Mariing kinundena ng Kilusang Mayo Uno (KMU)-Southern Mindanao ang marahas at di makataong pagpapalayas ng mga pulis at tauhan ng lokal na gubyerno ng Davao City sa mga manininda ng Bankerohan Public Market noong Abril 29.

Sa ngalan ng “road clearing operation” sa Marfori Street sa Barangay 5-A, pinagkukumpiska ng mga pulis ang mga ibinebenta ng mga manininda. Ang operasyon ay bahagi ng kampanyang D.A.V.A.O. (Discipline, Action, Virtue, Accountability, and Order) na para diumano sa “kaayusan at kontra-kriminalidad.”

Ayon sa KMU-SMR, ang walang awang pagkukumpiska sa mga paninda ay nagpapakita ng kawalang pakialam ng lokal na gubyerno sa maliliit na manininda at kanilang kabuhayan. Anito, ang mga maninindang ito ay araw-araw na nagbabayad ng arkabala o market fee at upa pero hindi sila binibigyan ng tamang pwesto at espasyo sa merkado.

“Ang mga manininda sa Bankerohan ay hindi mga kriminal. Sila ay mga manggagawa — mga ina, ama, at tagapagtaguyod ng pamilya — na nagsisikap kumita para mapakain ang kanilang mga pamilya,” pahayag ng grupo.

“Ang kilos ng demolition team ay repleksyon ng brutal at walang pakikiramay na pamamahala ng lungsod sa mahihirap,” ayon kay Jeffry Uypala, tagapagsalita ng KMU-SMR.

Binigyang-diin ng KMU-SMR na nangyayari ang insidenteng ito sa gitna ng lumalalim na krisis sa ekonomya. Hinaharap ng mga Dabawenyo ang matataas na presyo ng gasolina, hirap makapalaot ang mga mangingisda, at patuloy na bumabagsak ang kalidad ng buhay sa syudad.

“Sa halip na tulong, demolisyon ang tugon ng LGU. Sa halip na dayalogo, gumamit ito ng pwersa,” ayon sa grupo.

Nanawagan ang KMU-SMR sa Davao City LGU na agad na itigil ang lahat ng pagpapalayas sa mga manininda hanggang walang konsultasyon, relokasyon, at alternatibong hanapbuhay. Iginiit din nito ang pananagutan ng demolition team at makatarungang kumpensasyon sa mga nasaktan at napalayas noong Abril 29.

“Ang mga manggagawa at mahihirap ay hindi mga hadlang na kailangang linisin. Sila ang gulugod ng ekonomya ng lungsod na ito,” giit ng grupo.

The post Pagpapalayas ng mga manininda sa Bankerohan Market sa Davao, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.