Naglunsad ng protesta at nakipagdayalogo ang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao mula sa Albay, Camarines Sur at Sorsogon sa upisina ng Commission on Human Rights sa Legazpi City, Albay noong Abril 28. Hinimok nila ang ahensya na gumawa ng kaukulang aksyon hinggil sa tumitinding red-tagging at terror tagging sa rehiyong Bikol.

Sa nakalipas na mga buwan, naulat ang maraming insidente ng pagkalat ng mga paskil na malisyosong nagbabansag na “terorista” at nag-reg-tag sa mga indibidwal at organisasyon sa Albay at Camarines Sur.

Sa dayalogo, nangako si Atty. Loraine Marcaida, chief legal officer ng CHR, na itataas nito ang mungkahi ng mga biktima sa regional director sa susunod na linggo upang makabuo ng konkretong aksyon ang ahensya.

”Dapat magbigay ang CHR Bicol ng mga mekanismo para sa proteksyon at suporta para sa mga biktima, gaya ng tulong sa pagkakaso, at pagsubaybay at koordinasyon sa mga kaugnay na ahensya. Kailangan din nitong maglabas ng matapang at malinaw na pagkundena laban sa Red-tagging at terror-tagging… dapat silang magrekomenda ng mga kongkretong polisiya at hakbang na legal upang maiwasan ang pag-uulit ng ganitong mga paglabag at palakasin ang mga proteksyon para sa mga kalayaang sibil sa rehiyon,” ayon sa Defend Bicol.

“Inaasahan namin na sa Mayo ngayon taon ay makapaglalabas ng pahayag ang CHR Bciol ng kanilang tindig at opinyon hinggil sa naging dayalogo. Umaasa ako na makikipagtulungan ang ahensya sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa rehiyon, laluna sa mga biktima ng Red-tagging,” paliwanag ni Jen Nagrampa ng Bayan Bicol,

“Sa panahon na kritikal higit kailanman ang pagtatanggol sa karapatang-tao, ang pananahimik at kawalan ng aksyon ay hindi opsyon,” dagdag ng Defend Bicol.

The post Mga Bikolano, nananawagan sa CHR na imbestigahan ang maraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa rehiyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.