikibaka ay matatag ang determinasyong bigkisin ang kanilang hanay para labanan ang mapang-aping kapitalistang sistema. Malaki ang hamon sa kasalukuyang rebolusyonaryong kilusang manggagawa upang umalpas sa lahat ng balakid na nagtatali at nagkukupot sa kanilang pakikibaka sa usaping pang-ekonomya at tanganan ang kanyang tungkuling manguna sa pagwasak sa tanikala ng pang-aaliping hatid ng pandaigdigang sistemang kapitalismo.

Gamitin nating okasyon ang ika-123 taon ng pag-alaala at pagdiriwang sa istorikong papel ng pakikibaka ng manggagawa para alalahanin, dakilain at pagpugayan ang mga rebolusyonaryong bayani at martir ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa sa rehiyon at buong bansa. Alalahanin natin sina Diosdado “Ka Fort” Fortuna, Verleen Trinidad, Dandy Miguel at marami pang iba na walang pag-iimbot na inialay ang kanilang buhay hindi lamang para sa kapakanan at interes ng kanilang uri kundi ng buong aping sambayanan. Panatilihin nating buhay at pula ang kanilang alaala at pamana sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagtangan sa ating tungkuling pamunuan ang pakikibaka ng sambayanan sa pamamagitan ng pinakaabanteng destakamento ng uring manggagawa, ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Sa okasyong ito, habang ipinagdiriwang ang makasaysayang pakikibaka ng uri laban sa imperyalismo at mga lokal na reaksyon, papag-alabin at lipusin natin ang ating sarili ng proletaryong diwa at paninindigang paglingkuran ang sambayanan. Dinaranas ng uring manggagawa at ng sambayanang Pilipino at buong daigdig ang labis na kahirapan at karahasan bunga ng sabwatan ng mga pinakasad-saring oligarkiya sa pinansya, mga monopolyo kapitalista sa daigdig na kinakatawan ni Trump at ng imperyalismong US at ng lokal na malalaking burgesya-kumprador-panginoong maylupa’t mga burukrata-kapitalista. Sa gitna ng hambalos ng imperyalismo na nagdadala ng pinakamatinding kahirapan at kaapihan sa mamamayan ng buong daigdig, sinasapo ng uring manggagawa ang pinakamatinding pagsasamantala at pang-aapi. Lalong binabarat ang kanilang arawang sahod, laganap ang iskema ng kontraktwalisasyon at iba’t ibang anyo ng pleksibilidad sa paggawa para sa labis na pagpiga ng supertubo ng mga monopolyo kapitalista. Kasabay nitong ipinatutupad ang samutsaring paraan at anyo ng panunupil sa demokratikong karapatan ng mga manggagawa para pigilan silang makibaka para sa kanilang pang-ekonomya at pampulitikang interes. Ang unyon at welga na tanging sandata ng mga manggagawa sa loob ng mga pagawaan at engklabo ay sistematikong winawasak at sinusupil.

Sa gitna ng pag-igting at pagkalat ng imperyalistang gera sa buong daigdig, maraming lokal at migranteng manggagawa ang nawawalan ng hanapbuhay. Samantalang ang mga nakakapanatili ay nanganganib mawalan ng hanapbuhay anumang oras. Sinasamantala ng monopolyo kapitalista ang krisis na nililikha ng kabi-kabilang pandidigma ni Trump para lalong pagsamantalahan ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga neoliberal na iskemang lalong magtatali sa kanila sa mas mahirap na kalagayan at walang-katapusang pagkaalipin.

Walang pagpapahalaga sa buhay, sinasamba ng mga monopolyo kapitalista sa pangunguna ni Donald Trump ang kapital kaya habang tumitindi ang sariling krisis na nararanasan, lalo itong nagiging agresibong gawin ang lahat ng maaari para lamang sa paghahari ng kapital at tubo—sa kapinsalaan ng mamamayan ng buong daigdig, laluna ng uring manggagawa. Lalong inilalantad ng kasalukuyang delubyong hatid ng imperyalistang dominasyon sa buong daigdig kung bakit dapat itong labanan at ibagsak. Nasa kamay ng uring manggagawa sa Pilipinas at buong daigdig ang pangunguna sa paglaban sa monopolyong burgesyang walang-katapusan ang pagkauhaw sa labis na halaga upang palaguin at palawakin ang kapital na bumubuhay sa kanya.

Sa Pilipinas, ipinatutupad ang iskemang four-day work week at nagiging sangkalan ang krisis para ipagkait ang hinahangad na dagdag-sahod ng mga manggagawa habang walang ampat ang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Ayon sa mga pag-aaral, ang minimum na sahod sa CALABARZON na ₱600 ay katumbas na lamang ngayon ng ₱450—lubhang malayo sa itinakda ng IBON Foundation na family living wage na ₱1,192. Samantala, sa MIMAROPA, ang ₱455 na minimum na sahod (hindi pa tunay na halaga nito) ay mas malayo sa ₱1,272.

