Ang Rebolusyonaryong Konseho ng mga Unyon sa Paggawa-Pambansang Nagkakaisang Prente-Laguna (RCTU-NDF-Laguna) ay nagpapaabot ng pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng mga proletaryo ng mundo sa ika-123 taong araw ng paggawa sa Pilipinas. Sa gitna ng lumalalang mga kondisyong pang-ekonomiya at pampulitika dahil sa nabubulok na yugto ng monopolyong kapitalismo, panahon na upang palakasin ang ating hanay at sumulong sa ating proletaryong rebolusyon bitbit ang ibayong lakas, mas mataas na pananaw sa pulitika, at hindi natitinag na paninindigan laban sa mga sakripisyo at kahirapan—sa pamamagitan lamang nito magkakamit ang ating hanay ng malalaking tagumpay.

Sa araw na ito, pagpugayan natin at alalahanin ang buhay at sakripisyo ng ating mga bayaning manggagawa na inialay ang kanilang angking talino, at natatanging buhay para sa kapakanan ng inaaping uri at laban sa mapang-aliping sistemang sahuran. Sa araw na ito, muli nating itaas ang ating mga kamao, at baybayin ang mga hamong ating kinakaharap sa kasalukuyan.

Ang Mayo Uno ay hindi lamang isang selebrasyon; ito ay isang simbolo ng pakikibaka para sa karapatan at dignidad ng mga manggagawa. Isa itong mahalagang araw na nag-ugat mula sa makasaysayang pagkilos sa anyo ng WELGA ng mga manggagawa sa Chicago noong Mayo 1886, kung saan lumaban sila at nagbuwis ng buhay para sa mas makataong kondisyon sa trabaho at paggigiit ng walong oras na pagtatrabaho. Ang kanilang sakripisyo at katatagan ang nagbigay-daan sa pagkilala sa mga karapatan ng manggagawa sa buong mundo.

Sa Pilipinas, naganap ang unang pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa noong Mayo 1, 1903. Inorganisa ito at pinangunahan ng Union Obrera Democratica de Filipinas, ang unang labor federation sa bansa. Itinataguyod nito ang mga karapatan ng lakas-paggawa habang kolonyal ang bansa at nasa ilalim ng pang-aalipin ng mga Amerikano ang Pilipinas. Mahigit 100,000 na manggagawa ang nagmartsa mula sa Plaza Moriones sa Tondo patungong Malacañang upang hilingin ang ganap na kalayaan; habang sumisigaw ng paglaban at kamatayan sa Imperyalismong Amerikano. Mula noon, naipagtagumpay ng manggagawa sa Philippine Assembly ang isang panukala na ginawa ang unang araw ng Mayo (Mayo Uno) na Araw ng Paggawa, at isang pambansang pista opisyal sa Pilipinas.

Sa lalawigan ng Laguna ng rehiyong Timog Katagalugan, naganap ang kauna-unahang pagdiriwang ng Mayo Uno noong 1979 sa syudad ng San Pablo sa Laguna. Daan-daang manggagawa mula sa mga pagawaan ng desikadura ang nagtipon-tipon, at lumahok upang ipaglaban ang makatarungang pasahod at pagkilala sa karapatang mag-unyon.

Nagkamit ng makabuluhang tagumpay ang pagsasama-sama, at pagkilos ng manggagawa para sa disenteng trabaho at kanilang karapatan. Ngunit sa kabila ng mga tagumpay na ito, patuloy pa ring nahaharap sa mga hamon, lalo na sa epekto ng pandaigdigang krisis sa trabaho at kabuhayan. Maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho, at ang mga manggagawa ay nahaharap sa mas mababang sahod at mas masahol na kundisyon sa trabaho.

Sa kasalukuyan, ang monopolyong kapitalismo ay umabot na sa kanyang pinakamataas at nabubulok na yugto, kung saan ang mismong pagkaganid nito ay nagdulot ng mas malalim at mapaminsalang krisis, na mas masahol pa sa Dakilang Depresyon ng dekada 1930. Nagaganap sa kasalukuyan ang pinakamasamang epekto ng pagkaganid sa tubo at kapangyarihan ng malalaking Imperyalistang kapangyarihan gaya ng Estados Unidos.

