Nagpahayag ng pagkabahala ang mga residente ng Paracale, Camarines Norte sa naganap na pampublikong konsultasyon noong Abril 23 sa Barangay Tawig para sa planong open pit mining sa komunidad. Kaharap nila sa konsultasyon ang kumpanya ng pagmimina at mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources-Environment Management Bureau 5.

Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang mga residente dahil sa hindi pagsagot ng EMB sa kanilang mga tanong at pangamba hinggil sa magiging epekto ng pagmimina sa kanilang kabuhayan at sa kalikasan. Sa halip, ay nagmistulang tagapagsalita ng ahensya ang kumpanya. Maging ang kumpanya ay hindi rin makapagpaliwanag nang maayos. Sinabihan pa sila na “kung semento ang bahay mo at ayaw mo sa mining, ibalik mo lang sa kawayan… kung may selpon ka, dapat payag ka sa mining o itapon mo nalang cp mo!”

Ikinababahala ng mga residente ang magiging epekto ng pagmimina sa kalikasan dahil sa malawakang paghuhukay ng lupa, polusyon sa ilog at dagat dulot ng tailings o basurang kemikal, pagguho ng lupa at pagbaha at pagkawala ng kabuhayan ng maliliit na minero at mangingisda. Posibleng mapalayas ang komunidad na maapektuhan ng proyekto.

Nagpahayag din ng mariing pagtutol ang simbahan ng Daet, Camarines Norte sa planong open-pit mining. Hinimok ng obispo nitong si Bishop Herman Abcede ang mamamayan na protektahan ang kalikasan.

Aniya, ang pagmimina ay nagdudulot ng tatlong malalim na sugat: sa kalikasan na maaring hindi na gumaling; sa tao, partikular sa mga mangingisda at magsasaka na papasan ng pinsala habang ang kita ay mapupunta sa iilan; at sa kaluluwa ng pamayanan dahil sa banta ng pagdami ng bisyo at pagkasira ng pamilya.

“Ang ginto ay kumikislap, ngunit ang sugat ng kalikasan ay nananatali… kung ang ginto ay kapalit ng tubig, kalikasan, kalusugan at kinabukasan, hindi ito biyaya kundi tukso na dapat tanggihan,” pahayag ng obispo sa kanyang liham.

Aniya, hindi sasapat ang pagiging “nyutral” sa panahong nasa panganib ang buhay. Nananawagan siya sa gubyerno na unahin ang kapakanan ng mamamayan.

Ang proyekto ay pangangasiwaan ng Paracale Gold Project, kumpanyang pagmamay-ari ng Golden River Mining Corporation. Sasaklaw ito ng 321.46 ektaryang lupain sa mga barangay Casalugan, Tawig at Tugos. Tatagal nang humigit kumulang siyam na taon ang kabuuang operasyon, mula sa eksplorasyon hanggang sa rehabilitasyon ng lugar matapos ang pagmimina.

Kasaluyang nasa proseso ng aplikasyon para sa Mineral Production Sharing Agreement at Environmental Compliance Certificate ang kumpanya.

Ayon sa kumpanya, hindi na ito dadaan sa yugtong eksplorasyon dahil 1968 pa lamang ay rehistrado na ang Goldren River Mining. Sa mahabang panahon ng kanilang pag-aaral sa lugar, nalampasan na diumano nito ang unang yugto ng pananaliksik sa mineral.

Maliban sa Golden River Mining, may mga kumpanya na nagpahayag din ng interes para sa pagmimina sa Paracale. Kasama rito Benguet Corporation, Base Metals Minerals Resources, Placer Dome Philippines/Placer Philippines Exploration Ltd, Coral Resources Philippines Incorporated, Precious Metals Minerals and Development Corporation at Bulawan Mineral Resources Corporation.

The post Planong pagmimina sa Camarines Norte, tinututulan ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.