Bumoto ang Committee on Justice ng Kongreso nang 53-0 noong Abril 29 para ideklarang mayroong “probable cause” o sapat na batayan ang kasong impeachment laban kay Vice Pres. Sara Duterte. Naganap ang botohan matapos ang lagpas dalawang buwang deliberasyon ng komite.

Ginamit na batayan ng kongreso ang pangalawa at pangatlong inihain na reklamong impeachment na pinag-isa nito sa sumusunod na “article”:

  1. malalang pagbabanta/pagpaplano ng assasinasyon: Nakapailalim dito ang pampublikong mga banta ni Duterte na papatayin o ipapapatay niya si Ferdinand Marcos Jr, kanyang asawa na si Liza, at dating House Speaker Martin Romualdez.
  2. maling paggamit at malversation (korapsyon) ng confidential funds: Bahagi dito ang iligal at maling paggamit sa ₱612.5 milyong confidential/intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) noong siya ay kalihim ng kagawaran.
  3. di maipaliwanag na yaman/kaduda-dudang mga transaksyon sa bangko: Bahagi nito ang nabunyag na mga transaksyon sa iba-ibang bangko ng halagang ₱6.7 bilyon na may kaugnayan kay Duterte at kanyang asawa na si Mans Carpio. Ang mga transaksyon ay kinumpirma sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council.

Nakatakdang pagbotohan sa plenaryo ng Kongreso ang reklamo sa Mayo 4. Kung boboto para rito ang 1/3 ng mga kongresista, upisyal itong ihahapag sa Senado para sa pormal na paglilitis. Sa panig ng Senado, nangako ang presidente nitong si Tito Sotto na agad niyang aaksyunan ang reklamo oras na dumating ito sa Senado. Taliwas ito sa ginawa ng dating presidente ng Senado na si Chiz Escudero na ibinalam ang reklamo hanggang tuluyan itong ibinasura noong 2025.

Ikinatuwa ng Makabayan Bloc, isa sa mga aktibong nagtulak para sa impeachment, ang naging desisyon ng komite. Sa araw ng botohan, naglunsad ng protesta ang mga myembro ng Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna at iba pang mga organisasyon para ipanawagan ang pagpapanagot kay Duterte sa kanyang pandarambong sa kaban ng bayan.

The post Impeachment ni Sara Duterte, umusad na sa kongreso appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.