Kamakailan lang, sinalakay ng US at Zionistang estado ng Israel ang Iran para agawin ang rekurso ng langis nito at kontrolin ang Strait of Hormuz, ang makipot na karagatan sa pagitan ng Iran at Oman, palabas sa Indian Ocean. Bahagi ang pananalakay ng mas malawak na layunin ng imperyalistang US na ipataw ang hegemonya nito sa buong Middle East. Ang Iran ang pangatlong may pinakamalaking reserba ng langis, kasunod sa Venezuela (#1) at Saudi Arabia (#2). Sa Iran at Venezuela pangunahing bumibili ng langis ang China, ang nangungunang imperyalistang karibal ng US.

Dahil dito, kagyat at pangmatagalan ang epekto ng gera sa ekonomiya ng Pilipinas. Lubos na umaasa ang Pilipinas sa imported na langis mula sa pandaigdigang merkado para sa mga pangangailangan nito sa transportasyon, produksyon at paglikha ng enerhiya. Malaking bahagi ng inaangkat (60%-65%) ay sa anyo ng repinadong langis na binibili pangunahin sa China, kasunod sa South Korea at Singapore. Samantala, 35%-40% sa pambansang konsumo ang inaangkat na krudong langis, pangunahin sa Saudi Arabia, ng nag-iisang plantang nagrerepina nito sa bansa.

Mabilis ang pagsirit ng presyo ng langis sa Pilipinas dahil ito ay kontrolado ng mga sakim sa tubo na malalaking kartel sa langis. Sinasamantala nila ang batas sa deregulasyon ng industriya ng langis na nagbibigay sa kanila ng buong laya na itakda ang presyo ng bentahan na walang pananagutan o sagutin. Dahil dito, awtomatikong ipinapasa ng mga lokal na subsidyaryo ng dayuhang kumpanya ng langis sa Pilipinas (Shell, Caltex, Total) at malaking kumpanyang burges komprador ang pinalobong presyo ng langis sa mga Pilipinong konsyumer. Sa kasalukuyan, umaabot na sa ₱130.00 ang kada litro ng diesel, ₱97-₱98 naman ang kada litro ng gasolina, kasabay nito ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan katulad ng pagkain, tubig, at kuryente.

Samantala, dapat ilantad at batikusin ng sambayanang Pilipino ang papet na rehimeng Marcos Jr sa pagtanggi nitong kundenahin ang panggegera ng US at Zionistang estado ng Israel sa Iran. Ang kanyang hindi pagkibo, at kawalang aksyon ay naglalantad sa kanyang labis na kainutilan. Gayundin, tiba-tiba, at patuloy na pinagkikitaan ng pangkating Marcos Jr na kasabwat ng malalaking kompanya ng langis ang malaking buwis sa langis sa anyo ng VAT at Excise Tax lalo na kapag sumirit ang presyo nito sa merkado.

Ang hindi maiiwasan at hindi mapapasubalian na katotohanang ito ay naglagay sa mga manggagawa sa buong daigdig upang maranasan ang pinakamasahol at hindi makatuwirang mga kundisyon sa pagtatrabaho, maubligang tanggapin ang barat na sahod, at malupit na pang-aapi sa kanilang karapatan.

Sa Pilipinas, gaya na lamang sa probinsya ng Laguna, maraming manggagawa ang tumatanggap ng sahod na hindi sapat, iba-iba ang halaga at walang kakayanan na matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, ang sahod ng manggagawa sa probinsya ay nananatiling nakapako sa napakababang ₱508.00-₱600.00. Maraming manggagawa ang nasa ilalim ng kontraktwalisasyon, na nagdudulot ng kawalang-kasiguraduhan sa kanilang trabaho. Ang mga ‘ENDO’ o end-of-contract schemes ay nagiging dahilan ng napapabayaan at hindi pantay-pantay na mga benepisyo. Samantala, sa kabila ng ating karapatan na mag-organisa at bumuo ng mga unyon, patuloy tayong nakakaranas ng paglabag sa ating mga karapatan.

