Nagmartsa tungo sa embahada ng US sa Maynila ang mga estudyante at lider Moro sa lalim ng Youth for Justice and Peace (Y4JP) at End the US War on Iran Coalition-National Capital Region noong Abril 28 para ipanawagan ang pagtatapos ng gera ng US sa Iran. Ipinanawagan rin nila ang pagbasura sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pang di pantay na mga kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at US.
Pinirmahan ang EDCA noong Abril 28, 2014. Mula sa lima, siyam na ang itinayong base militar ng US sa ngalan nito. Dagdag sa siyam na binansagang “EDCA site” ang marami pang lokasyong ginagamit ng US bilang lagakan ng armas at iba pang lohistika.
Bago ang martsa, pormal na inianunsyo ang alyansang End the US War on Iran Coalition NCR sa isang press conference sa Kalaw Street kanto ng Taft Avenue. Pagkatapos nito isinagawa ang tinawag nilang “Martsa para sa Kapayapaan.” Tumuloy ang mga raliyista sa Rajah Sulayman Park para magdaos ng programa.
“Nagmartsa kami tungo sa embahada ng US at nananawagan para sa pagtatanggal ng lahat ng mga base militar ng US sa Pilipinas… at pagbabasura sa lahat ng mga di pantay na tratado sa pagitan ng US at ng aming bansa,” ayon sa Y4JP.
Isa sa mga nagsalita sa pagkilos si Sheik Yunus Al-Fibini, isang Shia Muslim scholar na nanawagan sa lahat ng mga Pilipino, magkaiba man ang paniniwala at relihiyon, na manindigan para sa hustisya. Mariin niyang kinundena ang US at ang teroristang estado ng Israel sa ginagawa nitong pambobomba sa Iran at Palestine.
“Nasaan ang hustisya sa pambobomba sa mga eskwelahan? Saan ang hustisya sa pagpatay ng mga bata?” Ang nangyayari sa kasalukuyan, aniya, ay lantarang pang-aapi, terorismo at inhustiya. Nakiisa siya sa mamamayan ng Iran, Lebanon at Palestine, gayundin sa Venezuela at Cuba.
The post Kabataan, lider-Moro, iginiit ang pagbabasura sa EDCA sa ika-12 taon nito appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

