Sinalubong ng protesta ng mga Filipino-American na estudyante ng University of California, Berkeley ang pagdalo ng mga tauhan ng konsulado ng Pilipinas sa isang lektura sa kanilang pamantasan noong Abril 22. Kinundena nila ang kriminal na kapabayaan ng konsulado ng Pilipinas sa mga Pilipinong ikinulong ng Immigration and Customs Enforcemnt (ICE), habang bukas-palad itong nagbigay ng $7,000 sa UC Berkeley Institute for East Asian Studies.

Dumalo sa aktibidad sina Deputy Consul General Maria Paz Cortez, Head of Assistance to Nationals Section, Consulate General Arnel Talisayon, Vice Consul Marc Benigno, head of Political Sector, Vice Consul Hannah Go, head of public information section at Vice Consul Glaiza Quarteros, head of Cultural and Community Section.

Inilunsad ng League of Filipino Students-UCB, Gabriela Berkeley, Pilipinx Academic Student Services (PASS), Pilipinx American Alliance (PAA) at PCN ang protesta. Kinumpronta nila ang mga upisyal ng konsulado sa sadyang pagpapabaya sa mga Pilipinong biktima ng detensyon. Anila, ang daming dumalo na tauhan sa lektura pero hindi sila mahagilap at walang humaharap sa mga humihingi ng tulong sa konsulado.

Ayon sa mga grupo, dapat napunta ang pondo sa mga biktima ng detention ng ICE sa halip na ibinigay ito sa isang institusyon ng isa pinakamayamang pamantasan sa US. Ang pera ay ginamit para pondohan ang isang lektura tungkol sa Pilipinas sa loob ng unibersidad.

Noong Setyembre 2024, nagbigay din ang konsulado ng Pilipinas sa San Francisco ng P1 milyon ($17,000 noong panahon na iyon) sa Southeast Asian Studies ng UC Berkeley para pondohan ang isa lamang na lektura. Noong Enero, nagbigay ang konsulado ng P430,000 ($7,136) para sa isang lektura ng Ayala Foundation. Ang UC Berkeley ay isang pampublikong institusyon, may sapat na pondo, ngunit tumatangap pa rin ng pera mula sa dayuhang mga gubyerno.

Kabaliktaran sa paglulustay ng pondo ng bayan sa mga lekturang ito, patuloy na ipinagkakait ng konsulado sa mga Pilipinong migrante ang pondong nakalaan para sa kanila. Sadyang walang pondong ibinibigay ang konsulado sa mga migrante na nasa detensyon, humihingi ng tulong para makauwi o biktima ng pagnanakaw ng kanilang sahod. Kung meron man, hindi sapat ang ibinibigay sa mga migrante, ayon sa mga grupo.

Noong 2024, nilaanan ang Department of Foreign Affairs ng P1.3 bilyon pondo para sa Assistance to Nationals. Ayon sa mga ulat, 58% lamang o P775 milyon ang naibigay sa mga migrante.

Kinundena rin ng mga nagprotesta ang kapabayaan ng gubyerno ng Pilipinas sa pagtugon sa krisis sa ekonomya at ang Balikatan war exercises na nagaganap ngayon sa bansa. Anila, sa halip na tugunan ang matinding krisis at kahirapan na nararanasan ng mga manggagawa at magsasaka, inilaan ng gobyerno ang pondo at langis sa walang saysay na military exercises na walang ginagawa kundi mag-udyok ng gera laban sa China.

The post Mga Pilipinong estudyante sa US, kinundena ang pagbisita ng konsulado ng Pilipinas sa kanilang pamantasan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.