Sa halip na proteksyunan ng estado ang karapatan ng manggagawa, patuloy nitong binubusog ang mga tauhan ng NTF-ELCAC na pangunahin ay binuo para supilin ang manggagawang nag-oorganisa para sa kanilang karapatan at sa isang banda ay proteksyunan ang iteres ng kapital. Hindi pa ito nagkasya, at nagtayo pa ito ng sariling pederasyong SAHUD upang gamitin sa panlilinlang sa manggagawa sa kapakinabangan ng kapital. Ang pagsugpo sa mga unyon at ang pananakot sa mga lider ng manggagawa ay nagiging hadlang sa mga hangarin ng manggagawa para sa mas maayos na kondisyon sa trabaho.

Sa kabila ng mga hamong ito, kailangang ipaalala sa lahat na hindi tayo nag-iisa. Ang pagkakaisa at sama-samang pagkilos ang susi sa ating laban. Ang bawat hakbang patungo sa pagkamit ng ating mga karapatan bilang manggagawa ay isang hakbang patungo sa mas magandang kinabukasan. Kaya’t panawagan sa lahat ng manggagawa, na patuloy na mag-organisa at lumaban para sa makatarungang sahod, kasiguraduhan sa trabaho, at paggalang sa ating karapatang mag-unyon. Huwag tayong matakot na ipahayag ang ating mga hinaing. Sa ating pagkakaisa, makakamit natin ang ating mga layunin.

Bagamat tama lamang na manawagan ng mas mataas na sahod at permanenteng trabaho sa pamamagitan ng regularisasyon, hindi sapat ito upang wakasan ang nabubulok na sistemang monopolyo kapitalismo. Mayroong malaking pangangailangan para sa mas mataas na pulitikal na mga panawagan na naglalayong isulong ang radikal na reporma, ganap na pangangailangan na bumuo ng mga rebolusyonaryong unyon, at isang walang kondisyon na panawagan para sa mga proletaryo na magkaisa at pangunahan ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas tungo sa sosyalismo.

Hangga’t mayroong imperyalismo na nananakop at naghahari sa mundo, ang mga manggagawa ay nakatakdang magdusa mula sa pagsasamantala, krisis, at pang-aaping suportado ng estado. Ang ating tungkulin ay pagsama-samahin ang ating hanay, pangunahan ang rebolusyon tungo sa tagumpay, at itatag ang diktadura ng proletaryo kung saan ang mga mamamayan ay tunay na makikinabang mula sa mga pambansang industriya na hindi kontrolado ng mga kapitalista, at tunay na pag-unlad pang-ekonomiya na dulot ng nasyonal na agrikultura.

Dapat mabatid ng mga manggagawang Pilipino na ang malakolonyal at malapyudal na sistemang kinukubabawan ng imperyalismo na ugat ng napakababang sahod at pang-aalipin sa kanyang uri ay matatransporma lamang sa pamamagitan ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. Kung gayon, nararapat tayong makiisa at iugnay ang ating pakikibaka sa sahod at karapatan sa paggawa sa pakikibakang anti-pyudal ng malawak na masang magsasaka at kapwa itaas ito sa anti-imperyalistang pakikibaka. Higit sa lahat, kailangang yakapin ng manggagawa ang armadong pakikibaka bilang esensyal na sandata sa pagpapalaya sa sambayanang Pilipino mula sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Kung laksa-laksang manggagawa ang lalahok sa armadong pakikibaka, sasampa sa New People’s Army, at mamumuno rito, tiyak na magkakamit ng malaking igpaw pasulong ang rebolusyong Pilipino.

Hinog ang kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas at sa buong daigdig upang ibayong pasikarin ang kilusang paggawa. Ang pagpapataas ng proletaryong pananaw at paninindigan ng mga manggagawa at pagyakap nila sa kanilang dakilang tungkulin bilang mga hukbong mapagpalaya ay susi sa pagtatagumpay ng rebolusyon, pagtatatag ng diktadura ng proletaryado, hanggang sa ganap na pagpawi ng pagsasamantala ng tao sa tao!

Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!

Mabuhay ang RCTU-NDFP!

Mabuhay ang uring manggagawa!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

The post Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa! Labanan ang gyerang agresyon ng Imperyalismong US! Isulong ang proletaryong rebolusyon hanggang sa tagumpay! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.