Walang aasahan ang mga manggagawa at sambayanan sa rehimeng US-Marcos II na hanggang ngayon ay manhid sa hinaing ng taumbayan. Habang hilahod ang mamamayan sa paghahabol sa napakataas na pamantayan para mabuhay (standard cost of living), naglulunoy si Marcos II at mga kasapakat nya sa limpak-limpak na pondong ninanakaw sa taumbayan. Kasabay nito ang milyun-milyong tubong tinatabo ng mga monopolyo kapitalista at lokal na kartel ng langis na ni hindi man lamang makanti ng rehimen para maglaan ng kanilang labis na kita para pagaanin ang pasanin ng taumbayan. Bingi at bulag ang rehimen sa hinaing ng taumbayan na tanggalin ang VAT at excise tax sa langis at ibasura ang oil deregulation law na napakalaking pumapatong sa presyo ng langis dahilan ng lalung pagtaas ng presyo nito. Sa halip, lalong nangangayupapa si Marcos II sa imperyalismong US sa anyo ng mga bagong proyekto ng US at pagpapaigting ng presensyang militar, pasilidad at aktibidad nito sa bansa na nagsusubo sa bayan sa mas matinding mga kahirapan sa hinaharap.

Nakatambad ngayon sa masang manggagawang Pilipino at iba pang uring anakpawis ang lahat ng dahilan para mag-aklas at makibaka. Sa harap ng inutil na estadong walang pagpapahalaga sa kanyang mamamayan sa halip ay lumuluhod sa imperyalistang panginoon, walang ibang dapat gawin ang mga manggagawa kundi magbigkis at magkaisa para isulong ang kanilang mga demokratikong kahilingan at interes. Sa labas ng mga pabrika at engklabo, dapat silang makipag-aralan sa iba pang mamamayan sa loob ng kanilang komunidad, sa papalaking masa ng mala-manggagawa laluna sa mga drayber na pangunahing apektado ang kabuhayan ng pagsirit ng presyo ng langis, sa mga kabataang-estudyante, kababaihan at iba pang uri at sektor sa kalunsuran. Ganundin, kailangang isanib ng uring manggagawa ang kanyang pakikibaka sa laban ng uring magsasaka sa kanayunan para buuin ang bag-as ng mas malaking pwersang magbibigkis sa buong bayan para isulong ang pambansang kalayaan at demokrasya.

Dapat ubos-kayang isulong ng manggagawa ang kanilang mga laban para sa mas mataas at nakabubuhay na sahod, trabaho at seguridad sa trabaho, karapatang mag-unyon at magwelga, paglaban sa kontraktwalisasyon at iugnay nito sa kasalukuyang laban ng bayan para sa lupa, edukasyon, karapatan at hustisyang panlipunan. Sa ngayon, dapat humanay ang mga manggagawa kakapit-bisig ang iba pang aping uri laban sa imperyalistang gera at krisis na resulta nito.

Kailangang sapulin ng mga manggagawa na ang kanilang pakikibaka para sa sahod, kabuhayan at karapatan ay karugtong ng pakikibaka ng iba pang uri para labanan ang mapang-aping sistema sa Pilipinas na kinukukubabawan ng pandaigdigang galamay ng imperyalismo. Kung gayon, ang kanilang pakikibaka laban sa pang-aapi at pagsasamantala ay hindi lamang nakakupot sa loob ng pagawaan, kundi pakikibaka laban sa institusyunalisadong sistemang pinatatakbo ng burgesyang nasa tuktok ng lipunan. Kailangan itong dalhin sa labas ng pagawaan, sa mga lansangan at sa harap ng sentrong luluklukan ng kapangyarihang pang-estado para yanigin ang buong reaksyunaryong sistema. Dapat umalpas ang mga manggagawa sa mentalidad at praktika ng kanin-isda at dilawang unyonismo na isinusubo ng mga tradisyunal, sosyal-demokratiko, pseudo-sosyalista at mga bagong aristokrata sa pagggawa. Kaakibat nito, dapat labanan ang repormismo at lahat ng anyo nito na naglilihis sa uring manggagawa sa tunay na solusyon sa suliraning kinakaharap ng lipunang syang nagpapahirap sa kanila.

Kailangang imulat at itaas ng mga mangggagawa ang kanilang pampulitikang kamalayan para unawain, sapulin at gagapin ang kanilang istorikong misyong palayain ang sangkatauhan at sariling uri sa lahat ng tanikala ng pagsasamantala at pang-aapi. Sa ganito lamang nila magagawang pangunahan ang hanay ng pakikibakang bayan para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

The post Uring manggagawa, hawakan ang sulo ng pakikibakang bayan laban sa imperyalistang gera at krisis! Isulong ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.