Sa mabilis na pangyayari, inianunsyo ng International Criminal Court (ICC) noong Abril 28 ang pagbubuo ng Trial Chamber III at mga huwes na bubuo nito para sa pormal na paglilitis kay Rodrigo Duterte. Ito ay matapos ang magkasunod na desisyon kaugnay sa hurisdiksyon ng korte sa kanyang mga kaso noong Abril 22 at kumpirmasyon ng mga sakdal laban sa kanya noong Abril 23.

Ang Trial Chamber III ay bubuuin nina Judge Joanna Korner ng United Kingdom, Judge Keebong Paek ng South Korea, at Judge Nicolas Guillou ng France. Binuo ang korte noong Abril 24, pero inianunsyo lamang noong Abril 28. Ang korteng ito ang didinig sa kaso, sisiyasat sa ebidensya at hahatol kung may sala o wala si Duterte. Sa mga pagdinig na ito, obligado na siyang humarap sa mga huwes at biktima.

Ayon kay Atty. Kristina Conti, isang rehistradong assistant to counsel sa ICC, ang susunod na mga hakbang ay ang paghahanda ng mga abugado ng depensa, prosekusyon at mga abugado na kakatawan sa mga biktima.

Aniya, matagal nang hinihintay ng mga pamilya ng biktima ang hakbang na ito. Idinagdag niya na ang paglilitis ay isang “mahabang proseso” na mahalaga para palabasin ang katotohanan sa “gera kontra droga” ng dating rehimeng Duterte.

The post Korte ng ICC na lilitis kay Duterte, binuo na appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.