Pumutok ang galit ng maraming konsyumer ng Meralco matapos ianunsyo ng kumpanya ang dagdag-singil na ₱0.53/kwh para sa Abril. Marami na ang nagulat sa biglang laki ng kanilang bill para sa Marso, na dumoble, at sa ilang kaso ay naging triple sa karaniwan nilang binabayaran. Magkasunod nang itinaas ng Meralco ang singil nito sa Pebrero (+₱0.2226) at Marso (+₱0.6427), at muli pang itinaas ngayong Abril (+₱0.5335). Sa ngayon, nasa ₱14.3496/kwh ang singil ng kumpanya, mula sa ₱12.9508/kWh noong Enero. Mula Enero hanggang Abril, nagdagang ng ₱279.76 at papalo na sa ₱2869.92 ang singil ng kumpanya sa isang pamilyang kumukonsumo ng 200kwh kada buwan.

Buwan Presyo (₱/kWh) Dagdag (₱/kWh)
Enero 2026 12.9508
Pebrero 2026 13.1734 +0.2226
Marso 2026 13.8161 +0.6427
Abril 2026 14.3496 +0.5335

Idinadahilan ng Meralco ang pagtaas ng generation charge na dulot diumano ng pagbagsak ng halaga ng piso kontra sa dolyar. Babala nito, hindi pa kasama sa kalkulasyon ang pagtaas ng presyo ng petrolyo, na isa sa ginagamit na panggatong sa mga plantang nagpoprodyus ng kuryente. Ibig sabihin, itataas pa ng kumpanya ang singil sa hinaharap.

Pero ayon sa Ibon Foundation, higit sa mga paghina ng piso at pagtaas ng petrolyo ang kainutilan ng estado na rendahan ang Meralco at iba pang kumpanya sa kuryente na walang pakundangang magtaas ng singil, lalo sa panahon ng matinding krisis. Pinuna nito ang Electric Power Industry Reform Act (Epira), ang neoliberal na batas na ipinasa noong 2001, na nagtanggal sa regulasyon ng estado sa industriya ng enerhiya. Binigyan-laya ng batas na ito ang mga kumpanya tulad ng Meralco na arbitraryong magtaas ng singil at ipasa sa konsyumer ang lahat ng dagdag-gastos para di maapektuhan ang kanilang kita.

Katulad sa mga kumpanya ng langis na nagkakamal ng yaman sa harap ng krisis sa langis at ekonomya, limpak-limpak rin ang nakokopong kita sa industriya ng kuryente na pinaghaharian ng ilang malalaking kumpanya. Labingwalo sa 20 pinakamalalaking kumpanyang lumilikha ng kuryente (generation companies o gencos) ay pagmamay-ari ng 5-7 bilyonaryong Pilipino. Isa sa mga genco na ito ang Meralco PowerGen (MGEN), na pagmamay-ari ng kumpanyang nagpapatakbo rin ng Meralco.

The post Taas-singil ng Meralco sa serbisyong kuryente, ikinagalit ng mga konsyumer appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.